• December 22, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

DEEP INSIDE MY HEART (Chapter 55) Ang pagwawakas…

KAHIT NAKAUSAP na ni Regine si Bernard tungkol kay Roden ay hindi pa rin siya mapalagay. Kaya’t nagpasya siyang pumunta ulit sa ospital upang makabalita at siguraduhin ang ligtas niyang sitwasyon. Sa kuwarto ni Bela sa ospital ay nadatnan niya si Cecilia at sa pagtatama ng kanilang mga mata ay naroon na agad ang pagdududa sa isa’t isa.

 

“Kumusta si Bela?” si Regine ang unang bumasag ng saglit na katahimikang namagitan sa kanila.

 

“Mabuti na siya at wala na ulit pwedeng makapanakit sa kanya.”

 

“That’s good. Pero payo lang sis, ‘wag kang masyadong umakto na parang ikaw ang ina ni Bela.”

 

“Naging ina ako ni Bela sa mahabang panahon at walang makapagbabago no’n.”

 

Nilapitan ni Regine ang hindi pa rin nagigising na dalaga.

 

“So what’s next, you will be Bernard’s wife or other woman?” tanong niyang nakatalikod kay Cecilia.

 

Tumayo si Cecilia mula sa kinauupuang bangko na nasa gilid ng hospital bed.

 

“Hindi. Napakabuti sa akin ng mga Cabrera kaya gagampanan ko lang kung ano ang nararapat.”

 

“Ipokrita.”

 

“Hindi ako tulad mo. Alam kong ex ka ni Bernard at hanggang ngayon ay inaasam mo pa rin siya. Amoy na amoy kita. Iniisip ko nga na baka ikinatutuwa mo pa ang nangyari kay Bela.”

 

Inis na nilingon ni Regine si Cecilia.

 

“Pinagbibintangan mo ba’ko?”

 

“Pinagbabantangan saan. Teka…baka nga may kinalaman ka sa nangyari sa anak ko?”

 

“Shut up! Wala kang alam sa mga nangyari!”

 

Humakbang si Cecilia palapit kay Regine at hinawakan ito sa braso.

 

“Bakit, ikaw, may alam ka ba?”

 

Hindi agad nakasagot si Regine. Natetense siya kapag naiisip ang sabwatan nila ni Roden. Pero ayaw niyang magpatalo kay Cecilia. Kaya mismong sa mga bibig niya lumabas ang mga bagay na hindi dapat malaman ninuman dahil sa kanyang nerbiyos.

Inalis niya ang kamay ni Cecilia sa braso niya at mabilis na idiniin ang magkabilang daliri sa mga pisngi nito.

 

“Manang mana sa’yo ang anak-anakan mo, pakialamera kaya dapat sa’yo matulad din sa kanya. Ayaw niya sa’kin, hadlang siya sa mga plano ko para sa aming dalawa ni Bernard, kaya oo, ako ang nag-utos kay Roden na alisin siya sa landas ko. Ngayon, anong ebidensya mo para sabihin sa kanila ang nalaman mo ngayon? Paniniwalaan ba nila ang isang tulad mo na dating miyembro ng akyat bahay gang?”

 

Tumingala si Cecilia sa cctv na nasa tagong bahagi ng ceiling. Napatingala rin doon si Regine na lumuwag ang pagkakapisil sa pisngi ng babae. Umalon ang kaba sa dibdib niya. Tatalikuran na sana niya si Cecilia at tatakbo nang palabas sa pintuan nang bumungad naman doon si Angela.

Isang ubod lakas na mag-asawang sampal ang tinanggap niya mula rito.

 

“Ikaw? Ikaw ang may gawa nito sa anak ko, hayup ka!” gigil sa galit na pinagtulungan nina Angela at Cecilia na sabunutan at saktan ang babae. Inawat na lamang sila ng dalawang pulis na naroon.

 

Nang magising si Bela mula sa tila isang bangungot na pinagdaanan nila ni Jeff ay wala na si Roden at nakakulong na rin si Regine maging ang tatlong ulupong na dating mga ka-grupo ni Cecilia.

Sama-sama ang Pamilya Cabrera na nagtungo sa puntod ni Janine upang ihingi ng tawad ang nangyari sa kanyang mama na kailangan nitong pagbayaran.

 

Makalipas ang dalawang taon.

 

Nilapitan ni Angela si Bela na nakaupo sa upuang bato sa hardin ni Lola Corazon.

 

“Bela…ready ka na ba?”

 

“Opo mommy…after ng kasal, sa wakas makakabalik na rin tayo sa bahay natin sa Villa Luna sa San Gabriel. Medyo matagal din ang naging renovation pero sulit naman po diba?”

 

“Oo naman anak. Sinigurado lang namin ng daddy mo na magiging komportable at safe na tayo sa bahay natin kahit dumaan pa ang ilang bagyo.”

 

“Thank you po mommy!” sabay yakap ni Bela sa ina.

