• November 23, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

DEEP INSIDE MY HEART (Chapter 20) Story by Geraldine Monzon

DAHIL bigo ang mga naunang plano ay nagdesisyon na si Cecilia na aminin ang kanyang nararamdaman para kay Bernard.

 

Muntik nang maibuga ni Bernard ang hinigop na kape nang biglang lumuhod sa harapan niya si Cecilia at umiiyak na nagsabi.

 

“Mahal kita Sir Bernard. Mahal po kita. Huwag mo po akong iwan!”

 

Sa bukana ng hardin ay bumungad si Angela.

 

Nagmamadaling itinayo ni Bernard si Cecilia.

 

“Ano bang nangyayari sa’yo Cecille?”

 

“Hindi ko rin po alam. Basta isang umaga nagising na lang ako na mahal na kita!”

 

Tumingin si Bernard kay Angela na nakatingin lang sa kanila.

 

“Look at her Cecille. Look at my wife. Siya lang ang kaisa-isang babae na nasa puso ko at hindi na iyon mababago. Ayokong saktan ka, pero mas makakabuti kung kakalimutan mo na lang ang nararamdaman mo para sa akin.”

 

Unti-unting lumipat ang tingin ni Cecille mula kay Bernard patungo kay Angela.

 

“Tingnan mo siya Sir Bernard. Hindi na sa’yo umiikot ang mundo niya. “

 

Pagkuwa’y ibinalik niya ang tingin niya kay Bernard at hinawakan niya ito sa magkabilang pisngi.

 

“Tingnan mo ako Sir Bernard…ikaw na ang mundo ko ngayon. Kahit anong gusto mo gagawin ko. Kahit anong trahedya pa ang pagdaanan ko mananatiling sa’yo iikot ang mundo ko, hindi tulad ni Ma’am Angela, nakalimutan ka na niya!”

 

Inalis ni Bernard ang mga kamay ni Cecilia sa pisngi niya at hinawakan ito nang mariin.

 

“Wala kang karapatan sabihin ‘yan sa asawa ko. Wala kang alam sa mga pinagdaanan niya noon at ngayon. Wala kang alam sa mga pagtitiis at pagsasakripisyo niya para sa akin, para sa pag-ibig na mananatiling nagbubuklod sa aming dalawa. Kaya kung ako sa’yo, piliin mo na lang na lumayo at unahing mahalin ang sarili mo. Matatagpuan mo rin kung sino ang nakalaan para sa’yo.” Pagkasabi niyon ay binitawan na ni Bernard ang mga kamay ni Cecille at tinalikuran ito.

 

Inakay na ni Bernard si Angela papasok sa loob ng bahay. Naiwang nagpupuyos ang kalooban ni Cecilia. Sobrang sakit para sa kanya ang mabigo sa kauna-unahang pag-ibig na kumatok sa kanyang puso. Wala palang saysay ang damdamin na inakala niyang makapagbibigay sa kanya ng saya.

 

Pag-alis ng mag-asawa ay nilapitan ni Lola Corazon si Cecilia.

 

“Cecilia, naiintindihan kita.”

 

Nagpahid ng luha ang dalaga nang makita ang matanda.

 

“Pasensya na Lola Corazon.”

 

“Nauunawaan ko ang damdamin mo. Pero huwag kang masyadong malungkot. Ang lahat ay dumaraan sa kabiguan. Balang araw, ang kabiguang ito ay lilingunin mo at mapapangiti ka na lang.”

 

“S-sana nga po lola…”

 

Bago ang kanilang flight ay kausap ni Bernard si SPO2 Marcelo sa cellphone.

 

“Bernard, wala kaming makuhang ebidensya na makapagtuturo kay Roden na siya ang utak sa muntik na pagkidnap kay Angela. Pero yung kaso na pagtatago sa asawa mo doon sa isla, maitutuloy natin ‘yon.”

 

“Nagbago na ang isip ko Marcelo. Hindi ko na itutuloy ang demanda kay Roden. Huwag mo na ring ituloy ang pag-iimbestiga kay Cecilia. Pag-alis namin ni Angela, hindi na nila kami magagambala.”

 

“Sigurado ka ba?”

 

“Oo. Salamat sa tulong mo. Pero ang paghahanap sa anak ko, huwag kayong hihinto.”

 

“Oo babalitaan kita agad kung anuman ang makuha naming impormasyon.”

 

Naihatid na ni Mang Delfin si Lola Corazon sa bahay nito. Nakauwi na rin si Cecilia sa Lola Lucia niya.

Habang ikinakandado ni Bernard ang gate ng kanilang bahay ay nakamasid lang si Angela rito. Iniikot ang paningin sa kabuuan ng kanilang bahay.

 

“Bela…” sa isip niya.

 

Saglit ding pinagmasdan ni Bernard ang tahanang naging pugad ng pagmamahalan ng binuo nilang pamilya ni Angela.

