Gulo sa PWAI nasa AWF na
- Published on December 3, 2020
- by @peoplesbalita
UMABOT na rin pala ang alingasngas sa Philippine Weightlifting Association, Inc. (PWAI) sa nakabase sa Doha, Qatar na Asian Weightlifting Federation (AWF).
Ito ay ang kawalang eleksiyon sa National Sport Association ng ‘Pinas sapul noong taong 2016 at basta na lang pinalitan ito ng bagong pangalan.
Si PWAI board member Felix Tiukinhoy Jr. ang nagparating ng bagay kina AWF officials, Qatari president Mohammded Yousuf Almana at secretary general Boossaba Yodbangtoey ng Thailand.
Nanunungkulan ding pangulo ng Cebu Weightlifting Association, Inc. (CWAI), ipinahayag ng Cebu City-based na si Tiukinhoy na nagkaloko-loko ang PWAI nang biglang umalis ng Pilipinas at manirahan na sa Estados Unidos ang dating pangulo na si Roger Dullano.
At basta-basta na lang din aniya ipinagpatuloy ng dating pangulong si Monico Puentevella ang pag-aktong presidente nang walang pagpupulong o halalan base sa batas ng PWAI.
“I am sincerely looking forward to your positive remark on this regard and may all the good forces be with as to uplift our beloved sport weightlifting,” anang opisyal ng PWAI, na commissioner din ng Cebu Sports Foundation (Cesafi) sa dalawang pahinang liham sa mga opisyal ng Asian continental lifting body.
Bubmuo sa CWAI, na karamiha’y bahagi rin ng PWAI sina Cong. Rufus Rodriguez (chairman), Jude Harry del Rio (vice president), Judith Sadje Sulla (secretary general), Edwin Nacua (treasurer), Danilo Catingub (auditor), Juan Maraat (PRO), Eliseo Dildig (project director), Dean Baldomero Estenzo (legal adviser), at Hidilyn Diaz (program ambassador).
Dalangin ng OD, para kabutihan ng PH sports at ng ating mga atleta, maayos na sana ang problema ng PWAI. Panghimasukan na rin sana rin ni Philippine Olympic Committee (POC) president Abraham Tolentino o ng kagaya niyang bagong halal na POC executive board. (REC)