Kai Sotto maraming bubutataan sa NBA
- Published on July 3, 2020
- by @peoplesbalita
Lalong dumami ang humanga sa higanteng si Kai Sotto sa ipinakita nitong mataas na vertical leap na 11.5” o lundag na halos 12 feet.
Lalong pinataas ng 18-year-old Sotto ang kanyang kalidad bilang manlalaro matapos ibalandra sa social media ang ipinagmamalaking mataas na lundag.
Sa video na ipinost nito sa Instagram, makikitang bumwelo si Sotto bago lumundag ng may taas na 11′ 11.5″ o kalahating pulgada na mababa sa nakamamanghang 12 feet.
Ibig sabihin nito, kaya ni Sotto na butataan ang bola sa taas na 12 feet kung kinakailangan sakaling makabwelo.
Bukod sa ipinagmamalaking height, ang mahabang biyas ni Sotto ay napakaimportante sa pagdepensa ng kanyang pwesto. Ang NBA basket ay may taas na 10 feet.
Nakatakdang lumaro si Sotto sa bagong NBA G League squad sa susunod na season kasama si Filipino-American Jalen Green at iba pang prospects na naka-focus sa player development.
Ayon sa ulat, ang pagpirma ni Sotto sa G League ay patunay na handa na ito sa NBA at nasa tamang landas para maging kauna-unahang full-blooded Filipino sa NBA.