• July 17, 2025

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Japan, magpapalabas ng karagdagang 20 billion yen loan para sa PH COVID-19 response

PINAG-USAPAN nina Pangulong Rodrigo Roa Duterte at Japanese Prime Minister Yoshihide Suga, araw ng Miyerkules ang napipintong pagpapalabas ng JY20 billion ( P9 billion) Post-Disaster Standby Loan sa Pilipinas, ang kalagayan ng subway at railway projects sa Metro Manila at ang agresibong aksyon ng China sa South China Sea.

 

Ayon sa overview na ibinigay ng Japanese Embassy sa Maynila, ang telephone conversation sa pagitan ng dalawang lider ay tumagal ng 20 minuto kung saan ay inulit ni Prime Minister Suga ang suporta ng Japan sa Pilipinas para sa pandemic recovery efforts ng bansa.

 

Ang Japan, sa pamamagitan ng Japan International Cooperation Agency (JICA), ay itinakda ang pagpapalabas ng JY20 billion loan sa Pilipinas ngayong Hunyo 2021 para tumulong na pondohan ang pandemic response measures ng bansa gaya ng testing and quarantine facility expansion at social amelioration program para sa vulnerable na tao at mga sector, matapos ang re-imposition ng Enhanced Community Quarantine (ECQ) sa NCR Plus noong Marso 29, 2021.

 

“Upon the request of the Philippines, the approval of this third tranche came as a result of the successful summit teleconference between Prime Minister Suga Yoshihide and President Rodrigo Roa Duterte held on May 19, 2021,”ang nakasaad sa media handout ng Japanese Embassy.

 

Sa panig naman ni Pangulong Duterte, sinabi nito na ang mga legacy o pamana na malilikha ng subway development at extension ng North-South Commuter Railway sa Metro Manila ay mabubuhay sa mga susunod na henerasyon.

 

Nagpaabot naman ng pasasalamat si Pangulong Duterte sa Japanese government para sa kontribusyon nito sa Mindanao peace process.

 

Kasabay ng ika-65 taong anibersaryo ng Japan-Philippines diplomatic relations at isang dekada ng lumang Strategic Partnership, nagkasundo ang dalawang lider na mahigpit na mag-ugnayan para sa pagtataguyod ng ng “Free and Open Indo-Pacific” at “ASEAN Outlook for the Indo-Pacific (AOIP).”

 

Kapwa naman nagpahayag ng kanilang intensyon ang dalawang lider na palakasin ang kanilang kooperasyon sa Sulu at Celebes Seas at nakapaligid na lugar.

 

Samantala, nagpahayag naman ng pagtutol ang Japanese prime minister sa “continued and strengthened unilateral attempts to change the status quo in the East China Sea and the South China Sea” ng China at nagpahayag ng kanyang matinding pag-aalala ukol sa huling kaganapan sa China, kabilang na ang implementasyon ng bagong Coast Guard Law ng Beijing

 

Napagkasunduan naman ng dalawang lider na magtulungan tungo sa pagpapanatili ng kapayapaan at katatagan sa rehiyon sa ilalim ng rule of law gaya ng United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS).

 

Kapwa rin ibinahagi ng dalawang lider ang kanilang pananaw sa sitwasyon sa Myanmar kahit pa pinuri ni Suga ang pagsisikap na ginawa ng Association of Southeast Asian Nations (ASEAN) lalo na noong panahon ng April 24, 2021 Leaders’ Summit sa Jakarta, Indonesia. (Daris Jose)