• June 30, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Sikat na Tumbungan sa Tondo, dinala ni Yorme sa BGC

SINO ang mag-aakala na puwede palang ilipat ang Tondo sa lugar na tirahan ng mga burgis, na may nagtatayugang gusaling pang-komersiyo at condominium gaya ng Bonifacio Global City (BGC) sa Taguig City?

 

 

Ang alam kasi ng marami, kapag nabanggit ang Tondo, lugar ito ng iba’t ibang klase ng tao, may mayaman, mahirap, edukado, mangmang, siga, drug addict, you name it, they have it ika nga. Hindi tulad sa BGC, mahigpit ang pagpapatupad ng disiplina at wala kang makikitang mga nagsala-salabat na kawad ng kuryente dahil nakabaon sa lupa ang mga kawad, kaya para kang nasa ibang bansa kapag dumayo rito.

 

 

Pero kahit ganyan ang buhay sa Tondo, may mga lugar pa rin dito na dinadayo, maging ng mga may kaya sa buhay, tulad ng kalye Ugbo sa Velasquez St. dahil sa kakaibang putahe ng mga pagkain na talaga namang ibang klase ang pagkakaluto at kinagigiliwan ang linamnam.

 

 

Sa katunayan, maging ang mga may kaya sa buhay at kilalang personalidad, tulad ni Yorme Isko Moreno Domagoso na kilalang tunay na batang Tondo ay naging suki na ng mga hilera ng karinderiya sa Ugbo kahit noong siya pa ang alkalde ng lungsod dahil hindi lang garantisadong masisiyahan ang mga kumakain kundi makakatiyak pa silang malinis at abot kaya ang mga tsibug dito.

 

 

Ang ilan lamang sa mga tinatangkilik, kinahuhumalingan, at binabalik-balikan ng mga parokyano ang mga lutong pagkain dito tulad ng Tumbong soup, Lechong kawali, Camto soup, Asadong dila ng baka na lahat ay tineternuhan ng kaning sinangag.

 

 

Noon pa mang ordinaryong mamamayan lang ng Tondo si Yorme, hanggang pumaimbulog ang pangalan sa larangan ng pulitika dahil sa magandang ginawa niyang pagbabago sa Maynila, hindi niya kinalimutang dayuhin ang Ugbo, kabilang ang “Tumbungan” ng mag-asawang Mang Rado at Ate Edit na parehong sumakabilang buhay na.

 

 

At dahil sa kasikatan ng mga pagkaing ito sa Ugbo, nagsilbi itong inspirasyon ni Yorme para ipakilala naman ang Tondo sa lugar ng mga burgis gaya ng BGC na isa na rin ngayong financial district sa Metro Manila. Dito dinala ni Yorme ang Tondo sa pamamagitan ng pagtatayo ng kainan na UGBO 24/7 na katatampukan ng mga pagkaing napakalinamnam na natitikman sa Ugbo.

 

 

Nito lang Pebrero 17, pormal na binuksan ni Yorme sa publiko ang naturang kainan sa BGC sa Taguig City, na tiyak na kagigiliwan ng mga parokyano dahil para na rin silang kumain sa kalye Ugbo sa Velasquez, Tondo kapag natikman ang mga putahe.

 

 

Sabi nga ni Yorme sa inagurasyon ng binuksang kainan, hindi lamang nakapagbigay ng trabaho ang itinayo niyang kainan kundi maaari rin aniyang maipakita na ang pagkain sa Tondo ay pwede ring pagkain sa BGC.

 

 

Sabi niya, gusto naman niyang ipatikim sa mga hindi nakakadayo sa Tondo ang bantog na pagkain sa Ugbo, at umaasa siya na sa mga darating pang panahon, maikakalat niya ang ganitong uri ng kainan sa iba pang lugar sa Pilipinas para malasap din nila ang napakasarap at nakakasabik na pagkain sa Tondo.

 

 

Sige nga, tara nga sa BGC at malasap naman natin ang magandang kapaligiran doon, lalu na ng Grand Canal sa McKinley Road, at matikman ang napakasarap na pagkain sa UGBO 24/7.   (JR)

Other News
  • PBBM deadma sa hirit ni ex-PRRD na ‘One Mindanao’ – Abalos

    INIHAYAG ni Interior and Local Government Secretary Benjamin Abalos na ayaw patulan ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang panawagan ni dating Pangulong Rodrigo Duterte na ihiwalay na ang Mindanao sa Republika ng Pilipinas.     Ayon kay Sec. Abalos, hindi na napag-usapan sa sectoral meeting kaninang umaga ang isyu ng one Mindanao kung saan, […]

  • 2 HULI SA AKTONG BUMABATAK NG SHABU SA NAVOTAS

    HIMAS-REHAS ang dalawang binata matapos maaktuhan ng mga tauahan ng Maritime police na sumisinghot ng shabu sa loob ng isang kubo sa Navotas City, kamakalawa ng gabi.     Kinilala ni Northern NCR MARPSTA Chief P/Maj. Randy Ludovice ang naarestong mga suspek bilang sina Ricardo Bueno, 47, fisherman ng Blk 1 Lot 39 Squater Area […]

  • Be professional, don’t act beyond bounds

    HINIKAYAT ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang mga graduates o nagsipagtapos ng Philippine National Police Academy (PNPA) Class 2022 na panatilihin ang kanilang propesyonalismo sa pamamagitan ng pagganap sa kanilang gampanin ng walang pagmamalabis sa kanilang legal parameters.     “You must maintain professionalism for you will soon take over its leadership and will be […]