• November 7, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Fernando, ipinag-utos ang pansamantalang pagsuspindi ng pagmimina

LUNGSOD NG MALOLOS – Upang matugunan ang patuloy na isyu sa mga sira-sirang kalsada at labis na pagmimina sa lalawigan, naglabas si Gobernador Daniel R. Fernando ng Executive Order No. 21 na nagmamandato ng pansamantalang pagsuspindi ng lahat ng permit sa pagmimina, quarrying, dredging, desilting at iba pang uri ng mineral extractive operations sa Bulacan.

 

 

Sa ginanap na talakayan kasama ang mga mining stakeholder at iba pang apektadong sektor sa pangunguna ng Bulacan Environmental and Natural Resources Office (BENRO) sa The Red Arc Events Place sa Brgy. Wawa, Balagtas, Bulacan noong Miyerkules, ipinaliwanag ni Fernando na ibinaba niya ang Executive Order bunga ng patuloy na pagkasira ng mga kalsada dulot ng overloading ng mga sasakyang pangtrasportasyon maging ang sakay man nito ay land minerals o iba pang mga kalakal.

 

 

Dumalo rin sa talakayan ang mga kinatawan mula sa mga kinauukulang ahensiya para sa karagdagang pagpaplano, mahigpit na pagpapatupad at pagsuporta sa Executive Order kasama na ang Bulacan Police Provincial Office sa pangunguna ni PCol. Charlie A. Cabradilla; Department of Public Works and Highways represented by Engr. Henry C. Alcantara, Bulacan 1st District Engineer; Provincial Mining Regulatory Board na kinatawan ni Inh. Reynaldo Cruz mula sa Mines and Geosciences Bureau-Region 3 at Land Transportation Office na kinatawan ni Carina Macapagal, hepe ng LTO Malolos District Office.

 

 

Aniya, dapat na kagyat na kumilos ang Department of Public Works and Highways, Land Transportation Office, Philippine National Police at Highway Patrol Group at tumulong na matugunan ang matagal nang problema sa overloading at sira-sirang mga kalsada.

 

 

“Nasisira na po ang mga kalsada natin, ang mga bridges. I want your cooperation in this matter. I need your help, nakikiusap po ako sa inyo. Ang kamay ko ay inaabot ko sa inyo alang-alang sa ating bayan. Sayang ang pera ng gobyerno sa taun-taong pagpapagawa kung paulit-ulit lang rin na masisira ang mga kalsada natin lalo na kung ang ilan sa ating kapwa na nasa mining sector ay hindi sumusunod sa itinalagang policy,” anang gobernador.

 

 

Ipinaliwanag din ni Fernando na ang pagpapatupad ng Executive Order ay magbibigay daan sa nakabinbing ebalwasyon ng Pamahalaang Panlalawigan upang matukoy at makabuo ng updated na matrix at mga polisiya para sa mga mining stakeholder at trucking companies.

 

 

Aniya, layon ng pagsisikap na ito na suportahan ang administrasyon ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. habang iginigiya niya ang bansa tungo sa higit na progreso at pag-unlad.

 

 

Samantala, nilinaw naman ni Abgd. Julius Victor Degala, pinuno ng BENRO, na kasalukuyang ipinapatupad ng lalawigan ang “no excessive volume policy” na nakapaloob sa Provincial Ordinance C-005 o ang Environmental Code of the Province of Bulacan na nagtatakda ng limitasyon sa volume ng bawat trak.

 

 

Sa mandato ng gobernador, magpapatupad rin si Degala ng mahigpit na pagbabantay sa mga checkpoint at magtatakda ng isang tiyak na paraan ng beripikasyon alinsunod sa patakaran.

 

 

“Isa po sa nakikita kong problema ay ang mga checkpoint. Sa mga nagsasabi diyan na kayo ay untouchable sa checkpoint, gagalawin ko kayo ngayon. Tapos na po ang sistemang bulok. The governor has given me orders and I will obey him. Sa lahat po ng mga nasa checkpoint na ito, ililipat ko po sila at papalitan ko po ang mga tao,”ani Degala.

 

 

Kaugnay nito, mahigpit ding idiniin ni Fernando ang kagustuhan niyang wakasan ang mga iligal at labis na pagmimina sa lalawigan.

 

 

“Layunin po ng mandatong ito na tuldukan na ang mga kaso ng iligal o labis na pagmimina ng lupa at pagpuputol ng mga puno sa ating lalawigan. Kailangan po nating kontrolin at mahigpit na bantayan ang pagmimina at mga kaugnay na gawain gaya ng dredging, desilting, at land development upang maisalba natin ang ating kalikasan at kapaligiran,” anang gobernador.

 

 

Samantala, ang EO No. 21 ay magiging epektibo alinsunod sa mga probisyon ng Local Government Code at mapapawalang bisa sa sandaling makamit na ang layunin ng kautusan.

 

 

Ang mga mapapatunayang lumabag sa Executive Order ay magbabayad ng multang P5,000 bawat paglabag; pagkakakulong ng hindi bababa sa anim na buwan ngunit hindi hihigit sa isang taon at pagbawi sa kanilang mga permit. (BISHOP JESUS “JEMBA” M. BASCO)

Other News
  • Ads January 9, 2020

  • Suspensyon ng mga major sports events, pinaboran sa Kamara

    SUPORTADO ng chairman ng House Committee on Youth and Sports Development ang desisyon na pansamantalang suspindihin ang ilang sports events kabilang na ang pagho-host ng Pilipinas sa 10th ASEAN Para Games (APG).   Ayon kay Valenzuela City Rep. Eric Martinez, ito ay bilang pagtugon na rin sa naging advisory ng Department of Health (DOH) kaugnay […]

  • Galvez, suportado ang 2nd booster shot para sa ibang sektor

    UMAPELA si National Task Force (NTF) against Covid-19 chief implementer Secretary Carlito Galvez Jr. sa Health Technology Assessment Council (HTAC) na bilisan ang pag-apruba sa second booster shots na ibibigay sa mas maraming vulnerable sectors at isama ang iba pang priority sectors sa kanilang rekomendasyon.     Sa Talk to the People ni Pangulong Rodrigo […]