PBA nakaabang na sa vaccine
- Published on March 11, 2021
- by @peoplesbalita
Nag-aabang na ang Philippine Basketball Association (PBA) sa vaccine na gagamitin sa mga players, coaches at officials nito.
Ayon kay PBA commissioner Willie Marcial, kumpirmado na ang vaccine ng liga dahil kasama na ito sa listahan ng mga nag-order sa Red Cross.
“Nag-request na kami sa Red Cross at nag-confirm na sila na kasama na tayo sa list nila. So hihintayin na lang natin (‘yung vaccine),” ani Marcial.
Handa naman ang PBA na tanggapin anumang uri ng vaccine dahil mahalaga na magkaroon nito upang maging proteksiyon sa coronavirus disease (COVID-19).
Maliban sa vaccine, inaabangan na rin ng PBA ang magiging tugon ng Inter-Agency Task Force na masimulan ang Season 46 Philippine Cup sa Abril.
Nagsumite na ng request ang liga sa IATF.
Matatandaang nakipagpulong pa ang pamunuan ng PBA kina Sen. Bong Go at executive secretary Alvador Medialdea na parehong nangako ng suporta sa pagbabalik-aksyon ng PBA.
Plano sana ng PBA na magpatupad ng ibang bubble sa pagkakataong ito — ang closed circuit system na home-gym-home.
Subalit kung hindi ito maaprubahan, walang magagawa ang PBA kundi isagawa ang Philippine Cup sa panibagong bubble tulad noong Season 45 sa Clark, Pampanga.
Pangunahing prayoridad ni Marcial ang kaligtasan ng lahat kaya’t handa itong sumunod sa matinding health protocols na ilalatag ng IATF.