• December 27, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

DEEP INSIDE MY HEART (Chapter 46) Story by Geraldine Monzon

HINDI NA  makapaghintay ang bagong client ng kumpanyang pinagtatrabahuhan ni Bernard na makaharap siya. Naglalaro na sa isip nito ang nalalapit na muli nilang pagkikita.

 

Nagmadali sa pag-uwi sina Angela at Bernard nang matanggap nila ang tawag ni Bela. Sinalubong agad sila nito ng yakap habang umiiyak.

 

Sobrang kalungkutan ang naramdaman ni Angela nang makita ang payapang mukha ni Lola Corazon na tila ba nahihimbing lamang sa pagtulog. Si Lola Corazon na ang naging pamilya niya mula nang maulila siya sa mga magulang. Kailanman ay hindi siya nito itinuring na kasambahay.Si Lola Corazon ang naging daan upang magkaroon ng katuparan ang pinangarap niyang pag-ibig ni Bernard. Si Lola Corazon din ang naging katuwang niya sa pag-aalaga noon kay Bela. Kaya ang paglisan ngayon ng matanda sa kanilang buhay ay napakasakit para sa kanya at sa kanilang pamilya.

 

Hinawakan ni Angela ang kamay ni Lola Corazon at nagmano.

 

“Lola Corazon, nawa’y maayos kang makapaglakbay patungo sa kabilang buhay…salamat po sa pag-aalaga at pagmamahal mo sa amin…” lumuluhang pamamaalam ni Angela sa matanda.

 

Hindi rin napigilan ni Bernard ang pag-agos ng mga luha sa pisngi. Si Lola Corazon din ang naging pangalawa niyang magulang at alam niyang labis na nagmamahal sa kanya at sa kanyang binuong pamilya. Nilapitan niya ito at niyakap ng buong pagmamahal.

 

“Lola, alam kong masaya kang iiwan kami dahil nakita mo na ang muling pagkabuo ng ating pamilya. Ang pagbabalik ni Bela sa buhay natin…kaya masaya rin kaming mamamalam sa’yo ngayon, hanggang sa muli nating pagkikita…” ani Bernard na kinuha ang kamay ng matanda at hinagkan.

 

Hinagkan naman ni Bela sa noo ang kanyang lola at saka sila nagyakap ng mga magulang habang nakatingin kay Lola Corazon.

 

Dahil sa pagkamatay ni Lola Corazon ay iba ang nakipagmeet sa target client ng kumpanya nila Bernard. Kaya naman na-disappoint ang kliyente at hindi pa ito nakipagsara ng deal. Gusto talaga niya na si Bernard ang mismong makaharap niya.

Tinawagan si Bernard ng kanilang CEO at sinabi ang nangyari. Nangako naman si Bernard na aasikasuhin niya agad pagbalik niya sa work. Alam kasi niyang pagdating sa pakikipagdeal sa mga kliyente ay siya ang higit na pinagkakatiwalaan ng kanyang boss.

 

Parehong sumama sina Jared at Jeff sa paghahatid sa huling hantungan ni Lola Corazon.

Ang una ang mas nakakalapit sa dalaga. Kahit banas si Jeff ay hinahayaan lang niya dahil ayaw niyang gumawa ng eksena sa ganoong sitwasyon.

Pero nang makakuha siya ng tiyempo ay hindi niya pinalampas at hindi na pinakawalan si Andrea.

 

“Andrea, condolence ha.”

 

Tumango ang dalaga.

 

“Nga pala, etong bulaklak, kanina ko pa gustong iabot ito eh.”

 

“Salamat Sir Jeff.”

 

“Hindi ‘yan para sa’yo ha, para kay Lola Corazon ‘yan.”

 

Nagulat ang dalaga dahil akala niya ay para sa kanya ang mga white roses na iniabot nito. Pero hindi siya masyadong nagpahalata. Ipinatong na lang niya ang bulaklak sa puntod ng kanyang lola.

 

“Matutuwa si Lola Corazon, kaya alam kong magpapasalamat siya sa’yo.”

 

“Nabanggit mo na ba’ko sa kanya?”

 

“Actually nabanggit na kita sa mga magulang ko at gayundin kay lola. Pero hindi ko nabanggit sa kanila kung gaano ka kaangas.”

 

“What?”

 

Tumingin si Bela sa binata na nakatayo sa likuran niya.

 

“Totoo naman diba?”

 

“Andrea, ‘wag ka ngang ano d’yan, nandito ako ngayon para makiramay. Anong pinagsasasabi mong maangas?”

 

Naputol ang pag-uusap nila nang lapitan sila ni Angela.

 

“Bela, anak, kailangan na nating umuwi, nagdidilim, mukhang bubuhos ang ulan. Imbitahan mo siya sa atin para doon na maghapunan.” ani Angela na ang tinutukoy ay si Jeff.

 

“Ah, hindi na po mommy, actually pauwi na nga rin po siya eh, diba Sir Jeff?”

 

“Hindi po, okay lang kung sa inyo ako magdi-dinner. Nakakahiya naman kasi kung tatanggihan ko ang paanyaya nyo diba?”

