• July 3, 2024
  • Ang Diyaryong Pinagkakatiwalaan

Archive for December 21st, 2021

Bulacan, wagi ng iba’t ibang parangal sa TOPS Regional Award 2021

Posted on: December 21st, 2021 by @peoplesbalita No Comments

LUNGSOD NG MALOLOS – Tumanggap ang Pamahalaang Panlalawigan ng Bulacan sa pamamagitan ng Provincial Social Welfare and Development Office ng tatlong malalaking parangal sa katatapos lamang na The Outstanding Population Structure (TOPS) Regional Award 2021 na pinangunahan ng Commission on Population and Development-Region III noong Miyerkules, Disyembre 15, 2021 sa Lungsod ng San Fernando, Pampanga para sa implementasyon nito ng population and development program sa lalawigan.

 

 

Sa ginanap na seremonyal na pagpaparangal noong Huwebes kasabay ng ‘Pangkalahatang Pagtitipon ng mga Lingkod Lingap sa Nayon (LLN) and Motherleaders’, iprinisinta ng pinuno ng PSWDO at Provincial Population Officer Rowena J. Tiongson ang mga parangal kung saan nagwagi ang Lalawigan ng Bulacan ng Best in Adolescent Health and Development Component; Best in Population and Development Integration Component at nagkamit ng 3rd place sa Over-All in Population Program Implementation.

 

 

Samantala, binigyang pagkilala naman ni Gobernador Daniel R. Fernando ang mga LLN at Motherleaders bilang bahagi ng parangal na natanggap ng lalawigan at pinuri sila bilang katuwang ng Pamahalaang Panlalawigan sa pagsasagawa ng development programs sa bawat barangay.

 

 

“Motherleaders at mga LLN, you are also part of this award. Sa mga parangal na ito, ipinapakita ng Panginoon na tayong lahat ay nagsisikap. Kayo ay katuwang ng Pamahalaang Panlalawigan sa pagsasagawa ng mga programa para sa mga Bulakenyo. Pinasasalamatan ko kayo sa inyong aktibong pagbibigay ng serbisyo at sa patuloy na pangangalaga sa inyong mga barangay,” anang gobernador.

 

 

Layunin ng TOPS na kilalanin ang mga pamahalaang lokal na may katangi-tangi at huwarang kasanayan sa malawakang pagpapatupad ng Philippine Population and Development Program. (Bishop Jesus “Jemba” M. Basco)

Gobyerno, may inilaang P2-B relief assistance para sa Odette-hit areas

Posted on: December 21st, 2021 by @peoplesbalita No Comments

TINIYAK ng pamahalaan na maglalaan ito ng P2 bilyong halaga ng relief assistance para sa mga komunidad na labis na naapektuhan ng bagyong Odette.

 

Ito’y sa kabila nang naging pahayag ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na nasimot na ang pondo ng gobyerno dahil sa COVID-19 pandemic.

 

“Si Pangulong Duterte has already committed P2 billion na funding. Ang i-allocate to help ito rin. Sinabi niya sa governors na kinausap niya kahapon,” ayon kay acting Presidential Spokesperson at Cabinet Secretary Karlo Nograles.

 

Nauna rito, nagsagawa si Pangulong Duterte ng aerial inspection, araw ng Sabado sa ilang lugar na hinagupit ni bagyong Odette gaya ng Siargao, Surigao City, Dinagat Islands at Maasin City sa Southern Leyte.

 

Nagsagawa rin ng pagpupulong ang Pangulo kasama ang local government officials sa mga nasabing lugar.

 

Sinabi pa ni Nograles na may naka-preposition ng family food packs at maging non-food items na nagkakahalaga ng P1 bilyong piso.

 

Nag-commit naman ang Department of Public Works and Highways naiki- clear ang mga lansangan sa nabanggit na lugar.

 

“Over 31 fatalities nationwide were reported after Typhoon Odette ravaged Visayas and Mindanao areas,” ayon kay Nograles.

 

Ani Nograles, mayroong mahigit na 700,000 katao sa 2,322 villages ang naapektuhan ng bagyong Odette.

 

“Sa evacuation centers, mayroon po tayong evacuees na mga 74,680 families so ito ‘yung mga kailangan nating tulungan,” aniya pa rin sabay sabing “verification on damage assessment is also still underway.”

