• January 2, 2025
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

“Timing” ng pagbubunyag ng alegasyon ni Pacquiao, kinuwestiyon ng Malakanyang

KINUWESTIYON ng Malakanyang ang “timing” ng alegasyon ni Senador Manny Pacquiao na mayroong korapsyon sa Department of Health (DOH) sa gitna ng COVID-19 pandemic.

 

“Sa akin po, absent po siguro si Senator Pacquiao nung nagprisinta ‘yung mga Cabinet secretaries, or kung hindi siya absent he may have been preoccupied with something else,” ayon kay Presidential Spokesperson Harry Roque.

 

At kung ang pinaghuhugutan naman ni Pacquiao ay isyu ng Personal Protective Equipment (PPE) ay sinabi ni Sec.Roque na naipaliwanag namang mabuti ni Health Secretary Francisco Duque ang bagay na ito.

 

“’Yan nga po ‘yung aking sinabi kasi nanggaling na si Secretary Duque doon sa Senado, nag-explain na po siya doon at wala namang kasong naisampa matapos po ‘yung eksplanasyon ni Secretary Duque. At hindi ko nga lang alam kung nandun nga po siya nung naghe-hearing ang Senado at kung meron siyang mga tanong na ibinato kay Secretary Duque nung mga pagkakataon na ‘yun,” ani Sec. Roque.

 

Sa kabilang dako, naniniwala si Sec. Roque na politika talaga ang ugat ng alitan na namamagitan ngayon kina Pangulong Rodrigo Roa Duterte at Pacquiao.

 

“Politika po talaga. Politika po ang katapusan nito. Tingin ko maghuhusga ang taong bayan kung sino talaga mamumuno sa 2022,” giit nito.

 

Sa ulat, hindi nagpatinag si Pacquiao sa mga banat sa kanyang kaalyado na si Pangulong Duterte.

 

Nauna nang binanatan ng Pangulo si Pacquiao matapos sabihin diumano ng senador na mas kurakot ang kasalukuyang administrasyon kaysa sa mga nagdaang pamuuno.

 

“Within one week, may gawin ako. Maglista ka, Pacquiao, at sinasabi mong two times kaming mas corrupt. Ilista mo ‘yung mga tao at opisina. Dapat inilista mo na ‘yan noon, at ibigay mo sa akin.” hamon ng Pangulo.

 

“Di ba ang sabi ko noon, if you come to know that is a corruption, let me know. Give me the office . . . Ganoon ang dapat na ginawa mo. Wala ka namang sinabi noong all these years, puro ka praises nang praises sa akin, tapos ngayon sabihin mo corrupt,”

 

“So I’m challenging him, ituro mo opisina na corrupt at ako na bahala within one week, may gawin ako. Maglista ka Pacquiao at sinasabi mo two times kaming corrupt, ilista mo yun mga tao at opisina na dapat inilista mo pa noon at ibigay mo sa akin,” dagdag niya pa.

 

Sagot naman ni Pacquiao, si Pangulo mismo ang nagsabi na mas dumami ang kurakot sa panahong ito.

 

Tinatanggap din diumano ng Filipino boxing icon ang hamon ng Pangulo na pangalanan ang mga kurakot na opisyal ng gobyerno.

 

“Tinatanggap ko ang hamon ng Pangulong Rodrigo Duterte. Salamat po at binigyan nyo kami  ng pagkakataon na tumulong sa inyo at bigyan kayo ng mga impormasyon para kampanya kontra korapsyon,” ani Pacquiao.

 

Iginiit din ni Pacquiao na hindi niya kayang magsinungaling o mangurakot kahit kailan sa kanyang buhay.

 

“Mawalang galang po mahal na Pangulo, nguni’t hindi ako sinungaling. May mga naging pagkakamali ako sa buhay na aking itinuwid at itinama nguni’t dalawang bagay ang kaya kong panghawakan. Hindi ako tiwali at hindi ako sinungaling,”

 

“Magsimula tayo sa DOH. Saan napunta ang pera na inutang natin para sa pandemya?”

 

Isa si Pacquiao sa mga malapit na kaalyado ng Pangulo at posibleng tumakbo sa pinakamataas na posisyon sa gobyerno sa susunod na taon.

 

Samantala ay sinabi ng Malacañang na isa si Pacquiao sa mga pinipili ni Duterte para suportahan ngunit tila hindi makapaghintay ang Senador sa desisyon ng Pangulo. (Daris Jose)

Other News
  • QC pansamantalang itinigil ang pag-isyu ng PWD ID

    Pansamantalang itinigil ng Quezon City government ang pagpoproseso ng identification card para sa mga persons with disability.   Kasunod ito sa kontrobersiya ng pagkakaroon ng mga PWD ID ang anim na miyembro ng isang pamilya kahit na ang mga ito ay hindi kwalipikado.   Sinabi ni Quezon City Mayor Joy Belmonte, simula ngayong araw hanggang […]

  • Official color ay fire orange na fave niya: JULIE ANNE, in-announce na ang bagong fandom name na ‘JAmantes’

    IN-ANNOUNCE ni Julie Anne San Jose via social media ang bagong name at official color nito.         Sa Instagram Reel ni Kapuso Limitless Star, marami raw siyang pinagpilian na fandom names tulad ng Adiks, Kahel, JUWels, and Symphonies. Pero ang napili niya ay JAmantes. At ang kanilang official color ay fire orange. […]

  • MAINE, kaabang-abang ang gagawing mga tasks o goals mula sa kanyang checklist na tampok sa ‘BuKo Originals’

    SA pagsasanib-puwersa ng Cignal TV Inc. at APT Entertainment Inc. isang bagong comedy channel ang malapit nang matunghayan ng mga manonood para maghatid ng 24/7 na feel-good entertainment at walang katapusang saya.     Simula ngayong ika-2 ng Agosto, magbubukas na ang BuKo (Buhay Komedya), ang kauna-unahan at nag-iisang 24/7 local comedy channel na handog […]