Pagbabalik ng limited face-to-face, hindi sapilitan- CHeD
- Published on February 5, 2021
- by @peoplesbalita
HINDI magiging sapilitan at magiging boluntaryo lamang ang mga gustong pumasok na mga mag-aaral sa pagbabalik ng limited face-to-face classes para sa medical and allied courses.
Nilinaw ni Commission on Higher Education Chairman Prospero De Vera na walang sapilitan sa bagay na ito.
Kahit aniya inaprubahan ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang resumption ng limited face-to-face classes para sa medical and allied courses ay hindi pipilitin ang mga mag-aaral na ayaw mag-face-to-face at kailangan silang bigyan ng alternatibo ng kanilang mga pamantasan o unibersidad.
Sadya lamang aniyang may mga subjects kasi na kailangan talaga ang mga estudyante ay maka-interact lalo na sa mga pasyente kaya’t isinulong ang pagpapatupad nito.
Subalit, tanging sa mga pamantasan o unibersidad na nasa ilalim ng MGCQ at GCQ ang saklaw ng kautusan at magiging limitado lamang ito para sa mga estudyanteng may edad 20 taong gulang pataas.
Aniya, kinakailangan ding mag-apply ang isang eskwelahan na nais magpatupad ng limited face-to-face classes para sa medical and allied courses sa kanilang CHED offices at ito ay idadaan sa ebalwasyon para mabatid kung pasado sa pamantayan ng Inter-Agency Task Force (IATF). (Daris Jose)