Road closure sa Maynila, nagsimula na
- Published on June 29, 2022
- by @peoplesbalita
NAGPATUPAD na nang pagsasara ng mga kalsada ang mga awtoridad sa bisinidad ng National Museum sa Maynila kaugnay ng inagurasyon ni President-elect Ferdinand Marcos Jr. sa Hunyo 30.
Alas-11 ng Linggo ng gabi nang umpisahang isara ang Padre Burgos Avenue, Finance Road, Maria Orosa Street mula Kalaw hanggang Padre Burogs, at General Luna St. mula Padre Burgos-Muralla Streets. Hindi muna padaraanan ang nabanggit na mga kalsada hanggang alas-11 ng gabi sa Hunyo 30.
Isasara rin sa trapiko sa Hunyo 30 mula alas-4 ng madaling araw hanggang alas-11 ng gabi ang Ayala Boulevard at Victoria Street mula Taft Avenue hanggang Muralla Street.
Inabisuhan din ang mga motorista na iwasan ang mga naturang kalsada o kung hindi maiiwasan ay sumunod sa itinakdang traffic re-routing ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA).
Ang nasa Roxas Blvd. northbound, maaring kumanan sa UN Avenue o TM Kalaw Avenue at kumaliwa sa Taft Avenue.
Ang mga nasa Roxas Blvd. eastbound ay maaaring kumaliwa sa TM Kalaw o UN Avenue at kumanan sa Taft Avenue.
Samantala, isasara rin ang iba pang mga kalsada kabilang ang: Mendiola Street mula Hunyo 29, alas-12:01 ng hatinggabi hanggang Hunyo 30, alas-11 ng gabi; Jalandoni St., PICC, Pasay City mula Hunyo 30 alas-4 ng madaling araw hanggang alas-11 ng gabi; at Legarda Street mula San Rafael hanggang Figueras St., mula Hunyo 30 ala-1 ng hapon hanggang alas-11 ng hapon.
Samantala, “Solemn and simple,” ganito ilarawan ng Marcos camp ang magaganap na inagurasyon ni BBM bilang ika-17 Pangulo ng Pilipinas sa Hunyo 30 sa National Museum sa Maynila.
Ayon kay Franz Imperial, isa sa mga namumuno sa preparation committee ng nasabing event, ang programa ay “all set” na maliban sa ilang minor details na hanggang sa ngayon ay isinasapinal pa.
“The program we have prepared is very solemn and simple. It would be very traditional dahil sabi nga ni BBM sa vlog niya, ‘hindi kami lilihis pa sa tradisyon,’” ayon kay Imperial.
Ang Television host na si Toni Gonzaga ang kakanta ng Philippine National Anthem habang ang inauguration song na “Pilipinas Kong Mahal,” ay aawitin naman ng singer na si Cris Villonco at Young Voices of the Philippines Choir.
Manunumpa si Marcos sa harap ni Supreme Court (SC) Chief Justice Alexander Gesmundo.
Tinanggap ni Gesmundo ang kahilingan na siya ang mag-administer ng oath taking ni Marcos.
Wala namang ibinigay na karagdagang detalye hinggil sa inaugural speech ni Marcos subait sinabi ni Imperial na ang incoming president ay hindi na mangangailangan pa ng teleprompter.
Samantala, isinasapinal pa ang detalye ng ecumenical invocation.
Sa kabilang dako, sa isinagawang press conference ng subcommittee on security, traffic, and communications na idinaos sa Camp Crame, sinabi ni Interior Secretary Eduardo Año na tatagal ang nasabing event ng mahigit-kumulang dalawang oras.
“More or less siguro, baka two hours lang itong event na ‘to. At ito ay magsisimula around 10:50 in the morning and we expect na ang kanyang oath-taking exactly 12 noon. And then, after the speech ay tapos na ang ating event o ceremony,” anito.
Isang 30-minute military-civil parade naman ang gagawin sa naturang event, ayon kay Imperial.
