• March 22, 2025
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Medical mission sa Batangas, pinangunahan ni Fernando

LUNGSOD NG MALOLOS – Mahigit 200 delegado sa pangununa ni Gob. Daniel R. Fernando ang bumiyahe ng mahigit apat na oras upang marating ang Brgy. Talaibon, Ibaan, Batangas at nagsagawa ng medical mission na tinawag na “Tulong ng Bulacan Para sa Nasalanta ng Bulkang Taal Medical Mission” kahapon.

 

Sa pakikipagtulungan ng Damayang Filipino Movement, Inc., mahigit 1,000 mga Batangueño na mga evacuee mula sa Brgy. Alas-as at Brgy. Pulang Bato, San Nicolas, Batangas ang nakinabang sa medical mission halos dalawang buwan matapos sumabog ang Bulkang Taal.

 

Ayon kay Rowena J. Tiongson, pinuno ng Provincial Social Welfare and Development Office, may kabuuang 1,000 supot ng groceries at 110 kahon ng mga gamot at bitamina para sa mga matatanda at bata ang naipamahagi sa mga indibidwal na pumunta sa medical mission.

 

Sinabi naman ni Fernando na ang medical mission ay paraan ng lalawigan upang maibalik sa mga Batangueño ang kabutihang loob sapagkat hindi sila nag-atubiling tumulong sa Bulacan nang ito ay tamaan ng kalamidad.

 

“Noong nakaranas po ng matinding kalamidad ang Bulacan, nariyan po ang Batangas para magbigay ng tulong at suporta sa amin. Bilang pagtanaw ng utang na loob, sila naman po ang ating tulungan sa ikalawang pagkakataon at hindi kami magsasawang tulungan kayo,” ani Fernando.

 

Samantala, sinabi naman ni Batangas Provincial Health Officer II Rosvilinda Ozaeta na lubos ang kanilang kagalakan dahil sa mga ipinamahaging groceries at mga gamot lalo pa’t karamihan sa kanilang komunidad ay wala pa ring trabaho dahil sa pagsabog ng bulkan.

 

“Ito pong mga handog ninyo ang sinasabi nating mga basic needs ng mga kasamahan ko dito, lalo na po’t karamihan ay mga wala pang trabaho kaya lubos po kaming nagpapasalamat para dito” ani Ozaeta.

 

Gayundin, inihalintulad ni Batangas Governor Hermilando Mandanas ang pagkakaisa ng mga Pilipino sa mga sinag ng araw sa pambansang watawat.

 

“Ang simbolo ng mga sinag sa watawat, naroroon ang Batangas at Bulacan; at ngayong araw ipinakikita natin na tayo ay magkasama sa pagbibigay ng liwanag at init ng pagmamahal sa ating mga kababayan. Kaya’t kami po ay lubos na nagpapasalamat sa panahon na inyong inilaan para sa amin,” ani Hermilando.

 

Dagdag pa rito, ipinahayag ni Rosila Dawit, 64 taong gulang na evacuee mula sa Brgy. Alas-as, San Nicolas ang kanyang pasasalamat sa Pamahalaang Panlalawigan.

 

“Sobra po kaming natutuwa dahil dinayo niyo po kami dito kahit malayo. Karamihan po dito ay may mga ubo’t sipon. Dahil po sa inyo, matutugunan po ‘yung mga pangangailangan namin lalo sa mga gamot at vitamins,” ani Dawi.
Bukod sa medical mission, nagsagawa din ng libreng gupit ng buhok ang Damayang Filipino Movement Inc. (Bishop Jesus “Jemba” M. Basco)

Other News
  • Pangulong Duterte, nakiisa sa pagdiriwang ng mga Bulakenyo ng ika-123 Araw ng Kalayaan

    LUNGSOD NG MALOLOS– Nakiisa si Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa pagdiriwang ng ika-123 Taong Anibersaryo ng Araw ng Kalayaan ng Pilipinas sa Bulacan habang personal at postyumong iginawad ang Orden ng Lapu-Lapu, Ranggong Magalong kina Hen. Gregorio S. del Pilar at Marcelo H. del Pilar sa Harap ng Gusali ng Kapitolyo sa lungsod na ito […]

  • Mga menor-de-edad sa Navotas, bawal pa rin lumabas

    HINDI pa maaring gumala ang mga menor-de-edad sa Lungsod ng Navotas dahil tuloy ang 24-oras na curfew para sa kanila sa kabila ng pasya ng Inter- Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases na payagan na ang mga may edad 15-65 na umalis ng bahay.   “We want our children to stay […]

  • VEP, nais na mapabilang ang persons with comorbidities sa mabibigyan ng 2nd booster

    NAIS ng Vaccine Expert Panel (VEP) na makasama sa mabibigyan ng  2nd booster  ang mga persons with comorbidities.     Sa Laging Handa public briefing, sinabi ni VEP chairperson Nina Gloriani na ang taong mayroong dalawa o higit pang sakit ay  “similarly vulnerable” sa malalang sakit na  coronavirus disease 2019 (Covid-19).     “We agree, […]