
PURSIGIDO talaga si Ara Mina na pasukin ang mundo ng politika dahil sa pagtakbo niya bilang councilor sa District 2 ng Pasig City.
Matagal na itong alam ng taga-showbiz, pero mukhang hindi pa ito alam ng lahat lalo na yun taga-Pasig, kaya noong Marso 17, Lunes ay nagpatawag siya ng intimate media con para sa muling pagtakbo.
At para ipakilala rin ang tumatakbong mayor ng lungsod na si Sarah Discaya o Ate Sarah na sinasabing matinding kalaban ngayon ni incumbent Mayor Vico Sotto.
Ayon kay Ara, nagkakilala raw sila kanyang Ate Sarah sa medical mission ng St. Gerrard Construction Charity Foundation at tinanong daw siya kung type niyang tumakbo bilang konsehal dahil tubong-Pasig naman siya.
Pinag-isipan at pinagdasal daw muna ito at ipinaalam din sa pamilya, bago siya nakapag-decide na pasukin ang bagong journey niya.
Kuwento ni Ara, “marami pa kasi na hindi nakakaalam na papasukin ko na ang public service. I’m now running for councilor sa District 2 ng Pasig City.
“Taga-Pasig talaga ako, grade school sa Manggahan ako nag-aral.
“My mom is a former Mutya ng Pasig 1967. Kaya siya naging artista at ang screen name niya ay Venus Imperial, dahil isa sa premyo na nakuha niya ay two-year movie contract. Nakagawa siya ng movies with Erap, FPJ and Dolphy.
“At dahil sa kanya, kaya ako na-encourage na maging artista.
“Kaya masasabi kong lehitimong Pasigueña ako and 99% of my relatives are all from Pasig.”
Kahit mahal na mahal ni Ara ang showbiz industry, hindi nga siya tumitigil sa pagtatrabaho bilang aktres at singer, pero naniniwala siya na kung ‘destiny’ na maglingkod sa mga taga-Pasig ay hindi niya palalampasin.
“Pero ito siguro yun tinatawag na destiny, kasi pag destiny mo, walang makakapigil sa ‘yo. At bawat desisyon na ginagawa ko, I asked for a sign.
“At yun sign ay si Ate Sarah na dumating. Kasi hindi ako basta-basta nagdedesisyon. Alam naman natin sa showbiz industry, magulo na rin, pero nasanay na tayo. And at the end of the day, pamilya pa rin tayo.
“Ganun din sa public service, iba rin ang saya na nararamdaman mo, pag nakakatulong ka. So, I think ito na ‘yung calling ko. I’m already 45 and I want to help more people.”
At kung sakaling palarin siyang mananalo, hihinto na ba siya sa pagiging artista at singer?
“Hindi naman, pero siyempre magpo-focus tayo dito (serbisyo publiko). Meron lang akong natitirang commitment na tatapusin ko after eleksyon.
“But I’ll be focusing sa binigay sa ating pagkakataon sa public service. Kaya magiging focus ako dito sa Pasig.”
Nabanggit din ni Ara ang kanyang ninang Vilma Santos-Recto na nagagawang mag-showbiz kahit nagsisilbi sa Batangas.
“If there is a good offer, parang si Ninang Vilma, di ba? Nakakagawa rin siya ng movie once in while kahit nakaupo siya pero naka-focus siya sa public service.
“So, siguro ganu’n, we never know bahala na si Lord pwero magpo-focus ako sa public service kapag tayo’y nanalo,” pahayag pa ni Ara.
Natanong din sina Ara at Sarah tungkol sa isa nilang pagkakatulad.
Pahayag ni Sarah, “Ang common sa amin ay ‘yung sister ni Ara na may special needs and all of our kids has clinically diagnosed with ADHD (attention-deficit/hyperactivity disorder), so, very close to our hearts ang mga PWD (person with disability) na makabigay tayo at makabigay ng programa.”
Sey naman ni Ara, “Kaya number one sa amin ni Ate Sarah ang PWD dahil nga sa mga kids niya at ako nga dahil kay Nina, kay Batsing. Di ba kaya ako nagkaroon ng foundation at advocacy na kaya ako nag-start tumulong because of my sister.”
Bukod dito, magpo-focus din si Ate Sarah sa mga kababaihan, na dapat daw ay may economic power ang mga babae.
Pagtutuunan din ang health care para sa lahat. In two years, magpapatayo sila ng hospital to service Pasiguenos for free. May neo-natal ICU para di na pumasok sa private hospitals at ma-hostage dahil walang pambayad.
Magkakaroon din ng geriatric hospitals at homes para sa seniors. Palalakasin natin ang maternity at pediatric care sa Pasig.
Mahalaga rin sa kanila ang pangangalaga sa mga batang may special needs. Magkakaroon ng special centers at magtatayo din ng special center for mental health care.
Pareho namang excited sina Ara at Ate Sarah sa plano ng ‘Team Kaya This’ na gawing Smart City ang Pasig.
Ang ino-offer ng ‘Team Kaya This’ ay isang pamahalaang may malinaw na plano para sa ngayon at sa kinabukasan.
(ROHN ROMULO)