• July 1, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for March 12th, 2021

Healthcare providers sa Bulacan, sinuri ang bisa ng DAT para sa TB

Posted on: March 12th, 2021 by @peoplesbalita No Comments

LUNGSOD NG MALOLOS- Birtwal na tinipon ng proyektong Adherence Support Coalition to End TB (ASCENT) ang mga manggagawa sa pangangalaga ng kalusugan sa Bulacan kasama ang iba pang may kinalaman sa pagsugpo sa TB sa lokal, rehiyon at sentral na lebel ng National Tuberculosis Control Program (NTP) upang suriin ang pagtugon ng digital adherence technologies (DATs) sa pangangailangan ng mga pasyente at gayundin ang nagkaloob nito kamakailan.

 

 

Ang ASCENT na proyektong ipinatutupad ng KNCV sa pakikipagtulungan ng Department of Health at mga lokal na pamahalaan sa Bulacan at Pampanga ay sumusuporta sa paggamit ng (i) medication sleeve na tinatawag ding 99DOTS, (ii) smart pill box o evriMED device, at (iii) video-observed treatment na kilala din sa sureAdhere sa 46 na rural health unit at mga ospital sa dalawang lalawigan.

 

 

Ayon kay Mona Lisa Morales, ASCENT Regional Technical Officer, papalapit na sila sa ikaapat na buwang implementasyon ng DAT kung kaya muli nilang binisita kasama ang 80 na mga dumalo ang tatlong basic features ng DAT, rekomendasyon upang higit itong mapalawig, masuri ang ang support messages sa bawat DAT, kaibahan ng bawat care pathway at pagsunod sa mga aspeto ng platform/Everwell Hub.

 

 

“In general, the participants found the DATs’ features acceptable and provided valuable recommendations to enhance it. These will be shared with KNCV in the Netherlands and further discussed with the partners in the project implementation review in May 2021,” ani Morales.

 

 

Samantala, sinabi ni Gob. Daniel R. Fernando na habang patuloy ang pagbabakuna kontra COVID-19 sa unang grupo ng mga frontliner sa Bulacan, hindi pa rin dapat balewalain ang banta ng TB.

 

 

“Tuberculosis is a major public health problem in the country not only in Bulacan, kaya laging buo ang suporta natin sa mga programa para hindi na ito makahawa at maging sanhi ng kamatayan ng ating mga kababayan, kasi naiiwasan at nagagamot naman ang TB, ‘wag lang tayong matakot kumonsulta sa duktor,” anang gobernador.

 

 

Bukod dito, ayon sa World Health Organization, nasa isang milyong Pilipino ang aktibong may TB at bagaman pangatlo lang ito sa may pinakamataas na bilang sa mundo kasunod ng South Africa at Lesotho at may lunas, nananatili itong nangunguna sa pinakanakamamatay na nakahahawang sakit. Araw-araw, nasa 70 ang namamatay sa bansa sanhi ng TB habang marami ang nagkakaroon ng drug resistant tuberculosis na mas mahirap at mas mahal ang gamutan.

 

 

Ang proyektong ASCENT Philippines ay bahagi ng inisyatiba para sa limang bansa kabilang ang Ethiopia, South Africa, Tanzania, at Ukraine na makagawa ng nasusukat, abot kaya, evidence-based, at gamutang nakasentro sa kaalaman ng pasyente sa DAT laban sa TB. (Bishop Jesus “Jemba” M. Basco)