• July 13, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for February 5th, 2021

Panukalang Mandatory Immunization Program, pasado sa ikalawang pagbasa

Posted on: February 5th, 2021 by @peoplesbalita No Comments

Inaprubahan sa ikalawang pagbasa ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang House Bill 8558 o ang “Mandatory Immunization Program Act,” na pangunahing iniakda nina Deputy Speaker Strike Revilla at Committee on Health Chairperson Rep. Angelina Tan.

 

 

Layon ng panukala na ipawalang bisa ang Republic Act 10152 o ang “Mandatory Infants and Children Health Immunization Act of 2011.

 

 

Sa ilalim ng panukala, ang sapilitang pagbabakuna ay isasama na ang mga bakuna na pipigil sa mga sakit para sa: 1) Tuberculosis, 2) Diphteria, 2) Tetanus and Pertussis, 3) Poliomyelitis, 4) Measles, 5) Mumps, 6) Rubella or German Measles, 7) Hepatitis-B, 8) H. Influenza Type B, (HIB), 9) Rotavirus, 10) Japanese Encephalitis, 11) Pneumococcal Conjugate Vaccine (PCV), 12) Human Papilloma Virus, 13) Booster for Measles, Rubella, Tetanus, Dipthteria, (MRTD) at iba pa base sa Kalihim ng Kalusugan.

 

 

Nakasaad din sa panukala na imamandato sa Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) na isama ang mandatory immunization services sa kanilang benefit package, subalit sasailalim sa pagsusuri na naaayon sa Republic Act 11223 o “Universal Health Care Act.”

 

 

Samantala, inaprubahan din ng kamara sa huling pagbasa ang House Bill 8243, na naglalayong isulong at protektahan ang karapatan sa pantay-pantay at walang diskriminasyon batay sa lahi, ninuno at relihiyon.

 

 

Ang panukala ay pangunahing iniakda ni Magdalo Party-list Rep. Manuel Cabochan III, at ipinaliwanang na ang kahulugan ng diskriminasyon ay “anumang pagtatangi, pagbubukod, restriksyon o pagtatangi na ginawa batay sa kulay ng lahi, ninuno, pinanggalingan ng lahi, relihiyon o pagkakaugnay sa relihiyon o paniniwalang banal na may epekto o layunin na ipagkait ang pagkilala, pagtamasa o pagganap ng pantay na mga karapatang pantao at pangunahing kalayaan sa politika, ekonomiya, lipunan, kultura, pagiging mamamayan o anumang antas ng buhay publiko ng isang tao.”

 

 

Kapag ang panukala ay naisabatas, ang sinumang mapapatunayang lumabag sa mga probisyon nito ay mapaparusahan ng pagkabilanggo mula 30 araw hanggang 6 na buwan o magmumulta mula P10,000 hanggang P100,000, o pareho, depende sa hatol ng hukuman.

 

 

Samantala, sa kanyang paliwanag sa HB 55, isa sa mga batas na na-substitute ng HB 8243, sinabi ni Cabochan na ang mga “asal at mga kagagawan ng diskriminasyon laban sa isang tao ay hindi naiwawasto ng lehislasyon lamang, kahit pa maparusahan ang isang lumabag. Subalit ang kaparusahang ipinataw at ibinahagi ng Kongreso, ay bahagi ng kabuuang pagtugon upang masugpo ang diskriminasyon.”

 

 

Ang ilan pang mga panukala na pasado na sa huling pagbasa ay ang HB 6876, na nagmamandato ng pagtatatag ng fisherfolk resettlement areas; HB 8261, o ang “PNP, BFP, BJMP and BuCor Height Equality Act”; HB 8268, na nagtataas ng parusa sa kasong perjury; at HB 8385 o ang “Integrated Urban Agriculture Act of 2020.” (ARA ROMERO)

BEA, halatang-halata naman na si DOMINIC ang karelasyon kahit ‘di umamin

Posted on: February 5th, 2021 by @peoplesbalita No Comments

KAHIT na hindi umamin nina Bea Alonzo at Dominic Roque, halatang-halata naman na si Dominic talaga ang karelasyon ni Bea.

 

 

At palagay namin, may isang taon o mahigit na rin sila. Simula pa ito nang mapansin din naming sa kanilang mga social media post.

 

 

Matagal nang nali-link ang dalawa. Ilang sightings na rin sa kanila. Meron pa ngang event sa pamilya ni Dominic na hinihinala ng fan na kasama talaga sa picture si Bea, pero nang i-post ng side ni Dominic, hindi isinama si Bea.

