• June 21, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Malakanyang, binuweltahan si Senador Lacson

NIRESBAKAN ng Malakanyang si Senador Panfilo Lacson matapos nitong pasaringan si Pangulong Rodrigo Roa Duterte na dapat i-“refresh” ng Pangulo ang kanyang memorya sa pamamagitan nang pagbasa sa Article VII, Section 21 ng 1987 Constitution kung saan nakasaad na walang anumang tratado o international agreement ang magiging valid at epektibo maliban na lamang kung niratipikahan o inaprubahan ito ng two thirds ng lahat ng miyembro ng senado.

 

“Senator Lacson, hindi lang po binasa ng ating Presidente ang Saligang Batas. Abogado pa po siya, pumasa po siya ng bar kung saan isa po sa tinanong o subject area para sa examination ay ang Constitution Law,” ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque.

 

“Wala pong kaduda-duda na ang Chief Executive o ang Pangulo ang chief architect po ng ating foreign policy. Iyan po ay hindi nakasaad sa ating Saligang Batas, pero iyan po talaga ay naging desisyon na ng napakadaming desisyon ng ating Korte Supreme, kasama na po iyong mga kaso ng Pimentel versus Executive Secretary at iyong Bayan versus Zamora at iyong Salonga versus Executive Secretary to name a few,” dagdag na pahayag ni Sec. Roque.

 

Pagdating naman aniya sa usapin ng tratado ay sinang-ayunan niya si Senador Lacson dahil nakasaad aniya sa Saligang Batas na ang mga tratado ay kinakailangan ng concurrence ng Senado.

 

Subalit ang tratado aniya ay isang instrumento lamang para sa foreign policy at ang concurrence ng Senado ay kinakailangan dahil iyong akto aniya ng concurrence ay ang siyang dahilan kung bakit nagiging batas ang isang tratado.

 

“Now, ang VFA po ay hindi tratado, iyan po ay naging desisyon na ng ating Korte Suprema sa Bayan versus Zamora at saka sa kaso ng Salonga versus Executive Secretary. Ito po ay pagpapatupad lamang ng isang tratado at ang tratado na pinapatupad ng VFA ay ang Mutual Defense Treaty. Tama po kayo na mayroon pong nakabinbin na kaso ngayon sa ating Korte Suprema na ang isyu ay kung kinakailangang mag-concur ang Senado sa pag-alis natin doon sa Visiting Forces Agreement. Pero bagama’t wala pa pong desisyon, wala naman pong Temporary Restraining Order na naisyu ang ating Korte Suprema na dahilan para ang Presidente ay pupuwede pong bumitaw sa VFA kahit kailan po,” paliwanag ni Sec. Roque.

 

Umaasa si Sec. Roque na magiging malinaw ang kanyang eksplanasyon lalo na kay Senador Lacson.

 

“Binasa po ang Constitution, binasa po ng ating Presidente iyong ating Saligang Batas at napasa po niya ang bar exam, kung saan tinanong po ang Saligang Batas, bilang isang area of examination. Iyon lang po at magandang umaga po sa inyong lahat,” giit ni Sec. Roque.

 

Nauna rito, pinanindigan ni Senador Lacson ang karapatan niyang magsalita sa usapin hinggil sa visiting forces agreement (VFA) sa pagitan ng Pilipinas at Amerika.

 

Sinabi ni Lacson na hindi man siya abogado tulad ng Pangulong Rodrigo Duterte, subalit sa huling basa niya sa konstitusyon, malinaw na ang isang senador ay may kinalaman sa international agreements na pinapasok ng gobyerno.

 

Ayon kay Lacson, dapat i-“refresh” ng pangulo ang kanyang memorya sa pamamagitan nang pagbasa sa Article VII, Section 21 ng 1987 Constitution kung saan nakasaad na walang anumang tratado o international agreement ang magiging valid at epektibo maliban na lamang kung niratipikahan o inaprubahan ito ng two thirds ng lahat ng miyembro ng senado.

 

Binigyang diin ni Lacson na kahit ang ordinaryong Pilipino na sa pakiramdam niya ay napahiya sa masakit at undiplomatic remarks ng pangulo ay mayroong karapatan sa ilalim ng batas na maghayag ng kanyang opinyon.

 

Wala aniyang sinuman kahit pa ang pangulo ng bansa ang maaaring kitilin ang nasabing basic right ng publiko.

 

Una nang sinabihan ng pangulo si Lacson na wala itng kinalaman sa isyu ng gobyerno sa VFA kaya mas mabuti anitong kumunsulta sa kanyang abogado bago magsalita at gumamit ng lengguwaheng makapagpo-promote sa pagkatao nito (Daris Jose)

Other News
  • Ads February 23, 2023

  • DSWD, nagpadala ng tulong sa mga flood victims sa Visayas, Mindanao

    IKINASA na ng  Department of Social Welfare and Development (DSWD) ang relief operations sa mga lugar sa  Visayas at Mindanao na apektado ng pagbaha.     Sinabi ng Malakanyang na ang  relief operations ay ipinag-utos ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr.     Sa katunayan, sinimulan na ng DSWD field offices sa Eastern Visayas at […]

  • ANIM NA DISTRICT HOSPITAL NG MANILA LGU NASA “RED FLAG” NA

    HALOS okupado na ang anim na pampublikong ospital sa lungsod ng Maynila .   Sinabi ni Manila Mayor Isko Moreno Domagoso na  baka hindi na nila ito kayanin  ngunit tiniyak naman ng alkalde na agad nilang gagawan ng paraan ang nasabing sitwasyon  upang mabigyan ng karampatang lunas ang mga pasyente ng COVID-19 na nangangailangang ma-admit […]