 

Si Odette, para kay Nograles ay mas matinding bagyo kaysa kay Typhoon Sendong na tumama sa Cagayan de Oro noong 2011, na lumabas na ng Philippine Area of Responsibility subalit mananatiling mananalasa sa Kalayaan Islands sa Palawan ngayong weekend.

 

Samantala, bumisita si Pangulong Duterte sa Bohol at Cebu provinces kahapon, ayon kay Senator Christopher “Bong” Go. (Daris Jose)

Jake Paul pinatumba si Woodley sa 6th round

Posted on: December 21st, 2021 by @peoplesbalita No Comments

Pinatumba ni YouTube star Jake Paul si dating UFC champion Tyron Woodley sa ikaanim na round ng kanilang boxing match na ginanap sa Amalie Arena sa Tampa, Florida.

 

 

Sa unang limang round ay hindi gaanong naging mainit ang laban kaya nagalit ang mga fans.

 

 

Pagpasok ng ikaanim na round ay doon na lamang uminit si Paul hanggang nakapasok ang kaniyang kanang suntok na nagbunsod sa pagkatulog ni Woodley.

 

 

Magugunitang sa unang laban ng dalawa noong Agosto ay nagtapos sa split decision.

 

 

Dahil sa panalo ay mayroon ng limang panalo at wala pang talo ang boxing record ng 24-anyos na si Paul.

President Duterte unveiled new train sets ng MRT 7

Posted on: December 21st, 2021 by @peoplesbalita No Comments

Pinanguhan ni President Rodrigo Durterte noong nakaraang Huwebes ang unveiling ng mga bagong train sets para sa operasyon ng Metro Rail Transit Line 7 (MRT 7) na magbubukas sa huling quarter ng 2022.

 

 

Ang bagong MRT 7 ay isang world-class na transportasyon at inaasahang makakatulong upang maging mas productive ang mga mangangawa at maging maunlad ang mga negosyo sa Metro Manila.

 

 

“The arrival of the trains and the significant progress made on the MRT 7 project confirm this administration’s strong commitment to pursue critical infrastructure projects even amid the challenges of the COVID-19 pandemic,” wika ni Duterte.

 

 

Ang MRT 7 na may habang 24 kilometro mula sa North Avenue sa Quezon City hanggang San Jose Del Monte sa Bulacan ay 60 porsiento ng tapos at inaasahang magiging operasyonal sa darating na 2022.

 

 

Dagdag pa ni Duterte na ang MRT 7 ay isang rail transportasyon na makapagbibigay ng mas mabilis, ligtas, kaaya-aya, maginhawa, at komportableng pagbiyahe ng mga pasahero.

 

 

May anim (6) na bagong train sets o labing-walong (18) train cars ang dumating at pinakita ng Pangulong Duterte.

 

 

Ang MRT 7 ay nagkakahalaga ng P77 billion at binigyan ng pondo mula sa public at private partnership ng San Miguel Corporation sa ilalim ng build-transfer-and operate na pamamaraan at may 25 taon na concession period.

 

 

Inaasahang mabibigyan ng serbisyo ang may 300,000 na pasahero sa unang taon ng operasyon hanggang 850,000 na pasahero kada araw sa ika-12 taon ng operasyon nito.

 

 

May kabuohang 108 rail cars o 36 train sets ang binili mula sa South Korea’s Hyundai Rotem ang babagtas sa 14 na estasyon nito. Inaasahang mababawasan ang travel time sa pagitan ng North Avenue at San Jose Del Monte kung saan ito ay magiging 35 minutes na lamang mula sa dating tatlong (3) oras ng paglalakbay. Inaasahang mababawasan ang pagsisikip ng trapiko sa Metro Manila.

 

 

“MRT 7 is a vital cog in our long-term goal to develop an integrated and interconnected transportation system where people from all income levels can get around and beyond the metropolis, quickly and efficiently. More than an affordable, reliable and efficient means to move people, MRT 7 signifies a turning point in our resolve to promote equity and inclusivity across our cities. It’s a better vehicle for opportunities, equity and better quality of life for Filipinos,” ayon kay SMC president at chief executive officer Ramon Ang.

 

 

Nanawagan pa rin si Duterte sa mga sangay ng pamahalaan na dapat masiguro ang madaling pagpapatupad at pagtatapos ng mga malalaking proyekto ng pamahalaan habang patuloy na may kaakibat na transparency, integrity at accountability sa mga operasyon.

