PATINDI nang patindi ang action at drama sa GMA Prime series na “Black Rider” kaya naman, puspusan rin ang paghahanda ng mga bida nito, kabilang na si Jon Lucas, sa training at conditioning nila para sa serye.
 
Ayon kay Jon, isa sa mga preparation niya para para sa action scenes nila ay mag-training.
 
“Unang-una po, kapag nag-alok sila ng training, lalo na ‘yung fight directors po natin, ‘yung mga coach po natin on-set, kapag nagpapatawag sila ng training, hangga’t maaari po ay aattend ka talaga,” sabi niya.
 
Dagdag pa ng aktor ay kahit na nagba-boxing na siya noon at may alam nang mga suntok at forms, meron pa ring hindi naituturo sa sport na kailangan sa TV.
 
“Pagdating sa telebisyon, para mas maging makatotohanan, kailangan cinematic din ‘yung suntok na hindi po naituturo ‘yun sa boxing. Kaya doon ko nalaman na marami pa pala akong dapat matutunan, lalo kung gagawa po tayo ng mga action, hindi po ‘yung personal knowledge mo na natutunan mo sa labas ng paggawa ng action.
 
“Mas kailangan talaga stamina, mas kailangan ‘yung proper breathing para hindi rin po agad napapagod kasi maraming shots, so kapag alam niyo po ‘yung technique, medyo nababawasan ‘yung pagod.”
 
***
 
MULING nagkasama sa Kapuso primetime series na “My Guardian Alien” sina Kiray Celis at Kirst Viray. 
 
Nilinaw ni Kiray ang tunay na relasyon nila ng actor-model dahil na-link sila noon. 
 
“Hindi ko po siya ex. Ano lang, ex-workmate, pero hindi kami naging kami. Wala po relasyon. 
 
“Kasi para po talaga siyang katrabaho ko na naging kaibigan ko. Tapos noong padulo na, para ko na siyang kapatid. Sobrang bait ni Kirst, as in. 
 
“Noong time na nagte-trending kami, tapos in-offer-an kami ng malaki for a show, sabi ko ‘Let’s go!’” paliwanag ni Kiray.
(RUEL J. MENDOZA)