Sanib-puwersa sa pagpapasalamat ang lahat ng cast ng coming-of-age movie na “Fan Girl” sa ginanap na virtual o online Gabi ng Parangal ng Metro Manila Film Festival (MMFF) nitong Linggo, December 27.
Walo kasi mula sa siyam nilang nominasyon ang na-sweep ng nasabing pelikula kabilang ang five major categories na best screenplay, best picture, best director para kay Antoinette Jadaone, best actress sa newcomer na si Charlie Dizon, at best actor kay Paulo Avelino.
Sa kanyang acceptance speech, nabanggit ng 32-year-old actor ang patungkol sa pandemya sa bansa na aniya’y mahirap ngunit umaasang matutuldukan din balang araw.
“Thank you, thank you so much. And this is for you Aki,” dagdag pa nito.
Si Aki ay kanyang anak sa aktres at ex-girlfriend na si LJ Reyes.
Naging emosyonal naman at halos hindi makapagsalita ang 24-year-old newbie actress na si Charlie sa pagsasabing pangarap lang nito noon ang pagiging ordinaryong artista.
“Gusto ko po mag-thank you kay God, unang una… Dati po pinagarap ko lang po ma-artista, hindi ko akalaing makakaabot ako dito. and sana proud po ‘yung magulang ko,” ani Dizon.
Nabatid na mayroon ding touch of drama ang “Fan Girl” na patungkol sa isang obsessed teenage fan na ginagampanan ni Dizon na na-stuck ng isang gabi sa loob ng mansyon kasama ang kanyang celebrity idol sa katauhan naman ni Avelino.
Una nang ipinalabas sa Tokyo International Film Festival ang “Fan Girl” bago makapasok sa “10 magic” entries ng MMFF.
Samantala, ang 2nd best picture ay ang “The Boy Foretold By The Stars” na siya ring ginawaran ng Gender Sensitivity Award; habang 3rd best picture ang drama theme rin na “Tagpuan.”
Kabilang pa sa mga nagwagi ay si Shaina Magdayao bilang best supporting actress, best supporting actor si Michael de Mesa, best virtual float ang fantasy adventure film na “Magikland,” at ang best child performer ay mula sa horror thriller na “The Missing.”
Wala namang nakuha ang “Mang Kepweng” ni Vhong Navarro mula sa dalawang kategorya na nominado ito, gayundin ang isa pang comedy na “Pakboys: Takusa” na sa nominations pa lang ay bokya na.
Narito ang kompletong listahan ng MMFF winners:
Best Actress: Charlie Dizon (Fan Girl)
Best Actor: Paulo Avelino (Fan Girl)
Best Picture: Fan Girl
2nd Best Picture: The Boy Foretold By The Stars
3rd Best Picture: Tagpuan
Best Director: Antoinette Jadaone (Fan Girl)
Best Supporting Actress: Shaina Magdayao (Tagpuan)
Best Supporting Actor: Michael de Mesa (Isa Pang Bahaghari)
Best Screenplay: Fan Girl (Antoinette Jadaone)
Best Child Performer: Seiyo Masunaga (The Missing)
Best Cinematography: Fan Girl (Neil Daza)
Best Editing: Fan Girl (Benjamin Tolentino)
Best Production Design: Magikland (Erikson Navarro)
Best Visual Effects: Magikland (Richard Francia, Ryan Grimarez of Central Digital Lab)
Best Original Theme Song: The Boy Foretold by the Stars (“Ulan” by Jhay Cura/Pau Protacio)
Best Musical Score: Magikland (Emerzon Texon)
Best Sound: Fan Girl (Vincent Villa)
Best Student Film: Paano Maging Babae (De La Salle College of St. Benilde)
Best Virtual Float: Magikland (1st place), Isa Pang Bahaghari (2nd place), Fan Girl (3rd place)
Nanguna sina Marco Gumabao at beauty queen turned actress Kylie Versoza bilang host ng virtual Gabi ng Parangal ng 46th MMFF.
Noong nakaraang taon, big winner ang war drama entry na “Mindanao” na pinagbidahan nina Judy Ann Santos at Allen Dizon matapos humakot ng 11 parangal.