 

 

Pinasalamatan naman ni Duterte ang partnership ng SMC at ang Department of Transportation (DOTr) dahil naging posible ang proyektong MRT 7.

 

 

Ang proyektong MRT 7 ay may 14 na estasyon tulad ng Quezon North Avenue, Quezon Memorial Circle, University Avenue, Tandang Sora, Don Antonio, Batasan, Manggahan, Dona Carmen, Regalado, Mindanao Avenue, Quirino, Sacred Heart, Tala, at San Jose del Monte.  LASACMAR

3 drug suspects nadakma sa buy bust sa Malabon, Valenzuela

Posted on: December 21st, 2021 by @peoplesbalita No Comments

KULUNGAN ang kinasadlakan ng tatlong hinihinalang tulak ng illegal na droga, kabilang ang 18-anyos na bebot matapos madamba sa magkahiwalay na buy bust operation ng pulisya sa Malabon at Valenzuela Cities, kahapon ng madaling araw.

 

 

Kinilala ni Malabon police chief Col. Albet Barot ang naarestong mga suspek na sina Dan Patrick Lumagbas alyas “Bimboy”, 24, ng Dagat-dagatan Brgy. Longos at Mary Berjolie Vicente alyas “Em”, 18 ng Purok 6, Dulong Hernandez, Brgy. Catmon.

 

 

Sa imbestigasyon ni PMSg Randy Billedo, dakong alas-5:30 ng madaling araw nang magsagawa ang mga operatiba ng Station Drug Enforcement Unit (SDEU) sa ilalim ng pangangasiwa ni PLT Alexander Dela Cruz ng buy bust operation sa Hasa-Hasa St., Brgy. Longos na nagresulta sa pagkakaaresto sa mga suspek matapos bentahan ng P500 halaga ng droga ang isang police poseur-buyer.

 

 

Nakumpiska sa mga suspek ang tinatayang nasa 7.80 grams ng hinihinalang shabu na may standard drug price P53,040, buy bust money at cellphone.

 

 

Sa Valenzuela, natimbog din ng mga operatiba ng SDEU ng Valenzuela police sa pamumuno ni PLT Joel Madregalejo si Antonio Doon sa buy bust operation sa Sugar St., Llenado Subd., Brgy. Karuhatan dakong alas-3:30 ng madaling araw.

 

 

Nakuha sa kanya ang apat na plastic sachets na naglalaman ng hindi pa matukoy na halaga ng hinihinalang shabu, P500 buy bust money, P300 cash, cellphone at pouch.

 

 

Nahaharap ang mga naarestong suspek sa kasong paglabag sa RA 9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002. (Richard Mesa)

Nasawi dahil sa bagyong Odette, umakyat na sa 208 – PNP

Posted on: December 21st, 2021 by @peoplesbalita No Comments

Umakyat na sa 208 ang mga napaulat na bilang ng mga nasawi dahil sa pananalasa ng typhoon Odette.

 

 

Batay ito sa consolidated report ng Philippine National Police Operation Center (PNP-OC) na ibinahagi ni PNP Spokesperson Col. Roderick Alba.

 

 

Pinakamaraming nasawi sa Central Visayas na may 129.

 

 

Sinundan ng CARAGA na may 41 nasawi at Western Visayas na may 24 na binawian ng buhay.

 

 

Nasa pito naman ang nasawi sa Northern Mindanao.

 

 

Habang anim sa Eastern Visayas at isa sa Zamboanga Peninsula.

 

 

Kasama sa mga dahilan ng pagkasawi ang pagkalunod, nabagsakan ng puno o debris at pagkabaon sa gumuhong lupa.

 

 

Samantala, nakasaad din sa datos ng PNP na 239 ang nasaktan dahil sa bagyo habang 52 naman ang nawawala at patuloy pang hinahananap. (Gene Adsuara)

JANNO, in-insist talaga na makasama sina MANILYN at BING sa ipinagmamalaking dream project

Posted on: December 21st, 2021 by @peoplesbalita No Comments

SI “Mang Jose”, ang superhero na ginawa at in-introduce ng bandang Parokya ni Edgar sa kanilang sikat na awitin noong 2005 na may lyrics na, “Ang superhero na pwedeng arkilahin/Mang Jose, parang si Daimos din/Ngunit pagkatapos ay bigla kang sisingilin.”