 

 

Maingat na rin silang dalawa na siguro maging pribado lang kung ano man ang meron sa relasyon nila. Yun nga lang, nagpo-post si Bea na siya lang. Nagpu-post din si Dominic na siya lang.

 

 

Kaso, katulad ngayon na obvious naman na pareho silang nasa Amanpulo, mereseng solo lagi ang mga posting nila, halata naman sa background at location, pati na sa time element na nasa isang lugar silang dalawa.

 

 

Kung magiging open man sina Bea at Dominic, wala namang masama dahil pareho naman silang single. Hindi rin naman siguro nila kailangang i-please yung mga ilang hindi pabor. Mababasa rin kasi sa mga comments na parang minamaliit si Dominic kumpara kay Bea.

 

 

Nandiyang may mga comments pa nga na kesyo si Bea raw siguro ang nagbayad ng trip nila. Meron pang nagsabi na ang liit ni Dominic for Bea physically na hindi raw bagay ang dalawa at kung ano-ano pa.

 

 

Pero, may mga nagtatanggol din kay Dominic at sinasabing hindi man daw ito kasing-yaman at sikat ni Bea, ilang beses na raw itong nakapag-Europe at racer rin. Puwedeng outside showbiz, mas don daw siguro ang source of income ng actor.

 

 

***

 

 

UNA at huli raw ng Kapuso artist na si Lindsay de Vera na magsasalita.

 

 

Siya ang naiintrigang buntis.

 

 

Nangyari ito sa ‘Chika Minute’ sa interview ni Lhar Santiago at buong ningning niyang itinanggi na siya ay nagdadalang-tao at ang iniintriga ngang ama ay kesyo ang Kapuso Primetime King na si Dingdong Dantes.

 

 

Pinaliwanag pa nito ang timeline na nagkasama sila ni Dingdong which was Alyas Robinhood and after that, gumawa pa raw siya ng ibang soap. Sana raw, kung nabuntis siya, noon at nakita talaga ng mga tao.

 

Tahasan niyang sinabi na walang ano mang namamagitan o namagitan sa sa kanila ni Dingdong na ang tawag niya ay Kuya Dong. Ipinaliwanag din nito na ang dahilan ng absence niya sa showbiz ay pinili raw niyang i-prioritize muna ang pag-aaral niya.

 

 

Matapang din nitong sinabi na nakikipag-usap na siya sa lawyer niya at plano niyang dalhin sa korte ang nagkakalat daw ng isyu na buntis siya.

 

 

Yun nga lang, marami pa rin talaga ang hindi nakakakilala rito at sa halip na tungkol sa isyu, sangkaterbang “Da Who” ang comment na nababasa namin bukod pa sa mas naging kapansin-pansin sa mga netizens ang pagsusuot nito ng mask sa maling paraan. (ROSE GARCIA)

Eala 248 ang iniangat sa world rankings ng WTA

Posted on: February 5th, 2021 by @peoplesbalita No Comments

SUMAMPA ng may 248 baitang ang January world rankings sa Women’s Tennis Association (WTA) ni Alexandra ‘Alex’ Eala kung saan swak na sa top 1,000 professional  players.

 

 

Nasa 942nd na sa ang 15 taong-gulang na Pinay tennis sensation, Globe Ambassadres,  Rafael Nadal Academy scholar sa listahang lumabas nitong Lunes.

 

 

Kakakampeon lang ng tubong Quezon City sa first leg ng International Tennis Federation (ITF) World Tour W15 Manacor tournament para sa una niyang pro career title, habang umabot sa quarterfinals ang ITF world junior girls No. 3.

 

 

“It’s a long journey ahead and I will need to keep on working hard!” sa Facebook page ng tinedyer nitong Martes na papalo sa third leg ng ITF W15 Manacor tournament simula sa Miyerkoles sa Spain pa rin. (REC)

‘Walang ‘foreign’ DNA sa isinagawang vaginal swab test sa bangkay ni Dacera

Posted on: February 5th, 2021 by @peoplesbalita No Comments

Muling iginiit ng isa sa 11 abogado ng mga respondent sa pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera sa isang hotel sa Makati City na walang nangyaring rape sa insidente.

 

 

Ayon kay Atty. Emmanuel Ramos, ang counsel ng respondent na si John Paul Halili sa Dacera slay case, base raw sa dalawang medico legal, lumalabas na natural death ang sanhi ng pagkamatay ng biktima dahil sa aortic aneurysm.

