Aaabot sa ₱15 billion ang ninakaw umano ng mga opisyal ng Philippine Health Insurance Corporation (PhilHealth) sa ahensya gamit ang iba’t-ibang maanolmalyang paraan, ayon sa dating opisyal nito.
Ayon sa nagbitiw na anti-fraud legal officer Thorrsson Montes Keith, naniniwala siyang ito ang halaga na ninakaw ng mga umano’y mafia sa ahensya.
“Naniniwala po ako na ang dahilan kung bakit hindi natatapos ang korapsyon sa PhilHealth at naging kultura na po nito, ay ang pagtatalaga ng mga sindikato o mafia ng kanilang kasamahan, kasabwat o kapwa sindikato sa mga matataas na posisyon na nakakatulong sa kanilang iligal operasyon,” ani Keith
Inaakusahan ni Keith si PhilHealth President at CEO Ricardo Morales na inuutusan siya nitong ipaamyenda kay Presidential Anti-Corruption Commission Commissioner Greco Belgica ang nakabinbin na kaso kaugnay sa overpriced COVID-19 testing kits.
Aniya, itinutulak din siya nitong i-endorso ang overpriced IT budget items na nagkakahalaga ng ₱750 million.
Una nang binanggit ni Sen. Panfilo Lacson ang mga umanoy sangkot sa nasabing korapsyon sa ahensya kung saan inakusahan niya ang mga ito na nagmamanipula sa financial records ng PhilHealth sa kabila ng pagbabago sa mga nangunguna rito.
Ayon sa senador na kinabibilangan umano ito nina Legal Sector Senior Vice (SVP) President Atty. Rodolfo del Rosario, SVP for Health Finance Policy Sector Dr. Israel Pargas, Corporate Secretary Jonathan Mangaoang at Management Services Sector SVP Dennis Mas. (Daris Jose)