DEEP INSIDE MY HEART (Chapter 9) Story by Geraldine Monzon
- Published on January 19, 2022
- by @peoplesbalita
May nakarating kay Bernard na konting pag-asa kaugnay sa kanyang mag-ina kaya halos lumutang ang mga paa niya sa pagmamadali para mapuntahan ang mga ito. Subalit nang sakay na siya ng taxi patungo sa address na ibinigay ni SPO2 Marcelo ay nadaanan niya si Cecilia sa kalsada na biglang hinimatay kaya’t pinahinto niya ang sasakyan.
Bumaba siya at tsinek ang dalaga.
“Si Cecilia nga ito… Cecilia, Cecilia!”
Kinarga ni Bernard ang dalaga at isinakay sa taxi.
“Manong, sa ospital muna po tayo.”
Matapos maihatid sa ospital, ibinigay ni Bernard sa nurse ang address ng apartment na tinutuluyan ni Madam Lucia upang maipagbigay alam dito ang nangyari sa kanyang apo. At saka siya nagmamadaling umalis at pinuntahan na ang taong pakay niya.
Pinapasok siya ng babae , edad 30, sa bahay nito at pinaupo sa sofa. Hindi na nagpaligoy ligoy pa ang babae. Sinabi na agad nito kung papaano niya nakita si Angela.
“Hindi ko makalimutan ang mukha niya, kaya nang ipakita sa akin ni SPO2 Marcelo ang picture nakilala ko agad. Napakabilis ng mga pangyayari noon. Nakakatakot ang pagtaas ng tubig baha. Pakiramdam ko nga noon magugunaw na ang mundo. Nagkahiwa-hiwalay din kaming pamilya. Napakapit na lang ako sa puno at nag-antanda. Noon ko nakita ang babaeng ‘yan. Tinatangay siya ng tubig. Sa tingin ko hindi siya marunong lumangoy. Sumisigaw siya ng tulong at ng pangalang Bela. Pilit ko siyang inaabot pero hindi ko nagawa. Awing-awa ako sa kanya. May matandang lalaki akong nakita na humawak sa braso niya. Sa tingin ko naisalba siya nito, pero hindi ko nakita ang mukha ng matandang lalaki dahil nakatalikod ito. Tapos no’n nakabitaw na ako sa puno, nangawit na kasi ako at masyado na ring madulas. Mabuti na lang at nasagip pa ako ng asawa ko.”
“M-May sumagip sa kanya…ibig sabihin buhay siya…buhay ang asawa ko, pero ang anak ko, si Bela, nakita mo ba siya?”
“Hindi eh, wala akong nakitang bata. Narinig ko lang na isinisigaw niya ang pangalang Bela.”
Hindi maintindihan ni Bernard ang mararamdaman sa mga sandaling iyon. Magkahalong tuwa, takot at pag-aalala. Natutuwa siyang malaman na merong nakasagip kay Angela pero labis naman ang takot niya para sa anak nila. Pareho niyang inaalala ang mga ito ngayon. Pilit niyang paglalabanan ang kanyang mga pangamba. Panghahawakan niya ang kapirasong impormasyon at pag-asang iyon.
Pagkaalis doon ay agad tinawagan ni Bernard si Marcelo.
“Pre, pwede ba ulit natin ma-tsek ‘yung listahan ng mga nakaligtas, kailangan ko ang mga pangalan ng mga matatandang lalaki na nakaligtas.”
“No problem. Call back kita mamaya.”
“Salamat.”
“Huwag kang magpasalamat pre. Saka na kapag nakasama mo na ulit ang mag-ina mo. Kulang pa ang mga ginagawa kong pagtulong sa’yo ngayon kumpara sa laki ng naitulong mo sa akin noong hindi pa ako pulis at kailangang maoperahan ng asawa ko. Kung nagkaanak nga kami siguradong kukunin kitang ninong. “
“Wala ‘yon. Sige antayin ko na lang ang tawag mo.”
Dinaanan ni Bernard si Cecilia sa ospital. Naroon na si Madam Lucia na agad siyang sinalubong sa pintuan pa lang ng ward.
“Bernard, salamat, salamat hijo sa malasakit mo sa apo ko. Mabuti na lang at ikaw ang nakakita sa kanya sa daan!”
“Lola, ano ho bang sakit ni Cecilia?”
“Kailangan pa raw magpalaboratory test sabi ng doctor bago malaman. Pero baka bukas ay lumabas na rin kami dito at babalikan na lamang ang resulta.”
“Nangyari na po ba ito sa kanya na nahimatay siya?”
“Dati, ilang beses na, pero matagal na, ngayon lang naulit at ngayon lang din siya nakapagpatingin.”
“Pwede ko ba siyang makausap?”
Hindi agad nakaimik ang matanda.
“Ahm, Bernard kasi, ang apo kong iyon, para bang galit sa mundo. Ayaw na ayaw niyang nakikipag-usap sa mga tao maliban sa mga barkada niyang walang kwenta. Maski ako nga na lola niya, depende lang sa mood niya kung kausapin niya ako. Pero kahit na gano’n, hindi naman niya ako pinababayaan. Ang totoo nga niyan, muntik na akong mamatay dati kundi lang gumawa siya ng paraan para maoperahan ako sa puso.”