 

 

Dagdag ni Ramos, base raw sa isinagawang DNA examination sa vaginal swa test na isinagawa ng mga eksperto, wala umanong foreign DNA na nakita sa ari ng 23-anyos na flight attendant na tubong General Santos City, ibig sabihin hindi ginahasa at walang nakatalik ang biktima bago ito namatay.

 

 

Dagdag ng abogado, ang medico legal na isinumite ng PNP sa isinagawang ikatlong preliminary investigation sa Dacera slay case ang magpapatunay kung ano talaga ang ikinamatay ng dalaga.

 

 

Pero iginiit nitong ang selebrasyon lamang ng mga magkakaibigan ang naging sanhi ng pagkamatay ni Christine at walang nangyaring foul play na iginigiit pa rin ng pamilya Dacera.

 

 

Dagdag niya, nasira rin umano ang buhay ng ilang respondent dahil sa insidente dahil mayroon sa kanila ang nawalan ng trabaho at masaklap pa ay may itinakwil ng pamilya.

 

 

Kanina nga ay muling ipinagpatuloy ng Makati court ang  preliminary investigation sa pagkamatay ng flight attendant at lahat ng mga respodents ay nakapagsumite na kanilang kontra salaysay at memorandum.

 

 

Sa susunod na pagdinig na itinakda sa Pebrero 11, magsusumite rin ng reply ang mga respondents.

 

 

Samantala, patuloy pa rin umanong nagsasagawa ng DNA test ang National Bureau of Investigation (NBI) sa katawan ni Dacera kaugnay naman ng isinasagawa nilang hiwalay na imbestigasyon.

 

 

Ayon kay Department of Justice (DoJ) Sec. Menardo Guevarra, hindi raw minamadali ng NBI ang kanilang report sa pagkamatay ng flight attendant.

 

 

Pero tiwala naman ang kalihim na makakapagsumite ng report ang NBI kapag natapos na nila ang kanilang imbestigasyon.

 

 

Tiniyak ni Guevarra na agad niyang ipapasa sa Makati Prosecutor’s Office ang report ng NBI kapag nakatanggap na niya ito.

 

 

Sa pakikipag-ugnayan daw ng DoJ sa NBI, sinabi ni Guevarra na iniulat sa kanyan ni NBI Deputy Director Ferdinand Lavin na nagsasagawa pa ang mga ito ng iba pang DNA test at malalimang imbestigasyon.

 

 

Una nang sinabi ng pamilya Dacera na mas bibigyan nila ng bigat ang findings ng NBI kaysa sa unang lumabas na autopsy report.

Mga fans, netizen hati ang kuro-kuro sa pag-swap kay Christian Jaymar

Posted on: February 5th, 2021 by @peoplesbalita No Comments

NAGING hati ang opinyon ng mga panatiko at netizen ang inaapruhang trade kay CJ Perez na buhat sa San Miguel Beer patungong Terrafirma nitong Pebrero 2.

 

 

Masaya ang ilang tagasunod sa pagkakabingwit ng Beermen sa 2019 first round, top pick overall, 2019 Rookie of the Year at two-time scoring leader para sa kanilang koponan.

 

 

“A trade like that happens only when the other team wants to win while the other dont.  Don’t be too hard on SMB.. blame it on Terrafirma,” komento ng isang netizen sa Facebook Miyerkoles.

 

 

Dagdag ng isa sa Twitter, “Welcome to San Miguel, CJ Perez! This team is lock and loaded from top to bottom with two MVP caliber players leading the charge. Now that everyone is coming back healthy, it is time to reclaim the Philippine Cup title along with JMF and the gang.”

 

 

Pero may ilan din ang mga umaangal  at nagpahayag ng kanilang mga saloobin sa social media rin.

 

 

“Hindi n tama ito, kung lahat ng potential player kukuhanin nila paano magkakaroon ng balanseng team sa PBA,” wika ng fan.

 

 

Panapos na hirit ng isa ring netizen: “Pano kayo mag-cha-champion sa PBA niyan kung pinamimigay ninyo lang star player ninyo!” (REC)

Paglipat sa SMB ni Perez 6 katao kapalit – aprub

Posted on: February 5th, 2021 by @peoplesbalita No Comments

INAPRUBAHAN na nitong Martes ni Philippine Basketball Association Commissioner Wilfrido Marcial ang trade ng San Miguel Beer at Terrafirma ilang paghahanda ng dalawang koponan sa 46th PBA 2021 Philippine Cup sa darating na Abril 9.

