Patuloy na naire- record na karagdagang kaso ng COVID-19 sa bansa, dapat tingan sa positibong perspektibo – WHO
- Published on August 26, 2020
- by @peoplesbalita
NANINIWALA ang World Health Organization na hindi dapat na ikahina ng kalooban ang patuloy na naiuulat na pagdami ng kaso ng COVID sa bansa.
Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque na ito ang inihayag ni WHO representative to the Philippines Dr Rabindra Abeyasinghe gayung indikasyon aniya ito sa pagtaas ng actual COVID testing na ginagawa sa bansa.
“Sabi po ng WHO, huwag naman po tayong ma-discourage ng napakadami nating cases dahil ito po ay dahil na rin po sa pagkilala na tumaas na ang ating actual testing na ginagawa sa ating bansa,” aniya pa rin.
“At ang katotohanan po na isa po tayo sa pinakamababang mga namamatay sa COVID ay patunay na nagkaroon na po tayo ng mga bagong mga pamamaraan para gamutin ang ating mga pasyente,” dagdag na pahayag ni Sec. Roque.
Sinabi pa ni Sec. Roque na sinabi ni Abeyasinghe na napatunayan din aniya ng pamahalaan na napalawak nito ang clinical at hospital capacity sa gitna ng nararanasan pa rin ngayong pandemya.
Repleksiyon aniya ito ng mga datos na nagpapakitang ang Pilipinas ang isa sa mga may pinakamababang namamatay sa Corona virus.
Batay sa pinakahuling update ay nasa 2 million 150 thousand 514 na ang naisasalang sa PCR test habang nasa 82 licensed RT-PCR at 27 licensed gene expert laboratories mayrun na sa bansa. (Bishop Jesus “Jemba” M. Basco)