Actuarial life ng PhilHealth 1 taon na lang – opisyal
- Published on August 6, 2020
- by @peoplesbalita
Mula sa mahigit 10 taon, isang taon na lamang ang actuarial life ng Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth).
Ito ang inamin ni Philhealth Senior Vice President for Data Protection Office Nerissa Santiago sa pag-arangkada ng pagdinig ng Senate committee of the whole kahapon.
Ayon kay Santiago, posibleng hindi na sila makapagbigay ng benepisyo sa mga miyembro nito sa 2022.
Sa pagtatanong ni Senate Minority Leader Franklin Drilon, sinabi ni Santiago na sa kanilang pagtaya, sa pagtatapos ng taon ay aabot na sa P90 bilyon ang kanilang losses at sa pagtatapos ng 2021 ay aabot na sa P147 bilyon.
Iginiit ni Santiago na kung hindi sila mabibigyan ng karagdagang subsidiya ng gobyerno ay posibleng hindi na kayanin pa ng Philhealth ang pagkakaloob ng mga benepisyo.
Sa naturang pagdinig, dinikdik din ng mga senador ang mga opisyal ng PhilHealth kaugnay sa sinasabing anomalya sa kanilang tanggapan.
Kinuwestyon ni Senador Panfilo Lacson ang umano’y maanomalyang pagpapalabas ng advance na pondo para sa ilang medical facilities, kabilang ang dialysis centers at mga maternity package sa ilalim ng Internal Reimbursement Mechanism na para sana sa COVID-19 treatment.
Ilan sa tinukoy ni Lacson ang pagpapalabas ng kabuuang P45.176 milyon sa B. Braun Avitum Philippines Free Standing Dialysis Center, gayundin ang P226.38 milyong maternity package.
Nilinaw naman ng mga opisyal ng Philhealth na binigyan ng pondo kahit ang mga non-COVID-19 patients dahil nakasaad sa kanilang programa na lahat ng ospital na may pending claim ay dapat mabigyan.
Ibinunyag din ni Senador Francis Tolentino na nakatanggap sila ng impormasyon na ilang pagamutan, partikular sa lalawigan ng Cebu, ang idinedeklarang may COVID-19 ang kanilang pasyente kahit wala para lang makasingil sa Philhealth.
Kinuwestyon din ni Lacson ang mga opisyal ng PhilHealth sa pagbili ng umano’y overpriced na network switch layer.
Sa datos na iprinisinta ni Lacson, noong 2019 ay bumili ang Philhealth ng switches sa halagang P4.81 milyon gayong ang market price nito ay P939,360 lamang o overpriced ng P3.87 milyon.
Subalit kahit nakaimbak pa sa bodega ang mga equipment na ito ay muli umanong binalak ng ahensya na bumili ng karagdagang switch.
Naging mainit din ang pagtatanong ni Tolentino hinggil naman sa mga opisyal ng Philhealth na una nang pinagbibitiw ni Pangulong Rodrigo Duterte.
Inamin ni Philhealth President and CEO Ricardo Morales na hindi niya ipinatupad ang mga resolution kaugnay sa pagpapa-resign sa mga opisyal ng ahensiya dahil posible aniyang maparalisa ang kanilang operasyon.
Ipinaalala ni Tolentino na pinagbibitiw ang ilang opisyal ng Philhealth dahil sa isyu ng katiwalian subalit sa halip na ipatupad ang kautusan ay nabigyan pa ng promosyon ang mga ito.
Itinanggi naman ito ni Morales at iginiit na wala rin namang naihaing kaso laban sa mga opisyal ng PhilHealth kaya nanatili ang mga ito sa kanilang pwesto. (Ara Romero)
-
Pagsailalim sa state of calamity sa buong Luzon, irerekomenda – NDRRMC
Irerekomenda umano ng National Disaster Risk Reduction Management Council (NDRRMC) kay Pangulong Rodrigo Duterte na isailalim sa state of calamity ang buong rehiyon ng Luzon. Ito ang napagkasunduan sa isinagawang pulong nitong araw ng Disaster Response Cluster sa Camp Aguinaldo dahil sa tindi ng pinsalang idinulot ng mga nagdaang bagyo gaya “Quinta, Rolly at […]
-
SOUTH AFRICAN VARIANT, NATUKLASAN
MAY natuklasan na ring anim na B.1.351 variant o South Africa variant sa Department of Health (DOH), UP-Philippine Genome Center (UP-PGC), at UP-National Institutes of Health (UP-NIH). Bukod dito karagdagang 30 B.1.1.7 variant (UK variant) kaso at dalawang karagdagang kaso ng mutation mula sa ika walong batch ng 350 samples na na-sequenced […]
-
McCullough ramdam na may sumabote sa kanya
MAY pinatatamaan ang beterano ng National Basketball Association (NBA) player na si Chris McCullough sa tweet tungkol sa naturalization niya nito lang isang araw. Ipinahayag ng 2019 Philippine Basketball Association (PBA) Commissioner’s Cup import ng champion San Miguel Beer, na may umipit sa proseso ng kanyang pagiging naturalized player para sa Gilas Pilipinas. […]