LTO suportado ang deklarasyon ng DA ng National Food Emergency dahil sa isyu ng supply ng bigas
- Published on February 7, 2025
- by Peoples Balita
BILANG suporta sa deklarasyon ng Department of Agriculture (DA) ng national food emergency dahil sa isyu ng suplay ng bigas, inatasan ni Land Transportation Office (LTO) Chief, Assistant Secretary Atty. Vigor D. Mendoza II ang lahat ng Regional Director at pinuno ng law enforcement units na magbigay ng tulong sa mga cargo truck na naghahatid ng suplay ng bigas sa buong bansa.
Ipinaliwanag ni Asec Mendoza na ang tulong mula sa LTO ay may layuning tiyakin ang maayos at walang hadlang na paghahatid ng suplay ng bigas bilang bahagi ng interbensyon ng pamahalaan, partikular na sa mga lungsod at bayan na maaaring makaranas ng kakulangan sa suplay o hindi pangkaraniwang pagtaas ng presyo ng bigas.
“Sa ilalim ng patnubay ng ating DOTr Secretary Jaime J. Bautista, maglalaan tayo ng ilang tauhan upang magsilbing escort sa mga cargo truck na naatasang maghatid ng bigas mula sa pinagmulan patungo sa destinasyon,” ani Asec Mendoza.
“Makikipag-ugnayan tayo sa Department of Agriculture at iba pang ahensya ng gobyerno kaugnay nito, at inaasahan natin ang ating mga LTO Regional Director na gawin din ito sa kani-kanilang nasasakupan,” dagdag niya.
Sa isang memorandum na nilagdaan ni DA Secretary Francisco Tiu Laurel, Jr., idineklara ang national food emergency sa bigas upang mas epektibong matugunan ng pamahalaan ang kakulangan sa suplay at ang hindi pangkaraniwang pagtaas ng presyo nito.
Sa parehong memo, inirekomenda ng National Price Coordinating Council—kung saan kabilang ang DOTr—ang deklarasyon ng national food emergency sa bigas. Ang LTO ay isang attached agency ng DOTr.
Dahil ang bigas ang pangunahing pagkain ng milyun-milyong Pilipino, binigyang-diin ni Asec Mendoza ang kahalagahan ng pagtutulungan at koordinasyon ng lahat ng kinauukulang ahensya ng gobyerno, kabilang ang LTO.
“Nakahanda tayong maglaan ng tauhan at mga kinakailangang kagamitan upang makatulong sa pagsasakatuparan ng deklarasyong ito, dahil ang pangunahing konsiderasyon dito ay ang kapakanan ng ating mga kababayan,” ani Asec Mendoza.
“Patuloy nating babantayan at susubaybayan ang mga update kaugnay nito upang makapagplano at maisagawa ang kinakailangang tulong na maibibigay ng LTO,” dagdag pa niya. (PAUL JOHN REYES)
-
85% ng COVID-19 patients sa ICU, ‘di bakunado – DOH
Mayorya o nasa 85 porsyento ng mga pasyenteng may COVID-19 na nasa intensive care units (ICU) ng mga ospital sa National Capital Region (NCR) ay hindi bakunado at nangangailangan ng mga ‘mechanical ventilators’. “Over the week, we have noted a steady increase in hospital admissions in Metro Manila. Data from DOH hospitals in […]
-
Sotto mabilis makaagapay sa sistema ng Gilas
Mabilis na nakaagapay si Kai Sotto sa sistema ng coaching staff na magandang indikasyon para sa Gilas Pilipinas sa kampanya nito sa FIBA Asia Cup Qualifiers. Mismong si Gilas Pilipinas assistant coach Jong Uichico na ang nagpatunay na mataas ang basketball knowledge ni Sotto. Sinabi pa ni Uichico na hindi ito […]
-
POKWANG, Kapuso artist na rin after lumipat sa Kapatid network; ano kaya ang magiging project?
ANO kaya ang programang ibibigay ng GMA 7 sa bagong Kapuso artist na si Pokwang? After lumipat sa Kapatid network ay official Kapuso artist na ang komedyana matapos na ito ay pumirma sa GMA 7. Siya ang latest sa mga dating Kapamilya talents na lumipat ng tahanan at tinanggap bilang mga […]