TAONG 2019 pa aprubado at kasama sa line item ang ginagawang hakbangin ngayon ng pamahalaan sa Manila Bay.
Ito ang binigyang diin ni Presidential spokesperson Harry Roque sa gitna ng ilang batikos patungkol sa pagpapa- white sand ng nabanggit na look.
Ani Sec. Roque, tuhog lang ang nangyayaring pagpapaganda sa Manila Bay gayung ang target talaga ng proyekto ay may kinalaman sa flood control at soil erosion control.
Alam aniya ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang ginagawa nila para maproteksiyunan ang kalikasan at incidental na lang ang nangyayaring beautification sa lugar.
Dagdag ni Sec. Roque na maging siya bilang isang taga Maynila ay natutuwa na may pinagagandang atraksiyon na hindi lamang mga tubong taga Maynila ang makikinabang kundi ang buong taga- Metro Manila.
Nauna rito, sinabi ni Vice-President Leni Robredo na nanghihinayang siya sa perang pinanggastos para sa pagtatambak ng artificial white sand sa Manila Bay.
Sinabi ni VP Leni na sana ay nagamit pa sa mas mahalagang proyekto ang pondo lalo’t patuloy na hinaharap ng bansa ang krisis dulot ng pandemya.
Napaka-insensitive ayon pa kay VP Leni ang ginawang ito na pag- beautify sa
Manila Bay.
“Parang napaka-insensitive na gagawin mo iyan sa height ng pandemic, na ang daming nagugutom.
Ang daming naghihirap, gagawin mo iyong pag-beautify,” ayon sa Bise-Presidente.
Samantala, handa naman si Mayor Isko Moreno na ipatigil ang paglalagay ng artificial white sand sa dalampasigan ng Manila Bay kung mapapatunayang may masamang epekto sa kalusugan ang mga materyal na itinatambak dito.
At para naman sa grupong Infrawatch Philippines, hindi ligtas sa kalusugan ang inilagay na artificial white sand sa Manila Bay.
Sa pag-aaral ng grupong Infrawatch Philippines, sinabing ang dinurog na dolomite rock ay nagdudulot ng iritasyon sa mata, mga sakit sa baga at maging cancer.
Dinurog na dolomite rock ang ginamit bilang artificial white sand sa Manila Bay, na bahagi ng P389 milyon na beach nourishment project, ayon sa DENR.
Pero pinabulaanan ni Environment Undersecretary Benny Antiporda ang pahayag ng grupo.
“Napag-aralan ito na… wala siya hazard, lalo naman sa health,” ayon kay Usec. Antiporda. (Bishop Jesus “Jemba” M. Basco)