• July 1, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PBBM, pinangunahan ang pag-inspeksyon sa P13.3-B halaga ng shabu na nasamsam sa Batangas

PINANGUNAHAN ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang pag-inspeksyon sa mahigit na dalawang tonelada ng shabu na nagkakahalaga ng P13.3 billion sa Batangas.

 

 

Ang nakumpiskang illegal na droga ay itinuturing na “biggest drug haul in Philippine history.”

 

 

Sa isang panayam, matapos ang pag-inspeksyon, sinabi ng Pangulo na nagawa ng mga arresting agents na mahuli ang isa sa mga suspek na hindi gumamit ng anumang karahasan.

 

 

Nagawa ng mga pulis na dakpin ang suspek na nagmamaneho ng van sa isang road checkpoint sa Alitagtag, Batangas, araw ng Lunes.

 

 

“This is the biggest shipment of shabu na nahuli natin. But not one person died. Walang namatay, walang nagputukan, walang nasaktan. Basta’t in-operate natin na dahan-dahan,” ang sinabi ni Pangulong Marcos.

 

 

“‘Yun naman dapat ang approach. Para sa akin, ‘yun naman dapat ang approach para sa drug war na ang pinaka-importante is matigil natin ang pag-ship ng mga drugs dito sa pag-pasok dito sa Pilipinas,” dagdag na wika nito.

 

 

Sa ngayon, sinusubaybayan ng mga awtoridad ang ‘source’ ng ilegal na droga, itinuturo na hindi ito ‘locally manufactured.’

 

 

Sa kabilang dako, inirekumenda naman ng Department of Interior and Local Government (DILG) ang “spot promotion” ni Alitagtag Municipal Police Station Chief P/Captain Luis de Luna Jr. na ‘one rank higher’ kasunod ng matagumpay na illegal drug operation.

 

 

Para kay De Luna, nagsasagawa sila ng regular checkpoint sa Barangay Pinagkrusan nang i-flagged down nila ang kahina-hinalang passenger van, nagresulta ng pagkakasamsam sa illegal na droga.

 

 

“Mayroon po kaming regular checkpoint na isinasagawa dito sa Bayan ng Alitagtag, as part of the intensified crime prevention. So, part of it, pina-flag down po namin ang mga sasakyan,” ang sinabi ni De Luna sa mga mamamahayag.

 

 

“Kung mayroong suspicious, sina-subject po namin for inspection po. Kagaya po ng nangyari dito sa pangyayaring ito, ‘yun po ang naging resulta, nasabat po namin ang ganitong kalaking halaga po ng shabu po,” dagdag na pahayag nito.

 

 

Nauna rito, inaresto ng mga awtoridad ang isang driver ng van matapos mahulihan ng bultong-bultong shabu na tinatayang nasa P13.3 bilyon sa isang checkpoint operation sa Alitagtag, Batangas.

 

 

Sa ulat na ipinadala ni Batangas Police Provincial Director Police Colonel Samson Belmonte kay PRO Calabarzon Regional Director P/BGen. Paul Keneth Tuhay Lucas, nabatid na habang ang operating teams ng Alitagtag MPS ay nagsasagawa ng anti-criminality checkpoint operation sa Barangay Pinagkrusan, ay dumaan ang isang kulay silver na Foton passenger van na may plakang CBM5060.

 

 

Nang usisain ng mga ang kinakailangan na dokumento, napansin ng mga awtoridad na balisa at hindi mapakali ang driver ng nasabing van.

 

 

Dahil dito, agad na inusisa at tiningnan ng mga pulis ang laman ng likod ng sasakyan at boluntaryong tinanggal ng driver na suspek ang kulay asul na toldang  nakatakip sa mga nakalagay sa sasakyan.

 

 

Laking gulat ng mga awtoridad nang bumulaga sa kanila ang bulto-bultong hinihinalang shabu na nag-resulta sa pag-aresto sa suspek.

 

 

Kinilala ni P/BGen Lucas, ang arestadong suspek na si Alajon Michael Zarate, 47, residente ng Project 4, Masagana, Quezon City.

 

 

Pinapurihan naman nina DILG Secretary Benhur Abalos at PNP Chief Rommel Francisco Marbil ang mga tauhan ng Alitagtag Municipal Police Station sa pangunguna ni Officer in Charge (OIC) Police Captain Luis Q. De Luna dahil sa malaking accomplishment ng PNP sa kampanya laban sa iligal na droga. (Daris Jose)

Other News
  • Agent nagwala, arestado

    SA kulungan ang bagsak ng isang insurance agent matapos insultuhin at pagsabihan ng hindi magandang salita ang isang massage therapist na tumanggi sa pera na kanyang inaalok kapalit ng extra service sa loob ng isang massage clinic sa Valenzuela city.   Sa ulat, alas-12 ng hating gabi, nagtungo si Joshua Pangilinan, 21 ng Block 33 […]

  • Bong Go: Sakit sa puso ‘top killer’ sa Pinas kaya mahalaga ang RSC, SHC

    BINIGYANG DIIN ni Se­nator Christopher “Bong” Go ang mahalagang papel ng Republic Act No. 11959, kilala rin bilang “Regional Specialty Cen­ters Act”, bilang tugon sa nakababahalang istatistika na ang sakit sa puso ang pangunahing sanhi ng kamatayan sa Pilipinas.     Pangunahing itinagu­yod ni Go at isa sa mga may-akda sa Senado, ang batas ay […]

  • Bicam report sa extended producer responsibility sa plastic products, niratipikahan

    NIRATIPIKAHAN  ng Kamara ang bicameral conference committee report kaugnay sa magkakaibang probisyon ng extended producer responsibility sa mga produktong gawa sa plastic.       Ang magkakaibang probisyon ay nakapaloob sa House Bill 10696 at Senate Bill 2425 o panukalang “Extended Producer Responsibility Act of 2022,” amending for the purpose Republic Act 9003 o ang […]