• December 22, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Mayor Dra. Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan: ANG UNANG BABAENG ALKALDE NG MAYNILA, MANUNUNGKULAN NA

Sa katanghalian ng Hunyo 30 ng kasalukuyang taon, magsisimula ng manungkulan bilang bagong alkalde ng Lungsod ng Maynila si Vice Mayor Honey Lacuna habang magiging isa namang ordinaryong mamamayan si Mayor Isko Moreno Domagoso.

 

 

Si Mayor-elect Honey Lacuna ang kauna-unahang nahalal na babaing alkalde ng Lungsod ng Maynila, simula pa nang unang maupo bilang kauna-unahang Punong Lungsod si Mayor Arsenio Cruz Herrera noong taong 1901.

 

 

Bagama’t may ilang kumukuwestiyon sa kakayahan ni Vice Mayor Honey Lacuna na pamunuan ang Kapitolyo ng Pilipinas bilang isang babae noong kasagsagan ng halalan, higit na mas marami ang naniniwala sa kanyang abilidad, patunay ang napakalaking kalamangan niya sa bilang ng boto kumpara sa kanyang mga naging katunggali.

 

 

Bukod kasi sa matagal na rin sa mundo ng pulitika na nagsimula sa pagiging konsehala ng ika-apat na distrito noong taong 2004 hanggang 2013, napakarami rin niyang nai-akdang ordinansa at resolusyon na naipasa ng Sangguniang Panlungsod. Nakadagdag pa rito ang kanyang pagiging anak ng isa sa mahusay at matalinong bise alkalde ng lungsod na si Vice Mayor Danny Lacuna.

 

 

Noong 2016, nahalal siya bilang kauna-unahang babaeng Vice Mayor, katambal ng nagwagi rin noong alkalde na si dating Pangulong Joseph Estrada hanggang tumakbo at muling nanalong vice mayor sa ilalim naman ng partido ni Mayor Isko Moreno noong 2019. Ang kanyang mga ipinamalas na kakayahan bilang pangalawa sa pinakamataas na lokal na pinuno ng Maynila ang nagbunsod kay Mayor Isko Moreno na ipagkatiwala sa kanya ang pamamahala sa kapitolyo ng bansa.

 

 

Ang isa pang malaking bentahe para mapamunuan ni Vice Mayor Honey Lacuna ng maayos ang Maynila ay ang pagkakapanalo rin ng kanyang mga ka-alyado sa pulitika sa pamamagitan siyempre ng ginawang pag-e-endorso sa kanila at pagtulong ni Mayor Isko Moreno.

Hindi maikakaila na mahirap para sa isang lokal na punong ehekutibo na maisulong ang kanyang mga proyekto at programa kung hindi niya magiging ka-alyado ang mga nagwaging kongresista, bise alkalde at konsehal dahil kahit walang makitang butas sa mga ito sa mga ilalatag ng alkalde para sa kaayusan, kagandahan at interes ng nakararami, tiyak na hahanap ng paraan ang kanyang mga hindi ka-alyadong opisyal upang maantala ang pagsusulong ng mga balakin.

 

 

Pero dahil ang mga nagwaging kongresista sa anim na distrito ng lungsod, pati na rin ang vice mayor na si Cong. Yul Servo at mga konsehal ay kaisa ni Mayor-elect Honey Lacuna, walang duda na maipagpapatuloy niya ng maayos ang nasimulan ni Mayor Isko Moreno at madadagdagan pa dahil tiyak na susuportahan siya ng mga opisyal ng lungsod.

 

 

Kaya doon sa mga nagdududa sa kakayahan ni Mayor Honey Lacuna para maayos na mapamunuan ang Maynila, relaks lang kayo at kumalma dahil nakasisiguro na kayo na tama ang landas na tatahakin ng uupong kauna-unahang alkalde ng Lungsod ng Maynila.

 

 

Bukod kay Mayora, naglilingkod din bilang public servant ang mga kapatid nito tulad na lamang nila dating Konsehal Dennis Lacuna na ngayon ay nasa Zoning Division ng Manila City Hall, 6th District Councilor Phillip Lacuna, at Liga ng mga Barangay President Lei Lacuna. (BISHOP JESUS “JEMBA” M. BASCO)

Other News
  • Kelot na nagpakilalang pulis arestado sa Malabon

    BAGSAK sa kalaboso ang isang electrician matapos magpakilalang miyembro ng Philippine National Police (PNP) sa Malabon city.     Nahaharap sa kasong Usurpation of Authority or Official Functions (Art 177 of RPC) ang naarestong suspek na kinilalang si Arvin Busa, 26 ng Blk 9, Lot 31, 4th St. Brgy. Tañong.     Ayon kina Malabon police […]

  • Pag-abswelto kay Revilla sa graft hindi namin iaapela

    Wala nang balak iapela ng Office of the Ombudsman ang pag-dismiss ng Sandiganbayan sa patung-patong na kaso ng graft laban kay Sen. Bong Revilla kaugnay ng P10 bilyong pork barrel scam.     “The SB First Division voted 3-2 to grant Senator Revilla’s Demurrer to Evidence, AND WE RESPECT ITS DECISION,” ayon sa tanggapan ng Ombudsman, […]

  • Tattoo artist tinodas sa Navotas

    Patay ang isang tattoo artist matapos barilin ng isa sa dalawang hindi kilalang mga suspek sa harap ng kanyang bahay sa Navotas City, kamakalawa ng hapon.       Kinilala ni Navotas police chief Col. Dexter Ollaging ang biktima na si Ryusi Soriano alyas “Adjong”, 25 ng 19 Pat Buntan, Brgy. San Roque.     […]