• December 21, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Actuarial life ng PhilHealth 1 taon na lang – opisyal

Mula sa mahigit 10 taon, isang taon na lamang ang actuarial life ng Philippine Health Insurance Corporation (Philhealth).

 

Ito ang inamin ni Philhealth Senior Vice President for Data Protection Office Nerissa Santiago sa pag-arangkada ng pagdinig ng Senate committee of the whole kahapon.

 

Ayon kay Santiago, posibleng hindi na sila makapagbigay ng benepisyo sa mga miyembro nito sa 2022.

 

Sa pagtatanong ni Senate Minority Leader Franklin Drilon, sinabi ni Santiago na sa kanilang pagtaya, sa pagtatapos ng taon ay aabot na sa P90 bilyon ang kanilang losses at sa pagtatapos ng 2021 ay aabot na sa P147 bilyon.

 

Iginiit ni Santiago na kung hindi sila mabibigyan ng karagdagang subsidiya ng gobyerno ay posibleng hindi na kayanin pa ng Philhealth ang pagkakaloob ng mga benepisyo.

 

Sa naturang pagdinig, dinikdik din ng mga senador ang mga opisyal ng PhilHealth kaugnay sa sinasabing anomalya sa kanilang tanggapan.

 

Kinuwestyon  ni Senador Panfilo Lacson ang umano’y maanomalyang pagpapalabas ng advance na pondo para sa ilang medical facilities, kabilang ang dialysis centers at mga maternity package sa ilalim ng Internal Reimbursement Mechanism na para sana sa COVID-19 treatment.

 

Ilan sa tinukoy ni Lacson ang pagpapalabas ng kabuuang P45.176 milyon sa B. Braun Avitum Philippines Free Standing Dialysis Center, gayundin ang P226.38 milyong maternity package.

 

Nilinaw naman ng mga opisyal ng Philhealth na binigyan ng pondo kahit ang mga non-COVID-19 patients dahil nakasaad sa kanilang programa na lahat ng ospital na may pending claim ay dapat mabigyan.

 

Ibinunyag din ni Senador Francis Tolentino na nakatanggap sila ng impormasyon na ilang pagamutan, partikular sa lalawigan ng Cebu, ang idinedeklarang may COVID-19 ang kanilang pasyente kahit wala para lang makasingil sa Philhealth.

 

Kinuwestyon din ni Lacson ang mga opisyal ng PhilHealth sa pagbili ng umano’y overpriced na network switch layer.

 

Sa datos na iprinisinta ni Lacson, noong 2019 ay bumili ang Philhealth ng switches sa halagang P4.81 milyon gayong ang market price nito ay P939,360 lamang o overpriced ng P3.87 milyon.

 

Subalit kahit nakaimbak pa sa bodega ang mga equipment na ito ay muli umanong binalak ng ahensya na bumili ng karagdagang switch.

 

Naging mainit din ang pagtatanong ni Tolentino hinggil naman sa mga opisyal ng Philhealth na una nang pinagbibitiw ni Pangulong Rodrigo Duterte.

 

Inamin ni Philhealth President and CEO Ricardo Morales na hindi niya ipinatupad ang mga resolution kaugnay sa pagpapa-resign sa mga opisyal ng ahensiya dahil posible aniyang maparalisa ang kanilang operasyon.

 

Ipinaalala ni Tolentino na pinagbibitiw ang ilang opisyal ng Philhealth dahil sa isyu ng katiwalian subalit sa halip na ipatupad ang kautusan ay nabigyan pa ng promosyon ang mga ito.

 

Itinanggi naman ito ni Morales at iginiit na wala rin namang naihaing kaso laban sa mga opisyal ng PhilHealth kaya nanatili ang mga ito sa kanilang pwesto.  (Ara Romero)

Other News
  • ‘Injectable shabu’ nasabat, 2 kelot nadakma

    KALABOSO ang dalawang suspek na nagbebenta ng mga liquid o injectable shabu sa online sa ikinasang drug buy bust operation sa Barangay Highway Hills, Mandaluyong City kahapon (Huwebes, Pebrero 20) ng umaga.   Kinilala ni Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) Special Enforcement Service Director Levi Ortiz ang mga naarestong suspek na sina Mark Kenneth del […]

  • Pangulong Marcos: Vice President Sara ‘di sisibakin sa DepEd

    SINIGURO ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na hindi niya sisibakin o papalitan sa pwesto si Vice President Sara Duterte.     Ayon sa Pangulo, ang hindi pagkakaintindihan ng kanyang maybahay na si First Lady Liza at ni Duterte ay hindi sapat para sibakin niya ang huli bilang kalihim ng DepEd.     Tiniyak din ng […]

  • Bukod sa ‘di matatawaran ang pagtulong sa mga OFWs: ARNELL, naglunsad ng health and wellness campaign para sa OWWA employees

    GRABE at hindi talaga matatawaran ang dedikasyon at concern ng Executive Director Administrator ng Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) na si Arnell Ignacio sa mga Overseas Filipino Workers (OFW), na kapag nagkakaroon ng problema at agad siyang gumagawa ng solusyon, katulad na lang ng bagong kaso ng isa nating kababayan sa Kuwait na patuloy nilang […]