 

 

Opisyal ng kasaping Beermen si Christian Jaymar Perez, top pick ng Dyip noong 2018, naging 2019 Rookie of the Year at two-time scoring champion.

 

 

Kinalkal ng lima-katao na trade committee ang dokumento, nagkaroon ng pagbabago bago ipinasa sa mesa ni Marcial para lagdaan.

 

 

“PBA approves CJ Perez trade from Terrafirma to SMB for 3 players, 2 first round picks,” kumpirmasyon ng professional hoop league.

 

 

Naging kapalitan ng 27-anyos, 6-2 ang taas na guard/forward para sa behikulo sina Matthew Allen Ganuelas-Rosser, Russell Escoto at Joshua Angelo Alolino at dalawang first-round picks – No. 8 ngayong 2021 at isa pa sa 2022 ng serbesa.

 

 

Idinahilan ng sasakyan na ang 36th PBA Draft 2021 sa Marso 14 ang mainam na gagamitin nila upang makakuha pa ng kailangang pieya bukod pa sa first round, top pick overall na pribilehiyo sa ikatlong sunod na taon .

 

 

Unang hugot ng Dyip si Roosevelt Adams noong 2019. Walang draft nitong 2020 dahil sa pandemya. (REC)

Pacquiao kontra Garcia konting kendeng na lang

Posted on: February 5th, 2021 by @peoplesbalita No Comments

LUMALAKAS ang alingawngaw para sa napipintong banatan nina eight-division world men’s professional boxing champion Emmanuel Pacquiao at World Boxing Council (WBC) interim lightweight champion Ryan Garcia ng Estados Unidos sa taong ito.

 

 

Mismong ang ama na si Henry Garcia ang atat na sagupain ng 22 taong-gulang, 5-10 ang taas at tubong California niyang anak na si Ryan ang 44-anyos, 5-6 at mula sa Kibawe, Bukidnon na Pambansang Kamao sa lalong madaling panahon.

 

 

“It’s not bizarre, it’s just two people who want to fight each other,” giit nang nakatatandang Garcia nito lang isang araw. “Ryan’s fighting a legend and Pacquiao’s fighting a rising star, so it’s not awkward at all.”

 

 

Dahil sa binawi na ang world super featherweight title ng World Boxing Association (WBA) ng Pinoy ring icon nitong Enero 27, napagkasunduan sa inisyal na usapan na itakda lang sa 10-round ang buntalan ng dalawang boksingero.

 

 

Pero kung kagatin man ng kampo ng boksingerong senador ang non-title fight, kinukunsidera rin na maging exhibition bout na lang sa kagustuhan na rin ng kanilang manok.

 

 

Huling lumaban si Pacquiao nang gapiin via split decision ang Amerikano ring si Keith Thurman noong Hulyo 2019 sa Las Vegas, Nevada. (REC)

ISANG MILYONG PISO, NATANGAY SA ISANG JEWELRY SHOP SA MAYNILA

Posted on: February 5th, 2021 by @peoplesbalita No Comments

TINATAYANG   isang milyong piso ang natangay sa isang kabubukas lamang  na jewelry shop ng hinihinalang tatlong suspek Miyerkules ng umaga sa Sta. Cruz, Maynila.

 

Ayon sa may-ari ng Dulo’s jewelry  na si Dulo Cai ,  isang Filipino-Chinese na kabubukas lamang niya ng kanilang store  na matatagpuan sa Recto Avenue  sa pagitan  Torres St at ng Rizal Avenue nang pumasok ang  isang lalaki.

 

Sa kuha ng CCTV footage ng jewelry store, may dalawa pang lalaki na posible umanong  kasabwat  at nagsilbing look out at sumenyas nang nalaman na nag-iisa lamang ang biktima.

 

Ayon pa kay Cai, tinutukan siya ng baril ng suspek kaya hindi na ito nakapalag pa .

 

Kasunod nito, tinangay ang bag nito na naglalaman ng kalahating milyong piso bukod pa sa mga gintong alahas na nagkakahalaga rin ng kalahating milyon.

 

Sinubukan naman ng mga tambay sa jewelry store at guwardiya ng katabing hotel na sumaklolo sa biktima ngunit maging sila ay tinutukan ng baril.  (GENE ADSUARA)

Navotas ammonia leak, 2 na ang patay – CDRRMO

Posted on: February 5th, 2021 by @peoplesbalita No Comments

Nadagdagan pa ang bilang ng nasawi dahil sa ammonia leak na naitala sa TP Marcelo ice plant and cold storage sa Navotas City.

