• July 19, 2025

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Pamahalaang Panlalawigan, pumirma ng MOA kasama ang BSEC, tatanggapin ang bahagi ng lalawigan sa kanilang kabuuang kita sa kuryente

NAKATAKDANG tanggapin ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pangunguna ni Gobernador Daniel R. Fernando ang naipong halaga na humigit-kumulang P100,000 mula sa Bulacan Solar Energy Corporation bilang bahagi ng lalawigan mula sa kanilang kabuuang electricity sales simula 2016 matapos na pumirma ang dalawa sa Memorandum of Agreement alinsunod sa Energy Regulations No. 1-94.

 

Ang E.R. No. 1-94 ay programa ng Department of Energy na naglalayong magbigay ng kabayaran para sa mga kontribusyon na ginawa ng mga komunidad na kinalalagyan ng mga energy resources at/o energy generating facilities.

 

Nakasaad ito sa Implementing Rules and Regulations ng Seksyon 5 (i) ng Republic Act No. 7638 o ang “DOE Act of 1992” na gagawin ng departamento a “to devise ways and means of giving direct benefits to the province, city, or municipality, especially the community and people affected, and equitable preferential benefit to the region that hosts the energy resource or energy generating facility.”

 

Dahil sa mga amyenda kamakailan sa regulasyon, ibibigay na ng direkta ang bahagi ng pamahalaang lokal sa LGU hindi katulad noon na iniipon muna sa DOE bago ibahagi sa kinalalagyang lalawigan, lungsod o bayan.

 

Samantala, ang BSEC ay isang 15MW solar farm na matatagpuan sa San Ildefonso, Bulacan na lumilikha ng 21,000,000 kW-hours ng renewable electricity sa national power grid taun-taon.

 

Kinatawan nina Fernando at Arlene Pacual, pinuno ng Provincial Planning and Development Office, ang Pamahalaang Panlalawigan habang kinatawan naman nina Atty. Jaime P. Del Rosario at Virgilio Lim ang BSEC sa MOA signing na ginanap sa Official Residence sa lungsod na ito noong Martes. (Bishop Jesus “Jemba” M. Basco)