Astrazeneca ‘mabenta’
- Published on January 13, 2021
- by @peoplesbalita
Kanya-kanyang pareserba ang iba’t ibang local goverment units (LGUs) sa Metro Manila ng COVID-19 vaccine mula sa pharmaceutical giant na AstraZeneca buhat sa United Kingdom para sa kanilang mga constituents.
Nagkakahalaga ang mga Ito ng mula sa multi-milyon hanggang sa bilyong piso kumporme sa budget ng mga lungsod.
Ang Maynila ay bibili ng may 800,000 doses ng AstraZeneca COVID-19 vaccine.
Bukod dito, bibili rin ang Maynila ng 12 refrigeration units para pag-imbakan ng iba’t ibang bakuna mula sa AstraZeneca, Pfizer, Moderna, Johnson & Johnson, Novavax, Sinovac at iba pa. Ilalagay ito sa ipatatayo ng lokal na pamahalaan na cold storage facility sa Sta. Ana Hospital.
Isang milyong doses naman ng AstraZeneca vaccine ang inorder ni Makati City Mayor Abigail Binay makaraang maglaan ng P1 bilyong pondo para rito. Sinabi ni Binay na sa naturang bilang ng order, makatitiyak na mababakunahan ang lahat ng residente ng lungsod maging hindi residente ngunit may-ari ng mga establisimiyento at may negosyo sa siyudad.
Sinabi pa ng alkalde na tinatapos na rin ang kasunduan sa iba pang vaccine manufacturer para madagdagan ang suplay ng bakuna sa lungsod.
Sa Pasig City, sinabi ni Mayor Vico Sotto, 400,000 doses ng bakuna na nagkakahalaga ng P100 milyon ang inorder mula sa AstraZeneca.
Gayunman, wala pang eksaktong petsa kung kailan maidedeliber ang mga bakuna sa lungsod.
Bukod naman sa AstraZeneca, bibili rin aniya sila ng mga bakuna mula sa iba pang vaccine makers sa sandaling mabigyan ng pagkakataon.
Sa San Juan, sinabi naman ni San Juan City Mayor Francis Zamora na lumagda na rin sila ng tripartite agreement sa British-Swedish pharmaceutical firm na AstraZeneca at sa national government para sa pagbili ng mga bakuna laban sa COVID-19 nitong Linggo.
Ayon sa alkalde, layunin nitong mabigyan kaagad ng bakuna ang mga residente sa lalong madaling panahon.
Hindi naman binanggit ni Zamora kung ilan ang doses ang sangkot sa kasunduan.
Gayunman, sinabi nito na naglaan ang city government ng P50 milyon para sa pagbili ng mga bakuna para sa kanilang constituents.
Lumagda na rin ang Mandaluyong City government, sa pangunguna ni Mayor Menchie Abalos, ng tripartite agreement sa pagitan ng AstraZeneca Pharmaceuticals Philippines, Inc. at ng national government para sa maagang pagbili ng COVID-19 vaccine na may halagang P200 milyon.
Inaprubahan ng Sangguniang Panlungsod noong Enero 6 ang Resolution No. 2961, Series 2021 kung saan pinapayagan si Abalos na pumasok, lumagda, at magpatupad ng isang multilateral agreement sa AstraZeneca.
Pormal na ring lumagda ng kasunduan ang Caloocan City sa AztraZeneca para sa bibilhing 600,000 doses ng COVID-19 vaccine na bahagi ng vaccination program ng lokal na pamahalaan.
Dahil dito, sinabi ni Caloocan City Mayor Oca Malapitan tiyak nang mabibigyan ng bakuna ang mga residente ng lungsod upang maproteksiyunan laban sa virus.
Nagkakahalaga ng P125 milyon ang nasabing mga bakuna habang may naka antabay pang P1 bilyon additional fund para sa pagbili ng bakuna.
Maging ang Navotas ay pumirma na rin sa kasunduan si Mayor Toby Tiangco sa AstraZeneca para sa pagbili ng may 100,000 na bakuna.
