Salary hike ng mga medical workers, dapat idaan sa SSL – Palasyo
- Published on September 9, 2020
- by @peoplesbalita
ISANG malaking pagbabago sa klasipikasyon ng pasuweldo sa mga Nurse at ng iba pang frontliners ang nakikitang paraan ng Malakanyang upang ganap na maitaas ang pasahod sa kanila.
Sinabi ni Presidential spokesperson Harry Roque, dapat idaan sa Salary Standardization Law ang lahat at mula dito ay maitaas ang Salary grade ng mga nagtatrabaho sa pampublikong pagamutan na mga frontliners sa bansa.
Ang pahayag na ito ni Sec. Roque sa gitna ng pag- aaral ng isang information aggregator na nagsasabing malayo ang kinikita ng isang Filipino registered nurse kung ikukumpara sa mga nurses sa iba pang bansa sa Southeast Asian region gaya ng Malaysia, Thailand, Singapore, Vietnam at Indonesia.
Aniya, nagbigay na ang pamahalaan para sa mga frontliners ng dagdag hazard allowance, libreng life insurance at iba pa ngayong panahon ng pandemya sa pamamagitan ng Bayanihan II.
Subalit, kung hindi pa rin aniya sasapat ang nabanggit na mga hakbangin para mai- angat ang tinatanggap na take home pay ng mga health workers, sinabi ni Sec. Roque na ang pinakamagandang solusyon dito ay mabago talaga ang SSL para sa mas mataas na salary grade. (Daris Jose)