 

“Bela anak, hindi kami susuko. Babalik kami ng mommy mo at mabubuo tayong muli.” Iyon lang at sumakay na sila sa taxi na maghahatid sa kanila sa airport.

 

Makalipas ang labingwalong taon.

 

“HAPPY 85th BIRTHDAY LOLA CORAZON!” bungad ng mag-asawa sa bahay ng matanda.

 

Napaiyak si Lola Corazon na nakaupo sa wheelchair nang makita ang mag-asawang matagal ding nawalay sa kanya. Nilapitan siya ng mga ito at pinagmanuhan saka niyakap.

 

“Nasorpresa ka ba lola?” tanong ni Bernard.

 

“Ito na yata ang pinakamagandang sorpresang regalo na natanggap ko. Ang pagbabalik ninyong dalawa.”

 

Bumaling si Lola Corazon kay Angela.

 

“Angela, magaling na magaling ka na talaga!”

 

“Ikaw talaga lola, para namang hindi tayo nagvi-video call!”

 

“Pero iba pa rin ‘yung makita kita ng personal na masigla at masaya, tulad ng dati!”

 

“Huwag kang mag-alala lola, nag-usap na po kami ni Bernard, mula ngayon magkakasama na ulit tayo, dito na muna kami mamamalagi sa bahay mo!”

 

Tumingin si Lola Corazon kay Bernard.

 

“Siya nga ba apo?”

 

“Opo lola. Gusto rin kasi ni Angela na magtayo ng restraurant dito para magamit niya ang mga itinuro mong recipe noong araw. Saka ayaw na muna naming bumalik sa bahay hangga’t wala pa ring balita tungkol kay Bela…” ani Bernard na lumungkot ang boses sa dulo nang mabanggit ang anak.

 

“Talagang hindi pa rin kayo sumusuko kay Bela.”

 

“Opo lola. Habambuhay kaming aasa sa pagbabalik niya.” malungkot din ang tinig na tugon ni Angela.

 

“Tama. Habang tayo ay buhay, mananatiling buhay si Bela sa ating puso at isipan. Hindi talaga natin siya dapat kalimutan.”

 

“O, teka, birthday mo naman lola, mas okay kung magsasaya muna tayo, ano po bang mga pinaluto ninyong putahe?” tanong ni Bernard.

 

“Anong pinaluto?  Damuho ka , hindi ko nga alam na darating kayo, sandali tatawagin ko si Janine!”

 

“Sino si Janine lola?” tanong ni Angela.

 

“Ah, oo nga pala, hindi ko pa naikuwento sa inyo, malilimutin na talaga ko. Iyon kasing dating nurse na nag-aalaga sa akin e nangibang bansa na. Pero may inirekomenda naman siya sa akin bago siya umalis. Yung pamangkin niyang bago pa lang nurse. Magandang bata si Janine at mabait kaya nagkasundo kami agad kahit ilang araw pa lang siya rito.”

 

“Talaga lola? Mabuti naman kung gano’n.” ani Angela.

 

“Sandali, tatawagin ko siya, inutusan ko kasing ipagpakulo ako ng tubig.”

 

“Lola Corazon, andito na’ko, hindi nyo na po ako kailangang tawagin!” nakangiting sabi ni Janine mula sa kanilang likuran.

 

Sabay na napalingon sa dalaga sina Angela at Bernard.

 

(ITUTULOY)

Other News
  • Rally ni Robredo sa Negros Occidental dinaluhan ng 100K supporters

    MAHIGIT 100,000 katao ang dumalo sa iba’t ibang pagtitipon ni presidential candidate at Vice President Leni Robredo sa Negros Occidental noong Biyernes, kabilang ang grand rally sa Paglaum Stadium sa Bacolod City na dinaluhan ng 70,000 supporters.     Ayon kay Negros Occidental provincial administrator Rayfrando Diaz, ang bilang ng tao sa loob ng Paglaum […]

  • Coast Guards ng Southeast Asia nagsanib, karagatan babantayan

    NAGSANIB-puwersa ang mga coast guards ng iba’t ibang bansa sa Southeast Asia upang protektahan ang seguridad at labanan ang mga iligal na aktibidad sa karagatan ng rehiyon.     Ito ay nang lumahok ang Philippine Coast Guard sa ASEAN Coast Guard and Maritime Law Enforcement Agencies Meeting kasama ang mga coast guards ng Cambodia, Indonesia, […]

  • P8 milyong suhol kada suspek ‘kathang isip’ – Teves

    TINAWAG  ni suspended Negros Oriental Congressman Arnolfo “Arnie” Teves Jr. na “kathang isip” ang umano’y P8 milyong alok sa bawat suspek sa pagpatay kay Negros Oriental Go­vernor Roel Degamo para bawiin ang nauna nilang akusasyon laban sa mambabatas.     Sa video sa kanyang Facebook page nitong Sabado, sinabi ni Teves na hindi niya maunawaan […]