PBBM, nakipagpulong sa ICT executives
- Published on October 17, 2022
- by @peoplesbalita
NAKIPAGPULONG si Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa mga opisyal ng fiber broadband provider Converge ICT Solutions, Inc. at South Korea’s largest telecommunications firm, KT Corp., araw ng Biyernes sa Malakanyang.
Ibinahagi ni Pangulong Marcos sa kanyang official Facebook page ang larawan ng nasabing pakikipagpulong kina Converge ICT chief executive officer Dennis Anthony Uy at KT officials Hyeon-Mo Ku at Kyoung-Lim.
Hindi naman idinetalye ng Pangulo ang naging agenda ng miting.
Sa kabilang dako, maging ang Office of the Press Secretary (OPS) ay nagbahagi rin sa Facebook ng ilang larawan ng pakikipagpulong ng Pangulo sa information and communications technology (ICT) leaders.
Ayon sa OPS, nakipagpulong din ang KT sa ibang gobyerno kaugnay sa kanilang investment plans.
“Ang KT Corp na naitatag noong 1981 ay isa sa mga pinakamalalaking telecommunications at digital platform service provider sa Korea na nakikipagtulungan sa gobyerno ng iba’t ibang bansa para sa pagtayo ng mga imprastrakturang pang-impormasyon at komunikasyon,” ayon sa OPS.
Ang pakikipagpulong ni Pangulong Marcos sa mga opisyal ng Converge at KT ay matapos niyang lagdaan araw ng Lunes ang Republic Act (RA) 11934 o ang SIM Card Registration Act na naglalayong labanan ang spam messages at text scams at naglalayong pigilan ang mga kriminal at manloloko sa paggamit ng mga cellular phone upang biktimahin ang mga Pilipino.
“Asahan po ninyo na ang inyong mga personal na impormasyon ay ligtas at mananatiling pribado sa oras na simulan natin ang pagrerehistro ng mga SIM card,” anito.
Nauna nang sinabi ni Pangulong Marcos na sa paglagda sa SIM Card Registration Act, magbibigay ito ng mabisang paraan ng pagre-regulate sa pag-iisyu ng subscriber identity module (SIM) cards upang pigilan ang pagkalat ng spam text messages at scam, na matagal nang na-overdue.
Binanggit ng Punong Ehekutibo na sa paglaganap ng mga ulat ng iba’t ibang krimen gamit ang mga mobile phone at pagkalat ng text scam at spam, malugod na tatanggapin ng publiko ang bagong batas.
Pinuri rin niya ang mga miyembro ng Mababang Kapulungan ng Kongreso at Senado sa pagbuo ng napapanahon at komprehensibong batas, na siyang unang panukalang pambatas na matagumpay na nakapasa sa pag-apruba ng bicameral panel ng parehong kapulungan sa 19th Congress.
Samantala, ang batas ay nag-uutos ng pagpaparehistro ng lahat ng mga SIM card, na nangangailangan ng bawat pampublikong telecommunication entity o direktang nagbebenta na magpanatili ng isang SIM Card Register ng lahat ng kanilang mga subscriber, na naglalaman ng lahat ng impormasyong kinakailangan sa ilalim ng batas.
Kinakailangan din nilang hilingin sa mga end user ng mga SIM card na magpakita ng wastong dokumento ng pagkakakilanlan upang ma-validate ang kanilang mga pagkakakilanlan. (Daris Jose)
-
Tiyak na nagdiwang ang kanilang mga fans: JULIE ANNE, nag-‘i love you too’ na kay RAYVER sa kanilang concert
TIYAK na nagdiwang ang mga fans nina Asia’s Limitless Star Julie Anne San Jose at Kapuso Hunk Rayver Cruz sa kaganapan sa concert nilang “JulieVerse” last Saturday, November 26, 2022 sa Newport Performing Arts Theater. Post ng Sparkle GMA Artist Center ang pagsagot ni Julie Anne ng “I love you, too” kay Rayver: […]
-
Pacquiao kumasa sa hamon ni Pres. Duterte
Kumasa na si Senator Manny Pacquiao sa hamon ni Pangulong Rodrigo Duterte na ituro sa kanya ang opisina ng gobyerno na sangkot sa kurapsyon. Sinabi ng senador na mismo ang pangulo ang nagsabi noong Oktubre 27, 2020 na lalong lumala ang kurapsyon kaya gugugulin niya ang natitirang taon sa panunungkulan para labanan ang […]
-
‘Paggamit ng laway para sa COVID-19 test, pinag-aaralan na ng DOH’
Kinumpirma ni Department of Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na pinag-aaralan na ng DOH ang paggamit ng saliva o laway upang malaman kung carrier ng coronavirus ang isang indibidwal. Ayon kay Vergeire, binubusisi pang mabuti ng ahensya kung magiging feasible ang ganitong test sa Pilipinas kaysa sa nakagawiang pagkuha ng nasal at blood samples. […]