 

Sa kabila nito ay bakas na bakas pa rin sa mukha ni Bela ang kalungkutan. Subalit wala naman siyang magawa upang maibsan ang nararamdaman ng anak. Nauunawaan niya ang pinanggagalingan ng damdamin nito.

Saglit silang nag-usap at pagkatapos ay gumayak na sila patungo sa simbahan.

 

Sa simbahan ay matiyagang naghihintay si Jared. Suot ang kanyang gray wedding suit. Napangiti ito nang matanaw si Bela na paparating kasama sina Angela at Bernard.

 

Sa bahay ng mga Cabrera huminto ang isang motor. Sakay nito si Jeff na kadarating lang mula sa America. Sarado ang gate. Mabuti’t may napagtanungan pa siyang kasambahay na nagdidilig mula sa kalapit na bahay.

 

“Kakaalis lang po nila patungo sa simbahan, sa St.Anthony.”

 

“Simbahan, ano pong meron?”

 

“Kasal po.”

 

Kinabahan si Jeff nang marinig ang salitang kasal. Nabalitaan din kasi niya kamakailan na ikakasal na raw ang pinsan niyang si Jared, hindi nga lang niya inalam kung kailan at kanino. Bakit nga ba hindi niya inalam?

Pinaharurot niya ang motor patungo sa binanggit na simbahan.

 

Huminto siya sa mismong harapan nito. Ngunit tila nahuli na yata siya ng dating nang makita niyang nakaluhod na sa harap ng altar ang bride at ang groom.

Pero hindi siya makatiis. It’s now or never. Baka sakaling mapagbago pa niya ang isip ni Bela.

Sakay ng kanyang motor ay pinasok niya ang simbahan at saka sumigaw ng ubod lakas.

 

“BELAAA!”

 

Naglingunan ang mga tao sa loob. Inalalayan ni Jared ang kanyang bride sa pagtayo mula sa kanilang pagluhod at saka sabay na humarap kay Jeff.

 

Nabigla si Jeff nang makita ang bride.

 

“Bela…”

 

Mula sa hanay ng mga abay ay marahang humakbang si Bela patungo kay Jeff. Suot ang blue gown na siyang motif ng kasal.

 

“Bakit mo ginulo ang kasal nila?” kunot noong tanong ni Bela na abay at hindi bride.

 

“A-akala ko…ikaw at si Jared…”

 

Nagmamadaling lumabas si Bela ng simbahan kasunod si Jeff upang hindi na sila makaabala.

 

“Yan, yan ang ibubungad mo sa akin matapos mo akong pagtaguan ng dalawang taon?”

 

“Bela, magpapaliwanag ako.” ani Jeff habang pababa sa kanyang motor.

 

“Sige, pero bago ‘yan tanggapin mo muna ‘to!” isang sampal ang iginawad ni Bela sa pisngi ng binata.

 

“Para saan ‘yon?”

 

“Para sa dalawang taon ng kalungkutan na ipinaramdam mo sa’kin, dapat nga dalawang sampal din ‘yan eh kaya lang masakit sa kamay!”

 

“Ok fine, sorry na. Nagkadiprensya ang mga paa ko dahil sa mga balang tumama rin sa binti ko. Na-depress ako ng sobra dahil akala ko hindi na ako makakalakad ulit. Kaya mas pinili ko na manatili na lang doon sa ibang bansa at kalimutan ka…pero nang magkaroon ng pag-asa ang mga binti ko, nabuhay din ang pag-asa ko na makita at makasama ka ulit…kaya heto bumalik na ako!”

 

“Sa tingin mo gano’n lang kadali ‘yon? Hindi mo man lang inisip kung gaano kasakit sa akin ang nangyari sa’tin tapos iniwan mo ‘ko sa ere. Napakababa ba ng tingin mo sa’kin para hindi ko maunawaan ang kalagayan mo? Sa tingin mo iiwan kita dahil hindi ka na makalakad?”

 

“Hindi gano’n ‘yon, lumayo ako para ibigay ang kalayaan mo dahil ayokong matali ka sa isang baldado na gaya ko…mahal na mahal kita Bela, alam mo ‘yan.”

 

“Paano kung ako nga ang naging bride ni Jared?”

 

“Agawin kita sa kanya.”

 

“Nababaliw ka na, ang gawin mo ngayon umalis ka na at bumalik ka sa America, natiis mo nga ako ng dalawang taon eh kaya makakapagtiis ka pa ng mas maraming taon!” tatalikod na sana si Bela nang hawakan siya ni Jeff sa braso at kabiging palapit sa kanya.

 

“Sige gagawin ko ‘yan, pero kailangan mo munang sabihin sa akin na hindi mo na ako mahal.”

 

Nabigla si Bela kaya’t hindi agad siya nakasagot. Sinamantala naman ni Jeff ang pagkakataon na iyon upang siilin ng halik ang dalaga.

 

“Ehem!” si Bernard na sinundan si Bela sa labas ng simbahan.

 

Nagulat at napalingon ang dalawa.

 

“Ahm, sorry po!” kambyo agad ng binata.

