• March 14, 2025
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

ABS-CBN, humingi ng tawad kay Duterte sa ‘di pag-ere ng ilang 2016 poll ads nito

Humingi ng tawad sa Senate hearing si ABS-CBN president at chief executive officer Carlo Katigbak kung sumama ang loob ni Pangulong Rodrigo Duterte sa pag-ere ng network ng isang kontrobersiyal na political advertisement noong 2016.

 

“We are sorry if we offended the president. That was not the intention of the network. We felt that we were just abiding by the laws and regulations that surround the airing of political ads,” ani Katigbak sa pagdinig ng Senado sa renewal ng prangkisa ng ABS-CBN, na nakatakdang mapaso sa Marso.

 

Binitiwan ni Katigbak ang pahayag matapos kuwestiyunin ni Sen. Christopher “Bong” Go, ang dating special aide ng pangulo, ang pag-ere ng ad, kung saan mapapanood ang pagkuwestiyon ng mga bata sa mga kontrobersiyal na pahayag at pagmumura ni Duterte.

 

Humiling ng temporary restraining order mula sa isang korte sa Taguig ang kampo ni Duterte para hindi na maere ang ad, na binayaran ng kritiko ng pangulo at dating senador na si Antonio Trillanes IV.

 

Tiniyak din ni Katigbak sa mga mambabatas sa pagdinig na walang political agenda ang media at entertainment company.

 

“Today, we want to make a categorical statement, together with our chairman Mark Lopez, that ABS does not and will not have its own political agenda,” ani Katigbak.

 

Lumabas din sa pagdinig na inere rin ng GMA-7 ang election ad laban kay Duterte, ayon sa legal department head ng network na si Ma. Luz Delfin.

 

“Hindi lang isang network ang nag-air nito. Ang kaibahan lang, mas mabilis na nag-pull out iyong isa sa airing,” ani Sen. Grace Poe, na nanguna sa pagdinig.

 

Nang hingan ng reaksiyon sa paghingi ng tawad ng ABS-CBN chief, sinabi ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo na dapat ay dati pa nag-sorry ang ABS-CBN.

 

“Alam niyo na na may atraso kayo. Ano bang… May ginawa ba kayo? Wala, ‘yon ang tinatawag niyang hubris. Masyado kayong mayabang,” ani Panelo.

 

Na kay Duterte na raw kung tatanggapin ang paumanhin ng ABS-CBN.

 

“Kung hindi nag-alboroto sa ’yo saka ka lang hihingi ng paumanhin. Na kay Presidente ‘yon. I don’t know how to respond to that. It’s a personal decision,” ani Panelo matapos tanungin kung paano magre-react si Duterte sa sorry.

 

PALIWANAG SA MGA DI UMERE NA ADS

 

Nagpaliwanag din si Katigbak kaugnay sa pag-ere ng network sa mga political advertisement na binayaran noon ni Duterte.

 

Ayon kay Katigbak, naipalabas ng ABS-CBN ang lahat ng national political advertisement na binayaran ni Duterte pero hindi naere ang lahat ng local ads – o iyong mga ipinapalabas sa mga partikular na lalawigan – dahil sa limitadong airtime.

 

Nabigo raw ang network na maere ang P7 milyon halaga ng patalastas ni Duterte.

 

“Our policy on all our ads is first come, first serve. Many of these spots were ordered on May 3, and May 7 was the last day of the campaign period. There had been many previous telecast orders that came in ahead of the president’s telecast order,” paliwanag ni Katigbak.

 

Nagkaroon din daw ng delay o pagkaantala sa pagbalik ng P2.6 milyon na binayaran ng kampo ni Duterte para sa ads pero hindi na raw ito tinanggap ng pangulo.

 

“We acknowledge our shortcoming in our failure to release that refund in a timely manner,” ani Katigbak.
Nagkaroon na raw ng pagbabago sa mga patakaran ng kompanya ukol sa pagbabalik ng bayad kapag hindi naere ang isang patalastas.

 

“We corrected that so in 2019, our policy is, 7 days, if your spot is not aired, the cheque should be back with the client or with advertister within 7 days,” ani Katigbak.

 

Ayon sa mga senador na sina Juan Miguel Zubiri at Francis Pangilinan, maging sila ay may mga patalastas na hindi naere ng ABS-CBN.

 

“May hinanakit din kami pero hindi natin dadalhin sa usapin na mawawalan ng trabaho ang 11,000 mga kababayan natin,” ani Pangilinan, na tinutukoy ang bilang ng mga manggagawa na pinangangambahang mawawalan ng trabaho kapag isinara ang ABS-CBN.

 

Magugunitang paulit-ulit binabatikos noon ng pangulo ang ABS-CBN dahil sa hindi umano pag-ere ng network sa kaniyang mga ad noong 2016 campaign. Nagbanta rin si Duterte na haharangin ang pag-renew ng prangkisa ng network.

 

Hindi bababa sa 11 ang panukalang batas na may layong i-renew ang franchise ng ABS-CBN, ang nakabinbin sa Kamara.

 

Hiniling din kamakailan ni Solicitor General Jose Calida sa Korte Suprema na ipawalang bisa ang prangkisa ng ABS-CBN dahil sa ilang paglabag pero itinanggi ng ABS-CBN na lumabag ito sa batas. (Daris Jose)

Other News
  • “Seoul Vibe” Trailer Unveils this August’s Coolest Crew

    CHECK out the official trailer ( https://www.youtube.com/watch?v=PM4pZG9TkOI) and main ensemble key art for Seoul Vibe starring Yoo Ah-in (as Dong-wook, the supreme driver with perfect drifting skills), Ko Kyung-Pyo (as John Woo, the Club DJ), Lee Kyoo-hyung (as Bok-nam, the human navigator), Park Ju-hyun (as Yoon-hee, the talented motorcyclist) and Ong Seong-wu (as Joon-gi, the […]

  • Winning streak ni Mark “Machete” Bernaldez, nagtapos na sa kamay ni Cain Sandoval

    NAGTAPOS na ang winning streak ni Filipino road warrior Mark “Machete” Bernaldez matapos matalo sa pamamagitan ng fourth-round knockout kay unbeaten American prospect Cain Sandoval noong Sabado, Pebrero 22, sa Chumash Casino sa Santa Ynez, California. Sa record ni Bernaldez, mayroon itong magkasunod na panalo noong 2022. Sa laban ni Bernalez nakakuha ito sa umpisa ng […]

  • Pagsasailalim sa MGCQ, wala pang definite date- CabSec Nograles

    WALA pang siguradong petsa kung kailan na ang buong bansa ay isasailalim sa Modified General Community Quarantine (MGCQ).     Ang MGCQ ay protocol kung saan ay pinapayagang palawigin ang public transport at business operations at paluwagin ang restriction sa mass gathering.     Sa virtual presser ni Cabinet Secretary Karlo Nograles ay sinabi nito […]