 

 

Na ngayon ay isa ng ganap na ‘superhero movie with a twist’, na mapapanood lamang sa Vivamax simula sa December 24.

 

 

Si Janno Gibbs ang gaganap na Mang Jose na may special ability of energy absorption and redirection.

 

 

Ang mga nangangailan ng tulong ay kailangan lang tumawag sa kanya. Pero ang catch, hindi ito libre dahil may bayad ang bawat serbisyo ni Mang Jose.

 

 

Makakatunggali ni Mang Jose ang nagkakalat ng lagim sa siyudad na si King Ina, na gagampanan naman ng dating love team partner ni Janno na si Manilyn Reynes.

 

 

Kapag nakainom ang mga tao ng milk tea na Peace Tea, kaya na silang ma-control ni King Ina at maging sunud-sunod na mga alipin.

 

 

Ang army ni King Ina ay tinatawag na ’Turborats’ na dudukot kay Tina (Bing Loyzaga). Kaya ang anak nitong si Tope (Mikoy Morales), na isang call center agent, iha-hire Mang Jose para iligtas ang kanyang ina.

 

 

Ang naturang rescue mission ay magko-cost ng napakalaking halaga kay Tope, pero ang madi-discover nila ni Mang Jose along the way ay masasabing priceless.

 

 

Ang Mang Jose ay nag-uumapaw ang fight and laugh-out-loud scenes. Na kung saan kasama ni Mang Jose ang kanyang wacky sidekick na bill collector na si Charlemagne (Jerald Napoles) na siguradong magbibigay sa viewers ng isang ‘out of this world experience’.

 

 

Nagkasama na sina Janno at Jerald sa 2020 MMFF International Film Festival entry na Pakboys.

 

 

Ang Mang Jose ay second time ni Janno na gumanap ng isang fictitious superhero, nauna na rito ang Pedro Penduko in Ang Pagbabalik ni Pedro Penduko (1994), at sa sequel na Pedro Penduko, Episode II: The Return of the Comeback (2000).

 

 

Anyway, after two decades, ang Mang Jose ang big screen reunion nina Janno at Manilyn. Ang JannoLyn tandem ay isa sa biggest love teams in the ‘80s, na kahit na magkalaban sila sa comedy-fantasy film, tuwang-tuwa pa rin ang kanilang avid fans .

 

 

Ang participation naman ni Bing Loyzaga ay masasabing added bonus.

 

 

Aminado naman si Janno na dream project na ang Mang Jose, “This movie is my baby. I love the project. I love what we’ve done. Hindi siya yung ine-expect ng tao, na parang kalokohan lang, comedy-superhero movie, hindi e. May comedy pero malaman.”

 

 

Kaya in-insist talaga niya na makasama sina Manilyn at Bing, “as I said, ako talaga ang nag-request for the two to be together in this movie.”

 

 

Aminado naman sina Manilyn at Bing na nag-excite sila nang malamang makakasama nila si Janno sa isang movie at wala silang hesitation na tanggapin. Naging maganda at masaya naman ang kanilang pagsasama, dahil wala namang isyu sa kanila at nananatili ang kanilang pagkakaibigan.

 

 

Para naman kay Mikoy, ang Mang Jose ay ang start of many big opportunities dahil isa siya sa pinangalanan na mapapasama sa iconic superhero series very soon.

 

 

Mula ito sa direksyon ni Rayn F. Brizuela, ang Mang Jose ay na-feature sa Bucheon International Fantastic Film Festival (BIFAN) in South Korea last July.

 

 

Hindi ito ang first time ni Director Brizuela na mapasama ang movie niya sa international film festival. Ang kanyang first feature film na Memory Channel noong 2016 ay nag-compete sa World Premiere Film Festival.

 

 

Para ma-experience kakaibang power ni Mang Jose simulang panoorin sa Vivamax ngayong December 24.

 

 

Go to web.vivamax.net or download the app and subscribe via Google Play Store, App Store or Huawei App Gallery.

 

 

Streaming din ito Vivamax Middle East (UAE, Saudi Arabia, Kuwait, Oman, Bahrain, and Qatar), Europe, Hong Kong, Japan, Malaysia, and Singapore, Indonesia, Thailand, South Korea, Taiwan, Brunei, Macao, Vietnam, Maldives, Australia, New Zealand, USA at Canada.

(ROHN ROMULO)