• June 22, 2025

  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Pakiusap ng malakanyang sa publiko, hintayin ang guidelines sa pagbabalik ng provincial buses na point-to-point routes

NAKIUSAP ang Malakanyang sa publiko na hintayin na lang muna ang guidelines na ilalabas ng Department of Transportation (DOTr)  at  Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ukol sa pagbabalik ng provincial buses na  point-to-point routes bago pa mag-isip na bumiyahe.

 

“Hintayin lang po natin ang guidelines na ilalabas ng DOTr (Department of Transportation) at LTFRB ukol dito,”ayon kay  Presidential Spokesperson Harry Roque.

 

Nauna rito, inaprubahan nina Pangulong Rodrigo Roa Duterte at ng kanyang gabinete ang pagbabalik ng  provincial buses na  point-to-point routes.

 

Layon kasi ng pamahalaan na mas palawakin pa ang muling pagbubukas ng ekonomiya  matapos na manamlay dahil sa   COVID-19 pandemic.

 

Nagpulong kasi sina Pangulong Duterte at ang mga miyembro ng gabinete, araw ng Lunes kung saan napagkayarian na payagan na ang  “provincial buses in point-to-point routes na inaprubahan ng LTFRB at  local government unit ng destinasyon kabilang na ang  stop-over/transit terminals,” na magbalik operasyon, ayon sa inter-agency task force against COVID-19.

 

“Point-to-point provincial buses shall be allowed unhampered passage through the different LGUs en route to the LGU of destination,” ang nakasaad sa kalatas ng  task force.

 

Matatandaang, sinuspinde ng mga awtoridad noong Marso  ang lahat ng mode ng public transport.

 

Kamakailan ay pinaluwag naman ng mga miyembro ng gabinete ang   transport restrictions, bilang paghahanda sa pagbubukas  ng ekonomiya matapos ang ilang buwan na naka-lockdown ang iba’t ibang lugar sa bansa dahil sa pandemiya. (Daris Jose)