Malakanyang, pinalagan ang sinabi ni Senador Lacson hinggil sa drug war ng pamahalaan
- Published on March 10, 2021
- by @peoplesbalita
PINALAGAN ng Malakanyang ang pahayag ni Senador Panfilo Lacson na failure ang drug war ng administrasyong Duterte .
Ipinamukha ni Presidential Spokesperson Harry Roque sa senador ang malaking tagumpay ng kampanya ng gobyerno laban sa ilegal na droga at ito ay kayang patunayan ng datos.
Sa katunayan ay kalahati na ng mga barangay sa buong bansa ay drug free na kaya’t para kay Sec. Roque ay hindi ito maituturing na failure o isang kabiguan.
Aniya pa, mayroon pang isang taon at ilang buwan ang administrasyon para maabot ang 100% drug-free nation.
“Well, ang posisyon po natin diyan, mahigit kalahati na po ng ating mga barangays ay drug-free, so sa akin po hindi po iyan failure,” ani Sec. Roue.
“Iyan ay malaking tagumpay. Of course, ang ninanais natin 100% drug-free pero mayroon pa naman tayong isang taon at ilan pang buwan para makamit iyang ganiyang objective,” dagdag na pahayag nito.
Nauna nang sinabi ni Senador Lacson na hindi na dapat pang magkuwari ang pamahalaan na bigo ito sa kampanya kontra illegal drugs gayung naririyan pa din aniya ang ipinagbabawal na gamot at hindi pa rin nawawala. (Daris Jose)