• January 3, 2025
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

MGA BARANGAY TANOD SA TONDO, ISINAILALIM SA TRAINING AT SEMINAR

ISINAILALIM sa pagsasanay ang mga barangay tanod at iba pang opisyal ng barangay sa unang distrito ng Maynila sa Tondo upang maging bihasa at magkaroon ng kaalaman kaugnay sa kanilang tungkulin.

 

 

Ang nasabing pagsasanay ay inilunsad ng kapulisan sa pangunguna ni Manila Police District (MPD) Station 1 commander P/Lt. Col. Rosalino Ibay, Jr. na nilahukan ng may 2,500 tauhan ng barangay sa buong distrito na nagnanais na matuto ng kaalaman, hindi lamang sa wastong pagpapatupad ng batas, kundi maging sa mga programang may kaugnayan sa panahon ng panganib, kagipitan, kalamidad at iba pang uri ng sakuna.

 

 

Dahil maganda ang layunin, naglaan ng kaukulang pondo si 1st District Congressman Ernix Dionisio upang tustusan ang halos isang buwan na gagawing pagsasanay ng mga tauhan at opisyal ng barangay na sinimulan noong Marso 2.

 

 

Isinagawa ang karamihan sa mga pagtuturo at pagsasanay sa Patricia Sports Complex sa Gagalangin, Tondo kabilang ang paghubog sa kanilang kakayahan at kaalaman sa iba’t-ibang mga programa ng pamahalaan at mga law enforcement agency.

 

 

Tumulong at nagpadala naman ng kinatawan ang National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC) at ang National Intelligence Coordinating Agency (NICA) upang ibahagi sa mga tauhan ng barangay ang wastong pagtugon, pati na ang pag-angat sa kanilang kaalaman sa patuloy na paghahasik ng rebelyon ng mga komunistang grupo sa Pilipinas.

 

 

Malaki rin ang naibahagi ng Barangay Anti-Drug Abuse Council (BADAC) ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) na ituro sa mga tauhan ng barangay ang mga tamang pamamaraan para makatulong sa pagsugpo ng ilegal na droga sa kanilang lugar.

 

 

Hindi lamang iminulat sa kaalaman sa batas at mga umiiral na ordinansa ang mga barangay tanod kundi tinuruan din sila ng wastong pagtatanggol sa kanilang sarili sakaling malagay sa panganib ang kanilang buhay sa pagtupad sa tungkulin, pati na rin sa pagresponde sa mga kalamidad at iba pang uri ng sakuna.

 

 

Sa Marso 18, araw ng Sabado, idaraos naman ang Tanod Olympic Festival kung saan may nakalaang premyo sa bawa’t grupo ng barangay tanod na magwawagi na mula sa P10,000.00, P50,000.00 hanggang P100,000.00 premyo kung saan personal na dadaluhan ito nina Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan at Vice Mayor Yul Servo-Nieto. (BISHOP JESUS “JEMBA” M. BASCO)

Other News
  • Bumibili ng bakuna mananagot din – PNP

    Tahasang sinabi ni Philippine National Police (PNP) chief Gen. Guil­lermo Eleazar na hindi lamang ang mga nagbebenta ng hindi awtorisadong CoViD-19 vaccine ang kanilang huhulihin kundi papanagutin din ang mga mismong tumatangkilik o bumibili nito.     Ayon kay Eleazar, hindi dapat na pagkakitaan ang bakuna sa panahon ng pandemya. Aniya, mga taong may halang […]

  • Security cooperation kasama ang Estados Unidos, saklaw ng economic tie up

    KAPWA pino-proseso na ng Pilipinas at Estados Unidos ang pagsusuri sa kung paano pa nila mapapabuti ang kakayahan at  pagtutulungan saklaw ang  military, politikal at ekonomiya.     Tinanong kasi ang Pngulo ukol sa bagong commitment ng Estdos Unidos sa pagtulong na matamo ang kapayapaan sa West Philippine Sea matapos bisitahin ang  United States Indo-Pacific […]

  • WANTED SA PANANAKIT SA KA-LIVE-IN NA BUNTIS, ARESTADO SA MALABON

    ISANG lalaking wanted dahil sa pananakit sa kanyang walong buwan buntis na live-in partner ang arestado ng mga tauhan ng Warrant and Subpoena Section (WSS) sa Malabon City, kamakalawa ng gabi.     Ayon kay Malabon police chief P/Col. Albert Barot, si Rickman Serafin, 30 ng Blk 14G, Lot 14, Teacher’s Village, Brgy. Longos ay […]