• July 18, 2025

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Fernando, hinakayat ang mga Bulakenyo na magparehistro at bumoto

LUNGSOD NG MALOLOS– Hinikayat ni Gobernador Daniel R. Fernando ang mga Bulakenyo na magparehistro sa Voters’ Registration ng Commission on Elections na nagsimula noong Pebrero 15  hanggang Setyembre 30, 2021 upang makaboto sa darating na 2022 Presidential Election.

 

 

Bagaman hindi sapilitan ang pagboto, sinabi ni Fernando na isa itong tungkuling sibiko at mahalagang bahagi ng ating demokrasya na tutukoy sa hinaharap ng ating bansa.

 

 

“Ang pagpaparehistro para makaboto at ang mismong pagboto po ay libre lamang. Walang bayad at walang mawawala sa atin. Pero kung iisipin pong mabuti, ang mga benepisyo nito ay napakalaki at napakalawak. Kaya naman huwag po sana nating panghinayangan ang sandaling oras na ilalaan natin dito dahil bawat isa po sa atin ay may kapangyarihang mag-ambag sa lalong ikauunlad ng ating bansang Pilipinas,” anang gobernador.

 

 

Upang makapagparehistro, maaaring bisitahin ng mga Bulakenyo ang https://irehistro.comelec.gov.ph/ o tumungo sa tanggapan ng COMELEC sa kani-kanilang lungsod o bayan.

 

 

Pinaalala rin ni Abgd. Mona Ann T. Aldana-Campos, Provincial Election Supervisor ng COMELEC Bulacan, na hinihiling ng IATF na mahigpit na ipapatupad ang mga minimum public health standards at sinabi na kailangan na magsuot ang mga magpaparehistro ng face mask at face shield at magdala ng kanilang sariling itim na ballpen.

 

 

Gayundin, binanggit niya na bumisita sa tanggapan ng COMELEC tuwing Martes hanggang Sabado, 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon dahil walang transakyon ang mga tanggapan ng COMELEC tuwing Lunes para sa disinfection. (Bishop Jesus “Jemba” M. Basco)