• April 26, 2025
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Pagbaril ng senglot na parak sa leeg ng 52-anyos na ale ‘hindi isolated case’ — DILG

Maaaring mas madalas pa kaysa sa gustong aminin ng gobyerno ang mga nangyayaring karumal-dumal na pagpatay ng mga kawani ng Philippine National Police sa mga sibilyan, pag-amin ng Department of the Interior and Local Government.

 

 

Martes lang nang arestuhin si Police M/Sgt. Hensie Zinampan, na nakuhanan ng video nang patayin ang nakaalitang 52-anyos na si Lilybeth Valdez habang lango sa impluwensya ng alak.

 

 

“Kapag ka ganyang buhay ng tao ang pinag-uusapan, hindi pwedeng isolated. Ito’y nakuhanan lang ng video… Eh paano ‘yung mga hindi nakuhanan ng video?” wika ni Interior Undersecretary Martin Diño.

 

 

“Kaya siguro, tanggapin natin na talagang dapat dito, bantayan talaga nang husto itong ating kapulisan.”

 

 

Ang PNP ay isang ahensya na direktang nasa ilalim ng DILG.

 

 

Ilang araw pa lang nang patayin ng Valenzuela PNP ang 18-anyos na may kapansanang si Erwin Arnigo habang “nagsasagawa ng raid sa isang tupada” at pinararatangang nangtangkang mang-agaw ng baril, kahit ganyan ang testimonya ng ilan.

 

 

Nahahambing din ang pagpatay ni Zinampan sa viral video ng pagbaril ni Police SMSgt. Jonel Nuezca sa ulo nina Sonya Gregorio (52-anyos) at anak na si Frank Anthony Gregorio (25-anyos) matapos “makaalitan sa boga at right-of-way.” Kasama ni Nuezca ang anak na menor de edad nang patayin ang mag-ina.

 

 

Ayon naman kay dating Vice President Jejomar Binay sa report ng Rappler, malayo sa pagiging isolated ang kaso ni Zinampan, lalo na’t may “pattern ng abuso at murderous behavior” ang ilang kapulisan sa ngayon, bagay na parang palala raw nang palala.

 

 

“Policemen are not ordinary government workers. They are given guns to protect law-abiding citizens from criminals,” ani Binay sa isang tweet.

 

 

“Ang baril ay hindi dapat ginagamit upang pumatay ng inosenteng mamamayan. Dapat ang mga kriminal ang takot sa pulis, hindi ang taumbayan.”

 

 

Una nang sinabi ni PNP chief Police Gen. Guillermo Elazar na sasampahan na nila ng reklamong kriminal at administratibo si Zinampan.

 

 

Nauwi pa nga ito sa harapang pagkumpronta ng PNP chief sa suspek, hanggang sa pagduduruin, pagyuyugyugin at pagsisigawan si Zinampan.

 

 

“Humihingi po ako ng dispensa sa ating kababayan kung nadala tayo ng emosyon,” ani Eleazar kanina.

 

 

“Pero itong si Police Master Sergeant Hensie Zinampan ay hindi na karapat-dapat na manatili pa sa ating institusyon.”

 

 

‘Hindi lahat ng pulis ganyan’

 

 

Kahapon lang nang sabihin ni presidential spokesperson Harry Roque na “iilan lang sa PNP ang bugok” kumpara sa “libu-libong propesyunal na pulis.” Aniya, ang ginawa ni Zinampan ay “exemption to the rule.”

 

 

“Definitely that is not the rule. That is the exemption to the rule. Wala po tayong magagawa. Kahit na anong organization, may paisa-isang mga bugok,” ani Roque.

 

 

“Pero please, we have hundreds of thousands in the ranks of our policemen. And we hear of one or two cases of this nature… Hindi po totoo na  malawakang maraming pulis [na ganito].”

 

 

Dahil sa insidente, trending #1 sa Twitter ang hastag na #PNPANGTERORISTA habang sinusulat ang balitang ito, na meron nang hindi bababa sa 80.4k tweets.

 

 

Matagal nang nababatikos ang PNP sa ilalim ni Pangulong Rodrigo Duterte sa gitna ng mga isyu sa madugong “war on drugs” at extrajudicial killings ng mga aktibista.  (Daris Jose)

Other News
  • NEW CHRISTMAS VIDEO FROM DISNEY UK HITS CLOSE TO HOME

    THE video marks Disney’s partnership with the charity Make-A-Wish.   We’re still a bit over a month away from Christmas, but Disney UK has already made us feel all warm and nostalgic with their new Christmas advertisement! Released just today, the 3-minute video has quite a number of elements that will feel very familiar to […]

  • ‘Di na 10 years old para pagsabihan sa gustong gawin: NADINE, ‘di nakapagpigil na talakan ang mga nagmamarunong sa buhay niya

    HINDI na napigilan ni Nadine Lustre ang talakan ang mga pakialamero’t pakialamera sa buhay niya sa social media.     Masyado raw maraming marites sa buhay niya at gusto niyang pabayaan na siya ng mga ito dahil unang-una ay hindi na raw siya bata para pagsabihan.     Marami kasi ang nag-comment sa pinost ni […]

  • Presyo, supply ng noche buena items, ‘stable’ – DTI

    Tiniyak ng Department of Trade and Industry (DTI) na sapat ang supply ng noche buena items at mga pangunahing bilihin hanggang ikalawang quarter ng susunod na taon.   Pagtitiyak ito ni Trade Undersecretary Ruth Castelo sa harap ng pagkukumahog ngayon ng publiko na humabol mamili ng handa para sa Pasko at Bagong Taon.   Sinabi […]