Tinatayang may 2,213 security personnel ang sasama sa military parade mula sa Armed Forces of the Philippines, Philippine Coast Guard, at Philippine National Police (PNP).
“We have a total of 2,213 troops na mag-participate sa military parade,” ang pahayag ni Joint Task Force National Capital Region commander Brigadier General Marceliano Teofilo.
Idinagdag pa nito na magpapartisipa rin ang kadete mula sa Philippine Military Academy at Philippine National Police Academy at maging ang mga regular at special troops.
Makikita rin sa military parade ang armored vehicles at artillery equipment.
Kabilang din sa military parade ang flyby ng military air assets gaya ng “planes and choppers.”
Para naman sa civic composition ng military parade, sinabi ni Metropolitan Manila Development Authority Chairperson Romando Artes na ang mga kinatawan ng sektor ng medical frontliners, overseas Filipino workers, athletes, labor force, agriculture, transportation, metro aides, at iba pa ay makikiisa rin.
Sinabi naman ni NCRPO chief Police Major General Felipe Natividad na may 1,250 “VIPs at VVIPs” ang inaasahan na dadalo sa oath-taking event.
“We are expecting 1,250 — those are VIPs and VVIPs. That is aside from the ‘yung mga pupunta nating mga kababayan doon,” anito.
Ang incoming Office of the President at PNP Police Security and Protection Group naman ang bahala sa mga heads of states.
Ani Año, ang mga VIPs ay pupunta muna sa Philippine International Convention Center para sa screening. TInatayang 60 buses ang magsasakay sa mga ito para dalhin sila sa venue, sa National Museum.
Sinabi pa ni Artes na pinag-uusapan na ng mga Alkalde ng Kalakhang Maynila ang posibleng deklarasyon na “holiday” sa kani-kanilang lugar para sa inagurasyon ni Marcos.
Samantala, nagdeklara na si Outgoing Manila Mayor Isko Moreno ng special non-working holiday sa Lungsod ng Maynila sa Hunyo 30 para sa inagurasyon ni Marcos.
“More than 18,000 public safety and security forces would be deployed to secure Marcos’ inauguration, according to the National Capital Region Police Office. No security threat has been monitored so far,” ayon sa Philippine National Police. (Daris Jose)
-
Interes ng Pilipinas, prioridad, kahit kakatawan din si Pangulong Marcos para sa Asya
TINIYAK ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na bitbit niya ang interes ng Pilipinas, kahit magsisilbi siyang kinatawan ng Asian countries sa pagdalo sa Brussels, Belgium. Idaraos kasi doon ang Association of Southeast Asian Nation-European Union (ASEAN-EU) Commemorative Summit mula December 12-14, 2022. Ganap na alas-8:00 ng gabi nang tumulak ang pangulo, […]
-
Malakanyang, binatikos ang plano ng Senado na ipatawag si Durante para magpaliwanag ukol sa pagtuturok ng bakuna laban sa Covid- 19 sa mga PSG personnel
BINATIKOS ng Malakanyang ang panukalang ipatawag si Presidential Security Group (PSG) commander Brigadier General Jesus Durante III sa SEnado para magpaliwanag ukol sa inoculation o pagbabakuna sa PSG troops gamit ang unregistered COVID-19 vaccine. Umapela si Presidential spokesperson Harry Roque sa Senado na igalang ang hiwalay na kapangyarihan sa pagitan ng ehekutibo at leislaturang […]
-
PBBM, itinalaga ang INC head bilang ‘special envoy’ for OFW concerns
ITINALAGA ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si Iglesia ni Cristo (INC) Executive Minister Eduardo V. Manalo bilang special envoy for overseas Filipino concerns. Si Manalo ang panganay na anak na lalaki ng namayapang si INC executive minister Eraño Manalo. Kilala ang INC, para sa bloc-voting practice nito, inendorso sina Pangulong Marcos […]