• November 18, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Fernando sa publiko: Manatiling kalmado sa gitna ng health emergency

LUNGSOD NG MALOLOS- Kasunod ng anunsyo ng Kagawaran ng Kalusugan na umakyat na sa 33 ang kumpirmadong kaso ng COVID-19 sa bansa, kung saan kabilang ang isang Bulakenyo mula sa Lungsod ng San Jose del Monte, Bulacan, itinuloy ni Gob. Daniel R. Fernando ang suspensyon ng klase sa lahat ng antas, pampubliko at pribadong paaralan, mula kahapon hanggang Marso 14,2020, Sabado.

 

Umapela din ang gobernador sa publiko na manatiling kalmado sa gitna ng kinakaharap na health emergency dahil sa banta ng nasabing sakit na mabilis na kumakalat, at hinikayat ang lahat na magdasal.

 

“Tayo ay nagsasagawa ng contact tracing alinsunod sa direktiba ng Department of Health at Bulacan Provincial Health Office-Public Health kasama ang City Health Office of San Jose Del Monte upang matukoy ang mga nakasalamuha ng pasyente at magsagawa ng patuloy na beripikasyon. Ang mga estudyante ay mag-aral pa rin sa kani-kanilang mga bahay,” ani Fernando.

 

Aniya, wala siyang ibang hangad kundi masiguro ang kalusugan at kaligtasan ng mga Bulakenyo kung kaya naman gagawin ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan ang lahat upang proteksyunan ang mga residente, dahilan upang ipagbawal pansamantala ang mga malakihang pagtitipon.

 

Bago ito, pinirmahan ng gobernador ang Memorandum GO DRF031020-91 na nag-aatas sa mga punong bayan at lungsod, health worker at mga kapitan ng barangay upang mahigpit na ipatupad an mga angkop na hakbang upang makaiwas sa COVID-19 gaya ng nakasaad sa Proklamasyon Blg. 922 at alinsunod sa Republic Act No. 11332 o ang Mandatory Reporting of Notifiable Diseases and Health Events of Public Health Concern Act.

 

Hinihilingan ang mga punong bayan at lungsod at mga kapitan na isagawa ang Sustained Inter-agency coordination, pagsiguro sa back up systems to address surge capacity, at establish logistic management system habang ang mga health worker ay inaatasang panatilihing maalam ang publiko upang mabawasan ang takot at pangamba.

 

Dagdag pa rito, muli ding pinaalalahanan ng Provincial Health Office-Public Health ang mga mamamayan hinggil sa kahalagahan ng personal na mga paraan ng pag-iwas sa sakit gaya ng tama at palagiang paghuhugas ng kamay, pag-ubo at pagbahing ng tama, pag-iwas sa matataong lugar at tamang paraan ng pagluluto.

 

Samantala, sa isinagawang media briefing ng Kagawaran ng Kalusugan, sinabi ni Asec. Ma. Rosario Vergeire na ang mga kumpirmadong kaso ay ipinasok sa iba’t ibang ospital kabilang na ang San Lazaro, RITM, Makati Medical Center, Saint Luke’s BGC at Quezon City, The Medical City, Jose N. Rodriguez, Cardinal Santos, Lung Center, at ang mga repatriated na pasyente ay nasa New Clark City. (Bishop Jesus “Jemba” M. Basco)

Other News
  • Construction worker nagbigti

    ISANG 39-anyos na construction worker ang nagpasyang wakasan ang kanyang sariling buhay sa pamamagitan ng pagbigti sa sarili sa Malabon City.   Sa imbestigasyon ni PSSg Ernie Baroy at PCpl Archie Beniasan, alas-11:50 ng gabi nang madiskubre ng kanyang ina ang biktima na si Jobeth Vicente, 39, na nakabigti sa loob ng kanyang kuwarto sa […]

  • Alab sa ABL: 10th season ng liga, isuspinde na

    HINILING ni Alab Pilipinas team owner Charlie Dy sa pamunuan ng ASEAN Basketball League na suspindihin ang ongoing 10th season ng liga kasunod mg naging deklarasyon ng World Health Organization (WHO) na isa ng pandemic ang novel coronavirus (COVID-19).   Bukod sa Alab, humiling na rin ang mga koponan ng Hong Kong Eastern, Macau Black […]

  • PERSONAL na binisita ni Mayor John Rey Tiangco

    PERSONAL na binisita ni Mayor John Rey Tiangco para kamustahin ang pamamahagi ng Ayuda para sa Kapos ang Kita Program (AKAP) sa mga rehistradong Navoteño PWDs kung saan nakatanggap ang bawat isa sa kanila ng P3,000. Nagpasalamat naman si Tiangco kay President Bongbong Marcos at House Speaker Martin Romualdez dahil sa naturang programa. (Richard Mesa) […]