 

 

Mula sa isang namatay kagabi, dalawa na umano ngayon ang binawian ng buhay dahil sa naturang pangyayari.

 

 

Ang unang namatay ay nakilalang si Gilbert Tiangco, habang ang isa pa ay hindi muna inilabas ang pangalan, habang ipinapabatid pa sa kaniyang mga kaanak ang sinapit ng biktima.

 

 

Samantala, kinumpirma naman ni Vonne Villanueva ng Navotas City Disaster Risk Reduction and Management Office (CDRRMO) na nakalabas na sa ospital ang mahigit 60 naapektuhan ng nalanghap na kemikal.

 

 

Paliwanag ni Villanueva, bumuti na ang kondisyon ng mga biktima kaya pinayagan na silang magpahinga sa kani-kanilang bahay.

 

 

Pero ang nasa 20 iba pa ay kailangan munang manatili sa pagamutan para sa karagdagang obserbasyon.

Bulacan, pinasinayaan ang unang PESO Building sa Central Luzon

Posted on: February 5th, 2021 by @peoplesbalita No Comments

Pinasinayaan ng Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamumuno nina Gobernador Daniel R. Fernando at Bise Gobernador Wilhelmino M. Sy-Alvarado ang unang stand-alone PESO Building sa Central Luzon kasabay ang paggunita sa ika-94 Anibersaryo ng Kapanganakan ni Gat Blas F. Ople na ginanap sa harap ng Provincial Livelihood Center (Gat Blas Ople Building), Antonio S. Bautista, Provincial Capitol Compound dito kaninang umaga.

 

 

May temang “Gat Blas F. Ople: Huwaran ng Kabataan, Ama ng Kabuhayan at Kaalaman”, binuhay ng mga Bulakenyo ang dakilang buhay ng ‘Ama ng Overseas Employment’ sa isinagawang unang bahagi ng programa.

 

 

Inalala rin ni Fernando ang mga ginawa ni ‘Ka Blas’ sa kanyang panahon at kung paano niya inialay ang kanyang buhay sa serbisyo.

 

 

“Binago niya po ang kahulugan ng pagiging pulitiko at lingkod bayan. Siya ay hindi kailan man naging gahaman sa kapangyarihan at siya ang naglingkod ng tahimik at buong kababaang loob hanggang sa huling sandali ng kanyang buhay,” anang gobernador.

 

 

Sinundan ito ng seremonya ng opisyal na pagpuputol ng laso ng tatlong palapag na PESO building na may training rooms at lecture at conference rooms na nagkakahalagang P20 milyon na magbibigay ng iba’t ibang kasanayan, kabuhayan at trabaho sa mga Bulakenyo.

 

 

Sa kanyang mensahe bilang panauhing pandangal, pinuri ni Department of Labor and Employment Sec. Silvestre H. Bello III ang PESO Bulacan para sa kanilang pagnanais na palawigin ang kanilang serbisyo at hinamon sila na magkaroon pa ng mas mahusay na oportunidad para sa mga Bulakenyo.

 

 

“Labis kong ikinagagalak na hanggang sa kasalukuyang panahon ay hindi pa rin natitinag ang inyong kagustuhan na palawigin ang kalidad ng inyong pagsisilbi sa publiko. I challenge the Provincial PESO to push forward with the full institutionalization of the demeaning LGU-based public employment service offices in your province as we ascend in the new and better normal and journey towards bridging quality employment opportunities for all,” ani Bello.

 

 

Sinabi rin ng gobernador na mahalaga ang araw na ito para sa pagkakamit ng bagong tagumpay para sa lalawigan.

 

 

“Isa rin itong mahalagang araw para sa pagpapasinaya ng ating bagong PESO Building dito sa ating lalawigan. Makahulugan po ang araw na ito dahil ito ay katuparan ng isa sa mga hangarin ng ating Pamahalaang Panlalawigan tungo sa pagpapaunlad ng kabuhayan ng mga Bulakenyo,” ani Fernando.

 

 

Si Ople ay isang kampeon ng International Labor, tagabuo ng 1987 Konstitusyon ng Pilipinas, pangulo ng senado mula 1999 hanggang 2000 at kalihim ng Ugnayang Panlabas mula 2002 hanggang sa kanyang pagkamatay. (Bishop Jesus “Jemba” M. Basco)