2 drug pushers timbog sa P408K shabu
- Published on November 7, 2020
- by @peoplesbalita
AABOT sa 60 gramo ng shabu na nagkakahalaga sa mahigit P.4 milyon ang nakumpiska ng pulisya mula sa dalawang umano’y notoryus drug pushers sa buy- bust operation sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.
Dahil dito, pinuri ni Northern Police District (NPD) Director P/Brig. Gen. Ronaldo Ylagan ang Caloocan City Police Station Drug Enforcement Unit (SDEU) warrior sa matagumpay na buy- bust operation na nagresulta sa pagkakaaresto kay Michael Mendoza alyas “Buthoy”, 38 at kanyang pinsan na si Roberto Mendoza, 58, kapwa ng Waling- Waling St., Brgy. 187, Tala.
Ayon kay Gen. Ylagan, nakatanggap ng tip mula sa kanilang impormante si SDEU Deputy chief P/Capt. Deo Cabildo hinggil sa illegal drug operation ng mga suspek sa North Caloocan kung saan direkta niya itong inulat kay P/ Lt. Col. Ilustre Mendoza, officer-in-charge ng Caloocan city police.
Dakong 10:40 ng gabi nang isagawa ng mga operatiba ng SDEU sa pangunguna ni Capt. Cabildo ang buy-bust operation San Roque Street, Brgy. 187 Tala na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek.
Nasamsam sa mga suspek ang 60 gramo ng shabu na may standard drug price P408,000.00 ang halaga at marked money na binubuo ng isang tunay na P1,000 bill at pitong piraso boodle money.
Mahaharap ang mga naarestong suspek sa kasong paglabag sa Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002. (Richard Mesa)