TWG, babalangkas ng mga panukala na magpapalakas sa magna carta of small farmers
- Published on December 23, 2020
- by @peoplesbalita
Tinakalay ng House Committee on Agriculture and Food ang dalawang panukala na naglalayong palakasin ang Republic Act 7607 o ang Magna Carta of Small Farmers.
Ang House Bill 1007 ay mag-aamyenda sa Seksyon 27, Kapitulo VIII ng RA 7606, na magpapataw ng mas mabigat na parusa sa sinumang opisyal o kawani ng National Food Authority (NFA), na mapapatunayang nakikipagsabwatan sa mga mangangalakal sa pagbili ng mga produktong pang-agrikultura.
Ang mga lalabag ay pagmumutalhin ng P50,000 o pagkabilanggo mula tatlo hanggang limang taon, imbes na parusang P10,000 na multa o dalawa hanggang apat na taong pagkabilanggo, na kasalukuyang ipinaiiral.
Samantala, ang HB 3162 na naglalayong saligan ang sistemang suporta sa presyo ng mga produktong agrikultura, upang mapataas ang kita ng mga magsasaka at upang mapigilan ang mga mangangalakal na pagsamantalahan ang mga maliliit na magsasaka.
Determinado ang mga mambabatas na trabahuhin ang dalawang panukala, upang mabago ang 28 taong gulang na batas at ganap na mapaunlad ang kabuhayan ng lahat ng mga Pilipinong magsasaka.
Tiniyak din na ang mga magsasaka ng mais ay hindi mapag-iiwanan.
Sinabi naman ni Department of Agriculture Undersecretary Evelyn Lavina na ang pag-amyenda sa naturang batas ay matagal nang inaasahan, at ang kasalukuyang probisyon sa RA 7607 ay hindi aniya nakabubuti sa pangmatagalang interes ng mga maliliit na magsasaka.
Binuo naman ng komite ang technical working group para sa mas malawak na talakayan ng naturang panukala. (ARA ROMERO)