• January 22, 2025
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

‘Walang ‘foreign’ DNA sa isinagawang vaginal swab test sa bangkay ni Dacera

Muling iginiit ng isa sa 11 abogado ng mga respondent sa pagkamatay ng flight attendant na si Christine Dacera sa isang hotel sa Makati City na walang nangyaring rape sa insidente.

 

 

Ayon kay Atty. Emmanuel Ramos, ang counsel ng respondent na si John Paul Halili sa Dacera slay case, base raw sa dalawang medico legal, lumalabas na natural death ang sanhi ng pagkamatay ng biktima dahil sa aortic aneurysm.

 

 

Dagdag ni Ramos, base raw sa isinagawang DNA examination sa vaginal swa test na isinagawa ng mga eksperto, wala umanong foreign DNA na nakita sa ari ng 23-anyos na flight attendant na tubong General Santos City, ibig sabihin hindi ginahasa at walang nakatalik ang biktima bago ito namatay.

 

 

Dagdag ng abogado, ang medico legal na isinumite ng PNP sa isinagawang ikatlong preliminary investigation sa Dacera slay case ang magpapatunay kung ano talaga ang ikinamatay ng dalaga.

 

 

Pero iginiit nitong ang selebrasyon lamang ng mga magkakaibigan ang naging sanhi ng pagkamatay ni Christine at walang nangyaring foul play na iginigiit pa rin ng pamilya Dacera.

 

 

Dagdag niya, nasira rin umano ang buhay ng ilang respondent dahil sa insidente dahil mayroon sa kanila ang nawalan ng trabaho at masaklap pa ay may itinakwil ng pamilya.

 

 

Kanina nga ay muling ipinagpatuloy ng Makati court ang  preliminary investigation sa pagkamatay ng flight attendant at lahat ng mga respodents ay nakapagsumite na kanilang kontra salaysay at memorandum.

 

 

Sa susunod na pagdinig na itinakda sa Pebrero 11, magsusumite rin ng reply ang mga respondents.

 

 

Samantala, patuloy pa rin umanong nagsasagawa ng DNA test ang National Bureau of Investigation (NBI) sa katawan ni Dacera kaugnay naman ng isinasagawa nilang hiwalay na imbestigasyon.

 

 

Ayon kay Department of Justice (DoJ) Sec. Menardo Guevarra, hindi raw minamadali ng NBI ang kanilang report sa pagkamatay ng flight attendant.

 

 

Pero tiwala naman ang kalihim na makakapagsumite ng report ang NBI kapag natapos na nila ang kanilang imbestigasyon.

 

 

Tiniyak ni Guevarra na agad niyang ipapasa sa Makati Prosecutor’s Office ang report ng NBI kapag nakatanggap na niya ito.

 

 

Sa pakikipag-ugnayan daw ng DoJ sa NBI, sinabi ni Guevarra na iniulat sa kanyan ni NBI Deputy Director Ferdinand Lavin na nagsasagawa pa ang mga ito ng iba pang DNA test at malalimang imbestigasyon.

 

 

Una nang sinabi ng pamilya Dacera na mas bibigyan nila ng bigat ang findings ng NBI kaysa sa unang lumabas na autopsy report.

Other News
  • Ads March 10, 2020

  • 2 TULAK TIMBOG SA P170-K SHABU

    Dalawang hinihinalang tulak ng ilegal na droga ang natimbog matapos bentahan ng shabu ang isang pulis na nagpanggap na buyer sa isinawang buy-bust operation sa Caloocan City, kamakalawa ng gabi.   Pinuri ni Caloocan police chief Col. Samuel Mina Jr. ang  Station Drug Enforcement Unit (SDEU) warrior dahil sa matagumpay na pagkakaaresto sa mga suspek […]

  • 116 bagong kaso ng COVID Delta variant, na-detect – DoH

    Naka-detect ang Department of Health (DoH) ng karagdagang 116 na bagong kaso ng Delta variant ng COVID-19 sa bansa.     Dahil dito, mayroon nang kabuuang 331 Delta variant cases sa Pilipinas.     Maliban dito, mayroon ding 113 na bagong kaso ng Alpha, 122 naman ang bagong kaso ng Beta variant habang 10 ang […]