• December 24, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

PBBM, tinukoy ang magiging papel ng mga ex-Moro combatants para mapagtagumpayan ang kapayapaan, seguridad sa Bangsamoro

TINUKOY ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang magiging papel ng unang batch ng Moro combatants sa pagpapanatili ng kapayapaan at seguridad sa Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM).

 

 

Pinangunahan ni Pangulong Marcos ang graduation Ceremony of the Bangsamoro Police Basic Recruit Course (BPBRC) Batch 2023-01 Classes Alpha – Bravo “Bakas-Upit” sa Parang, Maguindanao del Norte.

 

 

”Ang inyong misyon ay higit pa sa paglilingkod at pangangalaga sa mga kababayan natin. Kayo ang tutulong sa pagsusulat ng bagong yugto para sa Bangsamoro tungo sa mas tahimik at matiwasay na kinabukasan,” ang bahagi ng naging talumpati ni Pangulong Marcos.

 

 

”Kahit saan man kayo italaga, kayo ay kinatawan ng kaayusan at pagbabago na layon nating ipamana sa ating mga anak,”aniya pa rin.

 

 

“Kayo ang tutulong sa pagsusulat ng isang bagong yugto para sa Bangsamoro, tungo sa mas tahimik at matiwasay na kinabukasan.

 

 

Kaya ang inyong pagsasanay at pagtatapos ngayong araw ayhigit pa sa pagtupad natin sa mga obligasyong na nakasaad sa Bangsamoro Organic Law.

 

 

Ito ay ang pagsasakatuparan natin sa hangaring maranasan ang tuluy-tuloy na kapayapaan at pag-uunlad,” lahad ng Pangulo,

 

 

Inamin ng Chief Executive na mahirap ang daang tatahakin ng mga ito subalit tinitiyak niya aniya na magiging mas madali ito kung tatanggapin at [aalalahanin] ang apat na puntong iiwan niya sa mga ito.

 

 

“Una, kayo ay natanggap dahil sa inyong karakter at hangaring makapag-ambag sa ikauunlad ng Bangsamoro. Ang ibig sabihin nito, anuman ang inyong pinag-hirapan at natamasa, ang inyong integridad pa rin ang susi sa inyong tagumpay. Sikapin ninyong tuparin ang manatiling pundasyon ng inyong trabaho at serbisyo mula ngayon.”

 

 

“Pangalawa, tapang at determinasyon ang siyang nagtulak sa inyo upang harapin ang linggo-linggong pagsasanay. Ngayon na magsisimula na, na magsuot ng uniporme at magsilbi sa bayan, tiyak na dodoble ang pagsubok sa mga katangian ninyo. Sa pagharap ninyo sa mga bagong hamon, gawin ninyong inspirasyon ang inyong tungkulin sa mamamayan. Isapuso at isa-isip ninyo ang imahe ng inyong rehiyon at ating bayan na may seguridad at kaayusan,” ayon sa Pangulo.

 

 

Ang pangatlo aniya ay “ngayong dala-dala na ninyo ang bagong kaalaman tungkol sa pagpupulis at sa batas ng BARMM at ng Pilipinas, hindi dapat ito natatapos ang pagpapa-unlad ninyo sa inyong mga sarili.

 

 

Patuloy ang— patuloy na paglinangin ang inyong kakayahan at kasanayan nang tumaas ang kalidad ng inyong serbisyo. At ang pinakamahalaga, siguraduhing umuunlad rin ang inyong pag-unawa sa inyong kapwa at sa mundo. Hindi kailanman natatapos ang pagsulong at pagpapabuti, kaya kailangang maging masigasig kayo sa pagtuklas ng pangangailangan ng taumbayan. Sa pamamagitan nito, kayo’y magiging tunay na modelo ng ating mga mamamayan,” ang bahagi ng talumpati ng Pangulo.

 

 

“Ika-apat at pang-huli, hangga’t tunay at tapat kayo sa inyong mga tungkulin bilang miyembro ng kapulisan, buong-buo ang aking suporta sa inyo,” litaniya ng Pangulo.

 

 

Sinabi pa ng Punong Ehekutibo na makakatuwang niya ang mga ito sa pagsisikap na mabigyan ang bawat Pilipino ng payapa at masaganang buhay.

 

 

“Naniniwala ako na sa paglago ng Bangsamoro, yayabong din ang buong bansa. Mas madali nating makamit ang ating hinahanap na Bagong Pilipinas,” aniya pa rin.

 

 

Sa kabilang dako, ang graduating class ay binubuo ng  100 trainees na pantay-pantay na hinati sa pagitan ng

 

 

Moro Islamic Liberation Front (MILF) at Moro National Liberation Front (MNLF), mayroong 92 kalalakihan at 8 kababaihan.

 

 

Ang mga dating Moro combatants ay sumailalim sa 23-week program, inihanda ang mga ito na maisakatuparan ang kanilang mahalagang tungkulin ng police force, na may pagtuon na ipatupad ang national laws at tamang regulasyon sa rehiyon.

 

 

Ang mga bagong graduates ay pansamantalang itatalaga bilang patrolmen at patrolwomen alinsunod sa decree ng National Police Commission (NAPOLCOM). Mayroon silang hanggang 15 taon mula sa petsa ng kanilang pagpasok sa serbisyo upang makakuha ng college degree.  (Daris Jose)

Other News
  • Spa sa Makati, P3K ang ‘sex fee’

    NAHULI sa akto ang isang therapist na magsasagawa ng ‘sexual extra service’ habang nasagip ang 13 iba pa sa isinagawang operasyon ng mga pulis sa isang spa sa Brgy. Poblacion, Makati City, kamakalawa ng madaling araw.   Maingat na isinagawa ng mga tauhan ng Makati SIDMS, sa pangunguna ni Police Major Gideon Ines Jr. at […]

  • Pinas, hindi lang nag-iisang bansa na nagpapatupad ng lockdown

    HINDI lang ang Pilipinas ang nasa ilalim at nagpapatupad ngayon ng lockdown.   Ito ang binigyang-diin ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte sa kanyang Talk To The People, Lunes ng gabi.   Aniya, ang iba pang bansa na nagpapatupad ng lockdown para mapigil ang pagkalat ng Covid-19 at mapigil na bumagsak ang healthcare systems ay Ukraine, […]

  • KAUNA-UNAHANG OSPITAL NG OFW, ITINAYO

    ITINATAYO  na ang kauna-unahang ospital ng Overseas Filipino Workers (OFW) na magkakaroon ng soft opening nitong Oktubre 1 .     Ayon kay Labor Usec. Renato Ebarle, pinamamadali na ng DOLE ang pagkumpleto upang sa lalong madaling panahon ay mabubuksan na ang OFW Hospital na itinatayo sa San Fernando, Pampanga makaraang madelay dahil sa patuloy […]