• November 5, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

DoF, aware sa $180 milyon o P9 bilyon na pinasok na pera ng mga Chinese nationals

HINDI lingid sa kaalaman ng Department of Finance (DoF) ang $180 milyon o P9 bilyon na pinasok na pera ng mga Chinese nationals sa bansa mula Disyembre 2019 hanggang Pebrero ng taong ito.

 

Sinabi ni Department of Finance Asec. Tony Lambino sa Economic Briefing sa New Executive Building (NEB), Malakanyang na inireport na ng Bureau of Customs (BoC) kay Finance chief and economist Carlos G. Dominguez III at sa Anti-Money Laundering Council (AMLC).

 

Aniya, itse-check nila sa AMLC kung ano na ang aksyon na ginawa nito sa nasabing usapin.

 

Para kay Asec. Lambino, ang bagay na kanilang napagtanto ay hindi ito illegal sa Pilipinas.

 

Ang katuwiran niya ay wala naman kasing batas na ipinasa ang Kongreso para salungatin ang ganitong uri ng transaksyon at sabihing illegal.

 

Ang kailangan lamang ay ideklara ito at malayang maipasok ito sa bansa.

 

Ang mga hindi nagdedeklara at nahuhuli ay iyon kaagad na nagagawan ng seizure o pagkumpiska ng pera subalit ang mga nagdeklara naman aniya ay pinapayagan ang mga ito na dalhin sa bansa ang kanilang pera dahil hindi naman ito ginawang illegal ng Kongreso.

 

“So, that’s one thing I … we can work on together with our legislators,” aniya pa rin.

 

Ang pangalawang punto ay nais nilang i-trace o tuntunin kung saan napupunta at saan nagagamit ang nasabing pera.
Sa ulat, nagtataka naman ang ilang senador kung bakit pinalulusot ng AMLC ang milyon-milyong dolyar na pinapasok ng mga Chinese sa Pilipinas.

 

Nanindigan sina Senador Richard Gordon, Francis ‘Kiko’ Pangilinan at Senate Minority Leader Franklin Drilon na money laundering na ang ginagawa ng mga Chinese.

 

Sa personal na impormasyon ni Gordon, chairman ng Senate Blue Ribbon Committee, may 60 Chinese ang nakalusot sa bansa na may bitbit na milyong dolyares na aniya’y kaduda-duda ang paggagamitan.

 

“May $3 million, may $4 million. Milyon ha, cash. At inaamin nila,” pahayag ni Gordon.

 

Pero nagtataka umano siya kung bakit walang aksyon dito ang AMLC.

 

“Nagtataka ako, ang tagal-tagal nang nangyayari ‘yun, walang umaaksyon sa AMLC dahil suspicious,” ani Gordon kaya nagdesisyon siyang paimbestigahan ito sa kanyang komite.

 

Sa tantiya ni Gordon, umabot sa $180 milyon o P9 bilyon ang pinasok na pera ng mga Chinese mula Disyembre 2019 hanggang Pebrero ng taong ito.

 

Nagbabala naman si Drilon na nagiging pugad na ang Pilipinas ng mga money launderer.

 

“Sa akin, maliwanag na ginagamit ang ating bansa para sa money laundering. Talagang lumalaganap at lumalakas ang loob nitong mga Chinese syndicates at nagiging haven tuloy ang ating bansa for money launderers,” pahayag ni Drilon.

 

Drilon ang Senate President nang ipasa ng Kongreso Republic Act 9160 o Anti-Money Laundering Act of 2001.
“We have never seen this kind of behavior. They seem very confident that they will not be caught,” ayon pa sa senador.

 

Sabi ni Drilon, hindi naman iligal para sa mga dayuhan na magbitbit ng malaking halaga ng pera sa bansa subalit kailangang i-report ang halaga nito sa Bureau of Customs.

 

Ayon pa sa senador, ang pagi-ging pugad ng mga money launderer ay maaaring may kinalaman sa pamamayagpag ng mga casino at Philippine Offshore Gaming Operators o POGO sa bansa.

 

Sinabi naman ni Pangilinan na winawalanghiya ng Chinese ang umiiral na batas sa bansa sa pagpupuslit ng malaking halaga ng pera.

 

“Hindi pa may nabanggit pa si Senator Gordon na bil-yong dolyares o daang milyong dolyares ang pumapasok.

 

Kumbaga walanghiyaan na sa ating batas, wala ng pagkilala. ‘Yong bang ang trato nila sa atin dito ay bansa nila ito at batas nila ang mangingibabaw kung ano man ‘yon at hindi ‘yong mga batas natin,” wika ni Pangilinan kasabay ng panawagan na ipa-deport na ang mga pasaway na Chinese. (Daris Jose)

Other News
  • DTI nilinaw na para sa international promotion ang pagluluto ng adobo standards

    Nilinaw ng Department of Trade and Industry (DTI) na para lamang sa international promotions ang panukalang adobo standard at hindi ito mandatory standard sa mga kabahayan.     Ayon sa DTI na ang panukala na magkaroon ng standard recipe para sa mga pagkaing Pinoy gaya ng adobo na magkaroon ng traditional recipe ay naisip para […]

  • MGA WANTED NA DAYUHAN, IPAPA-DEPORT

    INANUNSYO ng Bureau of Immigration (BI) ang pagkakaaresto ng apat na dayuhan na wanted ng awtoridad dahil sa kasong kanilang kinakaharap sa kanilang bansa.     Sinabi ni Immigration Commissioner Norman Tansingco, na ang apat na dayuhan ay nakatakdang ipa-deport pabalik sa kanilang bansa at inilagay na rin sila sa blacklist para hindi na makabalik […]

  • Higit 100 shooters, nakiisa sa AM/FM Invitational Shootfest

    MAHIGIT 100 shooters mula sa CAMANAVA (Caloocan, Malabon, Navotas Valenzuela) areas ang sumali sa dalawang araw na 1st AM/FM (Along Malapitan For Mayor) invitational shootfest na ginanap sa Caloocan City Police Station Firing Range.   Pinangunahan ni Caloocan 1st District Congressman Dale “Along” Malapitan ang pagbubukas ng seremonya ng shootfest sa pamamagitan ng pagtama ng […]