May inisyal na 1.1 million doses ng AstraZeneca vaccine ang tatanggapin ng QC government para sa COVID-19.
Ito ay makaraang lumagda ang city government sa isang tripartite agreement sa pagitan ng national government sa pamamagitan ng Inter-agency Task Force on Emerging Infectious Disease (IATF) at AstraZeneca Pharmaceuticals Philippines.
“This is part of the plan of our Task Force Vax to Normal. Now that we have secured 1.1 million doses, we will continue talking to other pharmaceutical companies to secure more vaccines for QCitizens to complement the national government’s goal. When more QCitizens are vaccinated, we can soon achieve herd immunity,” pahayag ni QC Mayor Joy Belmonte.
Sinabi ni Belmonte na ang dagdag na alokasyon ng AstraZeneca vaccines na inaasahang darating sa third quarter ngayong taon ay magpapahusay sa vaccination program ng lokal na pamahalaan at mas maraming makikinabang sa priority sectors na kinilala ng World Health Organization.
Pumirma na rin ng kasunduan ang mga Pamahalaang Lungsod ng Las Piñas at Makati sa pagitan ng British drug maker AstraZeneca para makatiyak ng suplay ng kanilang COVID-19 vaccine sa oras na maaprubahan na ang kanilang ‘emergency use authorization (EUA)’ sa bansa.
Sinabi ni Las Piñas City Mayor Imelda “Mel” Aguilar na nasa 300,000 doses ang inilaan nilang alokasyon sa ilalim ng COVID-vaccination program ng lokal na pamahalaan. Inaasahan na darating ang suplay ng bakuna sa buwan ng Hulyo ngayong taon.
Ipaprayoridad sa Las Piñas na mabakunahan ang kanilang mga medical at iba pang frontliners, mga miyembro ng Las Piñas City Police, senior citizens, ibang sektor na mas may pangangailangan ng bakuna at mga mahihirap na residente.
Nasa P200 milyong pondo ang inilaan ng Las Piñas sa vaccination program at makikipagtulungan sa nasyunal na pamahalaan para mabigyan ng libreng bakuna ang mga residente ng Las Piñas.
Samantala, inihayag na rin ni Muntinlupa City Mayor Jaime Fresnedi at Taguig City Mayor Lino Cayetano ang pagpirma ng kontrata sa AstraZeneca para mabigyan din ng suplay ng bakuna ang kani-kanilang lungsod. Hindi naman naisaad kung ilan ang suplay na inilaan sa ilalim ng kanilang mga kasunduan. (Daris Jose)
-
PBBM, binisita ang mga pamilyang lumikas sa Barangay Malanday Evacuation Center sa Valenzuela City
BINISITA ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mga pamilyang lumikas sa Barangay Malanday Evacuation Center sa Valenzuela City dahil sa bahang idinulot ng habagat at bagyong Carina. Pinangunahan din ni PBBM ang pamamahagi ng suporta ng pamahalaan sa mga nasalanta.
-
Ginawan ng isyu ang pagbabalik-‘Pinas: KRIS, imposibleng papasukin ang pulitika dahil sa kalagayan
MAY gumawa na naman ng isyu kaugnay sa pagbabalik ng Queen of All Media na si Kris Aquino sa Pilipinas. Ang sabi kaya raw umuwi ng Pilipinas si Kris ay may kaugnayan daw sa nalalapit na 2025 midterm elections. Sa talk show na “Showbiz Now Na” ay may binanggit si Nay Cristy Fermin […]
-
Nagtahan exit ramps ng Skyway 3 binuksan
Binuksan noong nakarang Huwebes ng San Miguel Corp. (SMC) ang Nagtahan northbound at southbound exit ramps ng elevated Skyway Stage 3. Sa pamamigitan ng northbound at southbound exit ramps ang mga motorista ay maaari ng dumaan papuntang Sta. Mesa at iba pang lugar deretso na sa Manila. Ayon kay SMC president […]