• November 22, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

“Magkapit-bisig tayo sa pagpapayabong ng pamanang ito” – Fernando

LUNGSOD NG MALOLOS- Nanawagan si Gobernador Daniel R. Fernando sa kanyang mga kapwa Bulakenyo na ipagpatuloy ang pamana ng Singkaban Festival sa pamamagitan ng pagsuporta sa isang linggong mga aktibidad na inilaan para ipagbunyi ang mayamang kultura at kalinangan ng Lalawigan ng Bulacan sa ginanap na Grand Opening sa harap ng gusali ng Kapitolyo sa lungsod na ito.

 

 

“Kapit-bisig tayo sa pagpapayabong ng pamanang ito na nananaig sa gitna ng anumang hamon at nagpapatuloy sa bawat yugto ng kasaysayan ng ating lalawigan,” anang gobernador.

 

 

Ayon sa People’s Governor, ipinagmamalaki ang Bulacan bilang lalawigan na may pinakamaraming pambansang alagad ng sining sa halos lahat ng kategorya.

 

 

“Ito ang ating lahi. Ito ang ating pamana. Tandaan po natin na ang Bulacan ay dakilang lalawigan na karapat-dapat sa ating matapat na pagmamahal,” ani Fernando.

 

 

Ibinahagi rin niya na kanyang ilulunsad ang Dulaang Filipino, isa sa kanyang mga prayoridad na proyekto bilang isang aktor sa telebisyon at teatro, na naglalayong tumuklas ng mga bagong artista at aktor.

 

 

“Hangad ko po na manatiling buhay ang tunay na diwa ng Singkaban, ang kalinangan at kabutihan ng isang tunay na Bulakenyo,” aniya.

 

 

Samantala, para sa kanyang bahagi, saludo sa mga Bulakenyo ang Kalihim ng Kagawaran ng Turismo Maria Esperanza Christina Garcia Frasco na kinatawan ni Undersecretary Ferdinand “Cocoy” Jumapao dahil sa kanilang katatagan sa kabila ng mga hamon na dala ng pandemya.

 

 

“Sa lahat ng pinagdaanan natin, lalo na dahil sa pandemya, nakakataba ng puso makita kayong mga Bulakenyo na nagkakaisa para ipagpatuloy ang mayamang tradisyon ng Bulacan,” ani Jumapao.

 

 

Siniguro rin niya sa mga Bulakenyo na kaisa nito ang kagawaran ng turismo sa pagpapalago ng katangi-tanging natatagong destinasyon sa lalawigan.

 

 

“Isa sa mga prayoridad ng DOT under Sec. Frasco ang pantay-pantay na pagpapaunlad ng destinasyon, higit lalo doon sa mga natatagong yaman at tanawin. Makakaasa kayo na hindi makakalimutan ng DOT ang Bulacan lalo na at isa ito sa mga kaakit-akit na lugar na may natatanging potensyal sa daigdig ng ekonomiya,” dagdag ng undersecretary.

 

 

Matapos ang programa, ginanap ang Parada ng Karaso kung saan 11 karosa ang nakiisa mula sa Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan, mga Lungsod ng Malolos at Meycauayan at mga bayan ng Bocaue, Bulakan, Guiguinto, Hagonoy, Pandi, Paombong, Santa Maria at San Rafael.

 

 

Nakaangkla sa temang “Patuloy na Pagsikhay Tungo sa Tagumpay” ang Singkaban Festival sa taong ito. (BISHOP JESUS “JEMBA” M. BASCO)

Other News
  • HALOS 2 MILYONG HALAGA NG SHABU NASAMSAM SA BUY BUST SA CAVITE

    TINATAYANG halos P2 milyon halaga ng hinihinalang shabu ang nasasam sa pagkakaaresto ng tatlong katao kabilang ang nominee ng isang party List at isang menor de edad sa isang buy bust operation sa Dasmarinas City, Cavite Lunes ng hapon.     Kinilala ang mga naaresto na sina Asrap Kamad Kasan Datu (ASRAP) , Nominee Partylist  […]

  • MAHIGIT 430 NA OPISYAL NG BI SA NAIA, BINALASA

    MAHIGIT 430 na mga opisyal ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport  (NAIA) ay binalasa  at binigyan ng bagong terminal assignment  bilang bahagi ng ahensya na maiwasan ang korapsiyon  ng kanilang tauhan.       Sinabi ni BI Commissioner Jaime Morente na sa kabuuang 356 na kanilang frontline immigration offices na kasalukuyang […]

  • ‘Expanded’ travel ban vs 20 bansang may bagong COVID variant, ipatutupad ng PH – Duque

    Inanunsyo ni Health Sec. Francisco Duque III na hindi na papayagang makapasok sa Pilipinas ang mga biyahero na manggagaling sa 20 bansang nakapagtala na ng bagong variant ng COVID-19.   Ayon kay Duque, epektibo ang expanded travel ban simula alas-12:01 ng hatinggabi ng Disyembre 30 at tatagal hanggang Enero 15, 2021.   Ang mga bansang […]