HINDI nagmamadali si Pangulong Rodrigo Roa Duterte na ipawalang-bisa ang Visiting Forces Agreement (VFA)ng Pilipinas sa Estados Unidos.
Sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque, maaaring i-postpone ni Pangulong Duterte para sa panibagong anim na buwan ang termination o pagtatapos ng VFA.
“That (VFA termination) has an option of being further extended by another six months. So, my thinking is, perhaps the President will invoke the second six month time to finally abrogate the VFA,”ayon kay Sec. Roque.
“But, anyway, what I am saying is, there is no immediate rush for the President to decide because the notification we sent to the Americans gives them at least one year leeway before it’s abrogated,” dagdag na pahayag ni Sec. Roque.
Matatandaang, sinuspinde muna ng Pilipinas ang pagsasawalang-bisa ng kontrobersyal na Visiting Forces Agreement (VFA) kasama ang Estados Unidos “kasabay ng mga kaganapang pulitikal” sa rehiyon, sabi ni Foreign Affairs Secretary Teodoro Locsin Jr.
“[T]he termination of the Agreement between the Government of the Republic of the Philippines and the Government of United States of America Regarding the Treatment of United States Forces Visiting the Philippines… is hereby suspended,” wika ng kalihim.
“The suspension shall start on even date and shall continue for six months, which period is extendible by the Philippines for another six months.”
Ayon kay Locsin, ang naturang diplomatic note sa Embahada ng Amerika ay natanggap na ng Washington.
Ikinalugod ng naturang bansa ang desisyon ng Pilipinas, na natanggap daw nila noong ika-1 ng Hunyo, lalo na’t matagal na raw ang relasyon ng dalawa.
“Our long-standing alliance has benefited both countries, and we look forward to continued close security and defense cooperation with the Philippines,” sabi ng embahada.
Ika-11 ng Pebrero nang ihain ng Pilipinas ang pagtatapos ng VFA, na naglalatag ng iba’t ibang probisyon kaugnay ng mga sundalong Amerikano na pinahihintulutang pumunta ng bansa dahil sa alyansang militar.
Ginawa ni Pangulong Rodrigo Duterte ang desisyon kasabay ng pagtindi ng pakikipagkaibigan ng Pilipinas sa Tsina at Rusya, pagsasalita ng ilang US politicians sa isyu ng karapatang pantao sa bansa, at “pangingialam” ng Amerika sa mga usaping panloob.
Nasa 300 military engagements sana ang nakaplano sa pagitan ng Pilipinas at US ngayong 2020, gayunpaman nakansela ito dahil sa noo’y VFA termination at coronavirus disease (COVID- 19).
Ikinalungkot na noon ni US Defense Secretary Mark Esper noong Pebrero na desisyon ng bansa, at tinawag itong “wrong direction,” lalo na’t dapat magtulungan ang dalawang bansa para pasunurin ang Tsina sa “international rules of order.”
Una nang nagbanta si Duterte na puputulin ang agreement kung hindi babawiin ng Estados Unidos ang kanselasyon ng US visa ni Sen. Ronald “Bato” dela Rosa, na kilalang tagapagpatupad ng madugong gera kontra droga ni Duterte.
Gayunpaman, sinabi ng Bagong Alyansang Makabayan (BAYAN) na dapat may kaugnayan sa soberanya ang pagputol sa VFA, at hindi dahil sa paglalakwatsa ni Dela Rosa.
Dekada ’90s pa nang manawagan ang mga aktibista na putulin ang VFA sa dahilang hindi basta-basta mapapanagot sa Pilipinas ang mga sundalong Kano na lalabag sa Philippine law. Hindi rin nila kinakailangan ng pasaporte o visa para makapasok ng bansa. (Daris Jose)