 

Hindi iyon nakaligtas sa pandinig ni Jared. Pero wala naman siyang magawa. Staff lang siya sa restaurant ng mga Cabrera. Walang chance na maimbitahan din siya tulad ni Jeff na dating amo ni Bela.

 

“Andrea, sabay ka na sa akin sa motor ko. May extra helmet naman ako eh.” alok ni Jeff.

 

“Hindi na. Sasabay na lang ako kina mommy.”

 

“Nagpapakipot ka na naman eh, sa akin ka na sumabay. Tara na.”

 

Dahil sa kakapilit ni Jeff ay napapayag din niya ang dalaga. Nagpaalam si Bela sa mga magulang at kay Cecilia na naroon din.

 

Habang pauwi ay nakasunod ang kotse ng mag-asawa sa motor ni Jeff kung saan nakaangkas si Bela.

 

“Hindi ko gusto ang lalaking ‘yon, siya si Jeff, right?” ani Bernard.

 

“Yes. Sweetheart. Pero bakit naman?”

 

“Basta. Hindi ko nagugustuhan ang pag-ali-aligid niya sa anak natin.”

 

Hindi umimik si Angela. Deep inside ay hindi rin naman niya gusto si Jeff dahil sa mga naikuwento sa kanya noon ni Janine at gayundin ni Bela tungkol dito. Pero gusto niyang bigyan ng chance ang binata. Alam din kasi niya na ito ang lalaking nasa puso ng anak. Sa oras lamang na muling umiyak si Bela dahil sa kanya ay sila na ang makakalaban niya.

 

Sa kauna-unahang pagkakataon na makaangkas si Bela sa motor ni Jeff ay bumilis ang pintig ng puso niya. Nag-aalangan pa siyang kumapit sa beywang nito dahil nag-aalala siya na baka maramdaman nito ang kilig niya.

 

Pero biglang hinablot ni Jeff ang kamay ni Bela at siya mismo ang naglagay ng kamay nito sa beywang niya.

 

“Ang arte arte mo naman, kakapit ka lang eh, baka mahulog ka pa sa motor dahil sa kaartehan mo.” anas nito.

 

“E baka kasi may kiliti ka sa beywang.” Palusot ng dalaga.

 

“Wala noh, saka kahit meron titiisin ko huwag ka lang mahulog. Mahulog ka na sa akin huwag lang sa motor.”

 

“Tseh!” sabay kurot ni Bela sa tagiliran ni Jeff.

 

Napakunot ang noo ng dalaga nang mabungaran sa gate nila si Regine.

 

“Anong ginagawa mo rito?”

 

“Hindi ako nakaabot sa libing ni Lola Corazon kaya dito na ako dumiretso. May sadya ako sa daddy mo.”

 

Lumapit pa ng konti si Bela sa babae.

 

“Binabalaan kita. Mas makakabuti kung igagalang mo ang paglisan ng lola ko at ang pagsasama ng mga magulang ko kung ayaw mong manghiram ng mukha sa aso.”

 

“Easy my dear, I’m not here to do any harm. So stay calm okay?”

 

Huminga ng malalim si Bela bago nakairap na tinalikuran si Regine.

 

Palihim na sinundan ni Regine ng tingin ang dalaga na lumakad papasok sa loob ng bahay kasunod ang binata.

 

“May araw ka rin sa’kin, maldita…” bulong nito sa sarili.

 

(ITUTULOY)

Other News
  • ALAK, BAWAL MUNA SA PISTA NG ITIM NA NAZARENO

    IPAGBABAWAL muna ang pagbebenta at pag-inom ng alak sa Kapistahan ng Quiapo , ayon kay Manila Mayor Isko Moreno Domagoso     Ito ay matapos lagdaan ng alkalde ang City Ordinance 5555 na nagbabawal sa pagbebenta ng alak sa panahon ng Kapistahan ng Itim na Nazareno o nasasakop ng Kapistahan.     Magsisimula ang liquor […]

  • KONSEPTO NG 15-MINUTES CITY, NAIS GAYAHIN NG QC

    PINAG-AARALAN na ngayon ng pamahalaang lokal ng Quezon City ang konsepto ng 15-minutes city strategy bilang bahagi ng kanilang komitment sa pagsusulong ng sustainable community sa lungsod.     Ang 15-minutes city ay isang urban model na nagsisigurong ang lahat ng esensyal na pangangailangang serbisyo gaya ng health care, job opportunities, parks at open spaces, […]

  • Palaisipan kung para saan ang pagmamaneho ng jeep: DINGDONG, labis-labis ang pasasalamat sa suportang nakuha para sa ‘Family Feud’

    LABIS-LABIS ang pasasalamat ni Kapuso Primetime King Dingdong Dantes, dahil after two weeks pa lamang siyang nagho-host ng Family Feud ay grabe na ang suportang nakuha nila sa mga televiewers.       “Moment of joy po ang nararamdaman ko, and I’ll be forever grateful for the opportunity to bring joy and laughter to all our […]