ISA ang aktor na si Ejay Falcon sa mga taga-showbiz na natagumpay na pasukin ang mundo ng pulitika. 
Kasalukuyang nakaupo bilang bise gobernador ng Oriental Mindoro si Ejay.
Kahit na tuloy tuloy pa ring tumatanggap ng showbiz projects ay hindi rin naman napabayaan ng aktor/politician ang kanyang pagiging public servant.
Kinayang pagsabayin ang kanyang trabaho bilang Vice Governor at artista.
Puring-puri nga ng kanyang mga constituents si Ejay dahil sa super enjoy ngayon sa kanyang pagseserbisyo-publiko at sa first love niya bago siya naging politiko, ang showbiz.
Sey pa ni Ejay na mas marami pa rin siyang oras na inilalaan sa pagiging vice-governor kesa sa paggawa ng pelikula at teleserye.
At kahit kaliwa’t kanan ang mga ginagawa masaya ring ibinalita ni VG Ejay na malapit na niyang matapos ang pag-aaral ng special course na Political Science Major in Local Governance sa University of Makati.
Kagaya rin naman ng Star for All Seasons na naging mayor, gobernadora at congresswoman ay nag-enroll at natapos ni Ate Vi ang crash course tungkol sa local governance at ang pagawa ng mga batas.
Humingi rin ng despensa si VG Ejay sa mga invitations na hindi niya napuntahan sa kanilang probinsiya dahil inilaan niya ang araw para sa kanyang pag-aaral at sa ilang showbiz affairs.
“Kasi nasa Manila talaga ako nun, Friday hanggang Sunday. So yun, yun yung schooling,” ang pahayag pa niya. 

“Pagdating diyan, kailangan mong pag-aralan lahat yan para maka-survive ka, and para alam mo kung paano ang gagawin sa pinasok mong propesyon,” tuloy-tuloy pang paliwanag ng bise gobernador.
***
GANAP ng batas ang RA 11996 na mas kilala bilang “Eddie Garcia Law”.
Pinirmahan na ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang nasabing batas na kung saan regular na rerepasuhin ang working conditions sa industriya ng pelikula at telebisyon para maprotektahan ang mga showbiz workers.
Ang RA 11996 ay ang panukala na naglalayong maprotektahan ang kapakanan ng mga manggagawa sa industriya ng pelikula at telebisyon.
Ayon sa nasabing bagong batas ay inaatasan nito ang mga employer na protektahan ang kanilang mga manggagawa at magpatupad ng mga oras ng trabaho, sahod at iba pang benepisyo na may kaugnayan sa pasahod.
Napapaloob din sa naturang batas ang pagbibigay ng SSS (Social Security System) at iba pang benepisyo, pa­ngunahing pangangailangan, kalusu­gan at kaligtasan, kondisyon at pamantayan sa pagtatrabaho at insurance.
Ang ‘Eddie Garcia Bill’ ay isinulong sa Kongreso matapos maaksidente ang 90 taong gulang na aktor habang nasa movie set sa Tondo, Maynila noong 2019.
Matapos ang dalawang linggo na pagkaka-comatose ay pumanaw ang beteranong aktor.
Base sa batas, bago sumabak sa trabaho ang isang aktor o empleyado sa telebisyon at pelikula dapat ay may kasunduan o employment contract muna na lalagadaan sa lenguwaheng mauunawaan ng bawat partido.
Ang sinumang mapapatunayang lumabag sa nasabing batas ay pagmumultahin ng hanggang P100,000 sa unang paglabag, hanggang P200,000 sa pangalawa at hanggang P500,000 sa ikatlo at susunod pang mga paglabag.
(JIMI C. ESCALA)