Awkward na ngiti naman ang ibinigay ni Bela sa ama sabay kurot sa tagiliran ni Jeff.

 

“Jeff, hindi pa kita pinapatawad ha, kailangan mo pa akong suyuin.” bulong ni Bela sa binata habang ang mga mata’y nasa daddy niya.

 

“Kahit araw-araw kitang suyuin hanggang sa magkaapo na tayo gagawin ko mapatawad mo lang ako.” mahinang sagot din ni Jeff na nakatingin din kay Bernard.

 

Nang makabalik na sila sa Villa Luna sa San Gabriel ay labis ang naging kaligayahan ng mga Cabrera. Sayang nga lang at hindi na nila makakasama roon si Lola Corazon. Pero alam naman nilang masaya itong bago nilisan ang mundo ay natagpuan na nila si Bela.

Nagdesisyon ang mag-asawa na palaguin na lang ang kanilang restaurant na nagkaroon na rin ng bagong branch sa kanilang lugar. Habang si Jeff ay siya nang namamahala sa negosyo ng kanyang mga magulang na nanatili na sa America.

 

Si Cecilia naman ay nagkaroon ng bagong pag-asa sa pag-ibig nang ipakilala sa kanya ni Mang Delfin ang anak nitong matandang binata. Ipinasok kasi ito ni Mang Delfin na hardinero sa mga Cabrera.

 

Sadyang mahiwaga ang pag-ibig. Tatangayin tayo nito sa masalimuot na mundo na hindi natin kabisado. Ipadarama sa atin ang saya at lungkot na kaakibat nito. Bibigyan tayo ng pagkakataon na makapagdesisyon ngunit sa huli ay tadhana pa rin ang magpapasya para sa atin.

 

 

Ang sumunod na eksena sa kanilang buhay ay ang garden pre-wedding photoshoot nina Bella at Jeff. Bawat anggulo ay kakikitaan ng kilig sa kanilang mga kuha. Bakas sa kanilang mga ngiti ang kaligayahang dulot ng tunay na pag-ibig.

 

Samantala.

Habang nasa kanilang pre-wedding photoshoot sina Bela at Jeff ay sinubukan ni Bernard kung tutunog pa ang luma nilang plaka. Sa saliw ng musika na paborito nila ni Angela ay muli silang nagsayaw tulad ng dati. Nakadantay ang mga kamay ni Angela sa balikat ni Bernard habang ang mga kamay naman ni Bernard ay nasa beywang ni Angela.

 

“Sweetheart…wala na akong mahihiling pa…sana lang wala ng malaking pagsubok pa ang dumating sa ating buhay…” ani Angela.

 

“Huwag kang matakot sweetheart. Kasama mo ako sa lahat ng laban. Kahit na ano pang mangyari, hindi tayo bibitaw sa ating pag-ibig.”

 

Masuyong hinagkan ni Bernard sa noo si Angela habang magkayakap silang nagsasayaw ng sweet suot ang kuwintas na ilang ulit nang nagpasalin salin sa mga taong pinagbubuklod ng pag-ibig. Kung hanggang kailan mananatili sa kanila ang magkapares na kuwintas ay walang nakakaalam.

 

Sa mga nagmahal, nasaktan at muling nagmahal, huwag nating susukuan ang pag-ibig kahit sa tingin natin ay wala ng pag-asa. Always believe in love, deep inside your heart…

 

Wakas

Other News
  • DTI: Walang paggalaw sa presyo ng bilihin sa mga nasa State of Calamity

    SINABI ni Trade and Industry Secretary Ramon Lopez na awtomatiko ang price freeze sa mga lugar na nasa ilalim ng state of calamity dahil sa Bagyong Rolly.   “Unang-una, the Typhoon Quinta last week, so may mga state of calamity, so automatic price freeze doon sa mga calamity areas—Albay, Batangas, Oriental Mindoro, Marinduque,” saad ni […]

  • Valenzuela LGU, Ford motors nagsagawa ng libreng driving training

    SA pagsisikap ng Pamahalaang Lungsod ng Valenzuela na isulong ang ligtas na pagmamaneho, nakipagtulungan sina Mayor WES Gatchalian at Konsehal Sel Sabino-Sy sa Ford Motors Company at nagsagawa ng pagsasanay na tinawag na “Ford Driving Skills For Life,” na ginanap sa Club House, Barangay Canumay West.     Halos 300 katao ang nakilahok sa nasabing […]

  • PBBM, kinilala ang naging ambag ng DSWD sa ginagawang pagtulong nito sa mga tao

    KINILALA ni Pangulong Ferdinand R Marcos Jr ang Department of Social Welfare and Development (DSWD) sa  pagtulong nito sa mga mamamayan na nangangailangan.  Sa isinagawang Pangkabuhayan at Pamaskong Handog Ng Pangulo at Unang Ginang sa Sambayang Pilipino na ginawa sa Rizal Park,  tinuran ni Pangulong Marcos na isa ang DSWD sa mga ahensiya ng gobyerno […]