• July 18, 2025

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

29k Mga Pinoy, nabakunahan na laban sa Covid-19

TINATAYANG mahigit na sa 29,000 Filipino ang nabakunahan laban sa COVID-19 simula nang sumipa ang inoculation program ng pamahalaan noong Marso 1.

 

Tinukoy ang Department of Health data, sinabi ni Presidential Spokesperson Harry Roque na may 29,266 indibidwal na ang nakatanggap ng first dose ng bakuna “as of March 7.”

 

Nakapagpadala na ang pamahalaan ng 383,980 doses ng bakuna na dinevelop ng Chinese firm Sinovac at British-Swedish pharmaceutical company AstraZeneca sa iba’t ibang ospital at medical facilities sa iba’t ibang lugar sa bansa.

 

Inaprubahan naman ng Food and Drug Administration (FDA) ang emergency use authorization (EUA) para sa tatlong bakuna gaya ng Pfizer-BioNTech, AstraZeneza at Sinovac.

 

Ang tatlong bakuna ay kailangan na magbigay ng dalawang doses.

 

Sa ngayon, ang Pilipinas ay mayroong 1.1 million doses ng COVID-19 vaccines — 600,000 doses ng Sinovac vaccine na dinonate ng China at 525,600 doses ng AstraZeneca mula COVAX facility.

 

Milyon-milyong doses mula sa ilang vaccine suppliers ang inaasahan na darating sa bansa sa mga darating na buwan.

 

Layon ng Pilipinas na mabakunahan ang 70 milyong Filipino ngayong taon. (Daris Jose)