“Gano’n po ba. Sige po, tutuloy na’ko. Kung may kailangan kayo, heto po ang calling card ko. Tawagan nyo lang ako at tutulong ako sa abot ng aking makakaya.”
“Napakabuti mo Bernard. Nabalitaan ko ang nangyari sa mag-ina mo. At nasisiguro kong hindi hahayaan ng Diyos na magtagal ang iyong pagdurusa dahil mabuti kang tao. At mabuting tao rin ang iyong asawa.”
“S-Salamat po…”
Lahat ng matandang lalaki na nakaligtas ay sinuyod ni Bernard. Pero isa man sa mga ito ay walang nakakilala kay Angela. Kaya unti-unti na naman siyang nalulugmok sa kawalan ng pag-asa.
“Angela…Bela… hindi ko kayo susukuan…” ani Bernard sa sarili habang nilulunod ang sarili sa alak sa loob ng isang bar.
Lasing na lasing ito nang umuwi. Awang-awa naman si Lola Corazon sa kanyang apo. Pinanghihinaan na rin siya ng loob na matatagpuan pa nila ang mag-ina pero tulad ni Bernard ay hindi siya bibitaw sa pag-asa.
Nakauwi na si Cecilia sa apartment kasama ang kanyang lola.
“Cecilia, hindi ka man lang ba magpapasalamat kay Bernard sa ginawa niyang pagtulong sa’yo?”
“Lola, Cecille po. Saka hindi ko naman kailangan magpasalamat. Tinulungan ko rin siya noon kaya quits na kami ngayon.”
“Hindi pa. Nilooban nyo ang bahay nila, pinalaya ka niya. Kaya ang pagtulong mo sa kanya noong naaksidente siya ay kabayaran lamang sa pagpapalaya niya sa’yo. Ngayon na natulungan ka niyang madala sa ospital, isa ulit iyong malaking bagay na dapat mong ipagpasalamat sa kanya.”
“Hindi naman niya kasi ako kailangang dalhin sa ospital. Baka nahimatay lang ako sa gutom, o dahil low blood, o sa pagod sa paghahanap ng trabaho kaya nahilo ako. Masyado lang siyang OA.”
“Wala na talaga akong masabi sa’yong bata ka. Teka, bakit hindi ka kaya lumapit sa kanya , baka mabigyan ka niya ng trabaho?”
Natigilan si Cecilia sa sinabi ng matanda.
Samantala.
“Hija, heto ang lugaw, mainit init pa. Mabuti ito sa sikmura mo. Kumain ka na. Kailangan mong magpalakas para makabalik ka na sa asawa mo…” ani tatang na sinusubukang subuan ng lugaw si Angela na nakaupo sa gilid ng kama at tulala.
Pabalyang bumukas ang pintuan ng silid.
“Anong sinabi mo tatang?” galit ang mukha ni Roden.
Inilapag ng matanda ang lugaw sa lamesita at saka tumingin sa anak.
“Roden, anak, hindi ka ba nakokonsensya sa ginagawa mo?”
“Bakit ako makokonsensya? Tadhana na ang nagpasyang maglayo sa kanilang dalawa. Ibinigay na siya sa akin ng Diyos sa pamamagitan mo kaya hindi ko na siya pakakawalan pa!”
“Pero may asawa siyang nagmamahal, naghihintay at labis na nag-aalala sa kanya!”
Nagtiim bagang si Roden.
“Mula ngayon, ako na lang, ako na lang ang lalaking magmamahal at mag-aalaga sa kanya.”
“Paano kung bumuti na ang pakiramdam niya at mabalik na siya sa wisyo? Siguradong babalik din siya sa kanyang asawa na siyang tunay niyang mahal.”
Matalim ang tinging itinapon ni Roden sa kanyang ama.
“Pwes, sisiguraduhin ko na hindi na siya makakabalik pa kay Bernard!”
Si Roden. Ang dating kaopisina at kaibigan ni Bernard na nagkaroon ng malaking pagkagusto noon kay Angela hanggang ngayon.
(ITUTULOY)
-
Pilipinas magpapadala ng 814 atleta para sa 32nd SEA Games sa Cambodia
AABOT sa 814 na atleta ang ipapadala ng bansa para sa pagsabak sa 32nd Southeast Asian Games sa susunod na taon sa Cambodia. Ito ang napagpasyahan sa dalawang consultative meeting ng national sports associations. Mayroong 49 sports ang lalaro sa Cambodia na magsisimula mula Mayo 5 hanggang Mayo 15. […]
-
LRT-2 at MRT-3 may libreng sakay sa mga kababaihan ngayong International Women’s Day
NAGLAAN ng libreng sakay para sa mga kababaihan ang Light Rail Transit o LRT 2 kahapon araw ng Miyerkoles, Marso 8. May kaugnayan ito sa pagdiriwang ng International Women’s Day. Nagsimula ito mula alas-7 ng umaga hanggang alas-9 ng umaga at babalik ito ng alas-5 ng hapon hanggang alas-7 ng gabi. […]
-
DTI at mga attached agencies nito, nangakong mamadaliin ang pautang para sa mga small businesses
KAPWA nangako sina Labor Sec Silvestre Bello III ang Department of Trade & Industry at attached agency nitong small business corporation na ipa- fast track nila o pabibilisin ang pagproseso sa mga soft loans o pautang para sa mga micro and small business enterprises. Ito ay bilang pambayad ng 13th month pay ng mga […]