Walang kinalaman sa mandato ko bilang Vice President at DepEd Secretary ang sama ng loob ni FL Liza
- Published on April 24, 2024
- by @peoplesbalita
WALA umanong kinalaman ang personal na damdamin ni First Lady Liza Araneta-Marcos sa mandato ni Vice President at Department of Education (DepEd) Secretary Sara Duterte bilang bise presidente ng Pilipinas.
Sa isang video message, sinabi ni Duterte na bilang tao, karapatan ng First Lady na makaramdam ng sama ng loob at galit sa kanya.
Gayunman, sinabi niya na ang personal nitong nararamdaman ay walang kinalaman sa kanyang sinumpaang tungkulin.
“Mga kababayan, bilang tao, karapatan ni Unang Ginang Liza Marcos na makaramdam ng sama ng loob at galit. Subalit ang kanyang personal na damdamin ay walang kinalaman sa aking mandato bilang isang opisyal ng pamahalaan,” ayon kay Sara.
Tiniyak rin naman ng bise presidente na makikipag-usap siya ng pribado kay Pang. Ferdinand Marcos Jr. hinggil sa naturang bagay.
“Upang makausad tayo, iiwan na natin sa isang pribadong pag-uusap sa pagitan lamang namin ni Pangulong ‘Bongbong’ Marcos Jr. ang mga susunod na hakbang,” aniya pa.
Ayon kay Sara, marami pang mas malaking problemang kinakaharap ang bansa na dapat tutukan ng pansin at resolbahin.
Partikular pang tinukoy ng Bise ang muling pagkalat ng ilegal na droga sa bansa, nagbabadyang kakulangan ng tubig at kuryente, kriminalidad, terorismo at insurgency.
“Patuloy ang pagtaas ng presyo ng pagkain at iba pang mga bilihin at ito ay mas nagpapahirap pa sa dinaranas na gutom o kawalan ng sapat na pagkain ng mahihirap nating kababayan,” aniya.
Dagdag pa niya, “Samantala, hindi pa rin natatapos ang banta ng kriminalidad, terorismo, at insurhensiya sa ating bansa.”
Nauna rito, ibinunyag ni FL Liza na ‘bad shot’ sa kanya si Sara matapos na matawa pa umano ito nang tawagin ng dating Pang. Rodrigo Duterte si Pang. Marcos na ‘bangag.’
“For me, nasaktan ako because my husband will do everything to protect you. You ran together ‘di ba? Sama sama tayong babangon muli,” ayon pa sa Unang Ginang, sa panayam sa radyo. “Pupunta ka sa rally, tatawagin ‘yung Presidente mong ‘bangag,’ ‘di ba, you’re going to laugh? Tama ba ‘yan? Even Leni [Robredo] never did that.”
Kapansin-pansin namang maganda pa rin ang pakikitungo nina Pang. Marcos at VP Sara sa isa’t isa, sa kabila ng pagpapahayag ng sama ng loob ng Unang Ginang laban sa bise presidente. (Daris Jose)
-
Social pension para sa mga indigent seniors citizen, nakakuha ng P49.8B budget para sa susunod na taon
NAGLAAN ang gobyerno ng Pilipinas ng P49.8 billion budget para sa Social Pension ng mga Indigent Senior Citizens sa bansa sa ilalim ng 2025 National Expenditure Program. Ayon sa Department of Budget and Management, makatutulong ito upang matiyak ang patuloy na implementasyon ng social protection program para sa mga Filipino senior citizen ng DSWD. […]
-
PNR: Bukas na ang rutang Naga-Ligao sa Bicol
BINUKSAN kailan lamang ang operasyon ng Philippine National Railways (PNR) na biyaheng Naga papuntang Ligao sa probinsiya ng Camarines Sur at Albay. Sinuspinde ang operasyon ng Naga-Ligao dahil sa kakulangan ng rolling stock na nagdudugtong sa southern Luzon papuntang probinsiya ng Camarines Sur at Albay. Magkakaroon ng dalawang (2) […]
-
Mikey Garcia inaayos na ang laban kay Pacquiao
Ibinahagi ni American boxer Mikey Garcia na inaayos na nila ang laban niya kay Manny Pacquiao. Sinabi nito na sa mga susunod na mga araw ay malalaman ang ilang detalye ng laban kung saan ito gaganapin. Target kasi nila na isagawa ang laban hanggang sa buwan ng Mayo. Dagdag […]